ARALIN 35
Pag-uulit Bilang Pagdiriin
ANG mabisang pagtuturo ay gumagamit ng pag-uulit. Kapag ang isang mahalagang punto ay sinabi nang mahigit sa isang ulit, mas malamang na matatandaan ito niyaong mga nakikinig. Kapag ang ideya ay inulit sa medyo naiibang paraan, ang mga ito ay maaaring maunawaan pa nga nang mas malinaw.
Kung hindi natatandaan ng iyong tagapakinig ang iyong sinabi, ang iyong mga salita ay hindi makaiimpluwensiya sa kanilang pinaniniwalaan o sa paraan ng kanilang pamumuhay. Malamang na patuloy nilang pag-iisipan ang mga punto na binigyan mo ng pantanging pagdiriin.
Si Jehova, ang ating Dakilang Tagapagturo, ay nagpakita ng halimbawa sa atin sa kaniyang paggamit ng pag-uulit. Ibinigay niya ang Sampung Utos sa bansang Israel. Sa pamamagitan ng isang anghel bilang tagapagsalita, ipinarinig niya sa bansa ang mga utos na iyon sa Bundok Sinai. Nang maglaon ay ibinigay niya ang mga ito kay Moises sa nakasulat na anyo. (Ex. 20:1-17; 31:18; Deut. 5:22) Sa utos ni Jehova, muling sinabi ni Moises ang mga utos na iyon sa bansa bago sila pumasok sa Lupang Pangako, at sa pamamagitan ng banal na espiritu, si Moises ay gumawa ng ulat nito, gaya ng masusumpungan sa Deuteronomio 5:6-21. Kabilang sa mga utos na ibinigay sa Israel ay ang kahilingan na ibigin at paglingkuran nila si Jehova nang kanilang buong puso, kaluluwa, at lakas. Ito man ay sinabi rin nang paulit-ulit. (Deut. 6:5; 10:12; 11:13; 30:6) Bakit? Sapagkat, gaya ng sinabi ni Jesus, “ito ang pinakadakila at unang utos.” (Mat. 22:34-38) Sa pamamagitan ni propeta Jeremias, ipinaalaala ni Jehova sa bayan ng Juda nang mahigit sa 20 ulit ang kaselangan ng pagsunod sa kaniya sa lahat ng bagay na iniutos niya sa kanila. (Jer. 7:23; 11:4; 12:17; 19:15) At sa pamamagitan ni Ezekiel, sinabi ng Diyos nang mahigit sa 60 ulit na “makikilala [ng mga bansa] na ako ay si Jehova.”—Ezek. 6:10; 38:23.
Sa ulat ng ministeryo ni Jesus, makikita rin natin ang mabisang paggamit ng pag-uulit. Halimbawa, mayroong apat na Ebanghelyo—bawat isa ay sumasaklaw sa mahahalagang pangyayari na iniulat ng isa o mahigit pa sa ibang mga Ebanghelyo subalit minamalas ang mga pangyayaring ito sa medyo naiibang anggulo. Sa kaniyang sariling pagtuturo, tinalakay ni Jesus ang gayunding saligang punto nang ilang beses subalit sa naiibang mga paraan. (Mar. 9:34-37; 10:35-45; Juan 13:2-17) At habang nasa Bundok ng mga Olibo ilang araw bago ang kaniyang kamatayan, ginamit ni Jesus ang pag-uulit upang idiin ang mahalagang payong ito: “Patuloy kayong magbantay, . . . dahil hindi ninyo alam kung anong araw darating ang inyong Panginoon.”—Mat. 24:42; 25:13.
Sa Ministeryo sa Larangan. Kapag nagpapatotoo ka sa mga tao, inaasahan mong matatandaan nila ang iyong sinasabi. Ang mabisang paggamit ng pag-uulit ay makatutulong upang maabot ang tunguhing iyan.
Kadalasan, ang pag-uulit sa panahon ng pagtalakay sa isang bagay ay nakatutulong upang maikintal ito sa isip ng isang tao. Kaya, matapos basahin ang isang kasulatan, maaari mong idiin ito sa pamamagitan ng pagtukoy sa isang susing bahagi nito at sa pagtatanong ng, “Napansin mo ba kung paano ginamit ang mga salita sa tekstong iyan?”
Ang pangwakas na mga pangungusap sa isang pag-uusap ay maaari ring gamitin nang mabisa. Halimbawa, maaari mong sabihin: “Ang pangunahing punto na gusto kong matandaan mo sa ating pag-uusap ay . . .” Pagkatapos ay ulitin mo iyon sa simpleng paraan. Iyon ay maaaring maging katulad nito: “Layunin ng Diyos na baguhin ang lupa upang maging isang paraiso. Ang layuning iyan ay tiyak na matutupad.” O kaipala’y: “Ang Bibliya ay maliwanag na nagpapakita na tayo ay nabubuhay sa mga huling araw ng sistemang ito ng mga bagay. Upang tayo ay makaligtas sa kawakasan nito, kailangan nating matutuhan ang mga hinihiling sa atin ng Diyos.” O maaaring ganito: “Kagaya ng ating nakita, ang Bibliya ay nagbibigay ng praktikal na payo kung paano haharapin ang mga suliranin ng buhay-pampamilya.” Sa ilang kaso maaari mong basta ulitin ang isang pagsipi mula sa Bibliya bilang punto na dapat matandaan. Sabihin pa, upang maging epektibo kailangang ito’y patiunang paghandaan.
Sa mga pagdalaw-muli, gayundin sa mga pag-aaral sa Bibliya, ang paggamit mo ng pag-uulit ay maaaring mangailangan ng mga tanong sa repaso.
Kapag nahihirapan ang isang tao na maunawaan o maikapit ang payo ng Bibliya, baka kailangan mong talakayin ang paksa nang mahigit sa isang pagkakataon. Pagsikapang iharap ito mula sa iba’t ibang anggulo. Hindi naman kailangang maging mahaba ang pagtalakay ngunit dapat na pasiglahin nito ang estudyante na patuloy na pag-isipan ang bagay na iyon. Tandaan, ginamit ni Jesus ang ganitong klase ng pag-uulit sa pagtulong sa kaniyang mga alagad na mapagtagumpayan ang pagnanais na mapalagay sa pangunahing dako.—Mat. 18:1-6; 20:20-28; Luc. 22:24-27.
Kapag Nagbibigay ng mga Pahayag. Kapag nagpapahayag ka sa plataporma, ang iyong tunguhin ay hindi lamang ang magharap ng impormasyon. Gusto mong ito’y maunawaan, matandaan, at maikapit ng mga tagapakinig. Upang magawa ito, gamiting mabuti ang pag-uulit.
Gayunman, kapag inuulit mo nang masyadong madalas ang mga pangunahing punto, maaaring maiwala mo ang pansin ng iyong tagapakinig. Maingat na piliin ang mga puntong nangangailangan ng pantanging pagdiriin. Ang mga ito ay kadalasang siyang mga pangunahing punto na doo’y nakasalalay ang iyong pahayag, subalit maaaring lakipan din ang mga ito ng iba pang mga ideya na may pantanging kahalagahan sa iyong tagapakinig.
Upang magawa ang pag-uulit, maaari mong balangkasin muna ang iyong mga pangunahing punto sa pambungad. Gawin iyon sa pamamagitan ng maikling mga pananalita na nagbibigay ng pangkalahatang pangmalas sa iyong sasaklawin, taglay ang mga tanong, o maiikling halimbawa na naghaharap ng mga suliraning kailangang lutasin. Maaari mong sabihin kung gaano karami ang mga pangunahing punto at itala ang mga ito ayon sa bilang. Pagkatapos ay buuin ang bawat isa sa mga puntong iyon sa katawan ng iyong pahayag. Ang pagdiriin ay mapatitibay sa katawan ng iyong pahayag sa pamamagitan ng pag-uulit sa bawat pangunahing punto bago magtungo sa susunod. O maaari itong maisagawa sa pamamagitan ng paggamit ng isang halimbawa kung paano ikakapit ang pangunahing punto. Ang karagdagang pagdiriin ay maaaring gawin sa iyong mga pangunahing punto sa pamamagitan ng paggamit ng isang konklusyon na umuulit sa mga ito, nagtatampok sa mga ito sa pamamagitan ng paghahambing, sumasagot sa ibinangong mga tanong, o maikling nagbibigay ng mga solusyon sa iniharap na mga suliranin.
Bukod pa sa nasa itaas, ang isang makaranasang tagapagsalita ay maingat na nagmamasid sa mga indibiduwal na bumubuo sa kaniyang tagapakinig. Kung hindi maintindihan ng ilan sa kanila ang isang ideya, napapansin ito ng tagapagsalita. Kung ang punto ay mahalaga, muli niya itong tatalakayin. Gayunman, ang pag-uulit sa iyon at iyon ding mga salita ay maaaring hindi maging mabisa. Higit pa rito ang kailangan sa pagtuturo. Kailangan siyang makibagay. Baka kailangan niyang biglaang magdagdag ng punto sa kaniyang pahayag. Ang pagkatuto mong harapin ang mga pangangailangan ng tagapakinig sa ganitong paraan ay malaki ang magagawa upang maging mabisa ka bilang isang guro.