KABANATA 5
“Ito ang Aking Anak”
KAPAG gumagawa ng mabubuting bagay ang mga bata, natutuwa ang mga nag-aalaga sa kanila. Kapag may nagagawang maganda ang isang batang babae o lalaki, natutuwa ang kaniyang ama na masabi sa iba: “Ito ang aking anak.”
Si Jesus ay palaging gumagawa ng mga bagay na nakalulugod sa kaniyang Ama. Kaya naman ipinagmamalaki siya ng kaniyang Ama. Natatandaan mo ba ang ginawa noon ng Ama ni Jesus nang si Jesus ay kasama ng tatlo sa kaniyang mga tagasunod?— Oo, nagsalita ang Diyos mula sa langit upang sabihin sa kanila: “Ito ang aking Anak, ang minamahal, na aking sinang-ayunan.”—Mateo 17:5.
Palaging masaya si Jesus sa paggawa ng mga bagay na nakalulugod sa kaniyang Ama. Alam mo ba kung bakit? Kasi, talagang iniibig niya ang kaniyang Ama. Kapag ang isang tao ay gumagawa ng mga bagay dahil lamang sa dapat gawin ang mga iyon, parang mahirap nga ito. Pero kung siya ay may pagkukusa, mas madali iyon. Alam mo ba kung ano ang ibig sabihin ng may pagkukusa?— Nangangahulugan iyon na talagang gusto mong gawin ang isang bagay.
Bago pa man bumaba si Jesus sa lupa, nakahanda na siya sa anumang ipinagagawa sa kaniya ng kaniyang Ama. Ito ay dahil sa iniibig niya ang kaniyang Ama, ang Diyos na Jehova. Napakaganda ng kalagayan ni Jesus sa langit kasama ng kaniyang Ama. Pero ang Diyos ay may pantanging gawain na ipagagawa kay Jesus. Para magawa iyon, kailangang umalis si Jesus sa langit. Kailangan siyang isilang sa lupa bilang isang sanggol. Nakahanda si Jesus na gawin ito dahil iyan ang gusto ni Jehova na gawin niya.
Upang maisilang sa lupa bilang isang sanggol, kailangang may nanay si Jesus. Alam mo ba kung sino siya?— Ang kaniyang pangalan ay Maria. Pinababâ ni Jehova ang kaniyang anghel na si Gabriel mula sa langit para kausapin si Maria. Sinabi sa kaniya ni Gabriel na siya ay magsisilang ng isang sanggol na lalaki. Ang sanggol ay tatawaging Jesus. At sino kaya ang magiging ama ng sanggol?— Sinabi ng anghel na ang magiging Ama ng sanggol ay ang Diyos na Jehova. Kaya nga tinawag si Jesus na Anak ng Diyos.
Ano kaya sa palagay mo ang nadama ni Maria tungkol dito?— Sinabi ba niyang, “Ayokong maging nanay ni Jesus”? Hindi, handa si Maria na gawin ang gusto ng Diyos. Pero paano kayang ang Anak ng Diyos sa langit ay maisisilang bilang isang sanggol sa lupa? Paano naiiba ang pagsilang ni Jesus mula sa pagsilang ng lahat ng iba pang mga sanggol? Alam mo ba?—
Buweno, ginawa ng Diyos ang ating unang mga magulang, sina Adan at Eva, upang sila ay magsama sa isang kahanga-hangang paraan. Pagkatapos nito, ang sanggol ay unti-unting lálakí sa tiyan ng kaniyang nanay. Sinasabi ng mga tao na ito raw ay isang himala! Natitiyak kong sasang-ayon ka.
Ngayon naman ay gumawa ang Diyos ng isa pang higit na kahanga-hangang himala. Inilipat niya ang buhay ng kaniyang Anak mula sa langit tungo sa tiyan ni Maria. Ngayon lamang ito ginawa ng Diyos, at hindi na niya ito inulit mula noon. Dahil sa himalang ito, unti-unting lumaki si Jesus sa tiyan ni Maria kung paanong ang ibang mga sanggol ay lumalaki sa tiyan ng kani-kanilang nanay. Pagkatapos, nagpakasal si Maria kay Jose.
Nang sumapit na ang panahon para isilang si Jesus, sina Maria at Jose ay kasalukuyang dumadalaw noon sa lunsod ng Betlehem. Pero napakaraming tao roon. Wala na ngang makitang tuluyan sina Maria at Jose, kaya doon na lamang sila nanuluyan sa kinalalagyan ng mga hayop. Doon nagsilang si Maria, at si Jesus ay inilagay sa isang sabsaban, gaya ng makikita mo rito. Ang sabsaban ang siyang pinaglalagyan ng pagkain ng mga baka at ng iba pang mga hayop.
May kapana-panabik na mga bagay na naganap noong gabing isilang si Jesus. Malapit sa Betlehem, isang anghel ang nagpakita sa mga pastol. Sinabi nito sa kanila na si Jesus ay isang importanteng tao. Sinabi ng anghel: ‘Narito! May mabuting balita akong sasabihin sa inyo na magpapasaya sa mga tao. May ipinanganak ngayon na magliligtas sa mga tao.’—Lucas 2:10, 11.
Sinabi ng anghel sa mga pastol na matatagpuan nila si Jesus sa Betlehem, na nakahiga sa isang sabsaban. Pagkatapos nito, biglang sumali sa naunang anghel ang iba pang mga anghel sa langit sa pagpuri sa Diyos. ‘Kaluwalhatian sa Diyos,’ ang awit ng mga anghel, “at sa lupa ay kapayapaan sa gitna ng mga taong may kabutihang-loob.”—Lucas 2:12-14.
Pagkaalis ng mga anghel, pumunta ang mga pastol sa Betlehem at nakita nila si Jesus. Doon ay sinabi nila kina Jose at Maria ang lahat ng mabubuting bagay na kanilang narinig. Maguguniguni mo ba kung gaano kaligaya si Maria sa pagpayag niyang maging nanay ni Jesus?
Pagkaraan, isinama nina Jose at Maria si Jesus sa lunsod ng Nazaret. Doon lumaki si Jesus. Nang malaki na siya, sinimulan niya ang kaniyang mahalagang gawaing pagtuturo. Bahagi ito ng gawaing gusto ng Diyos na Jehova na gawin ng kaniyang Anak sa lupa. Nakahanda si Jesus na gawin iyon sapagkat pinakaiibig ni Jesus ang kaniyang makalangit na Ama.
Bago simulan ni Jesus ang kaniyang gawain bilang ang Dakilang Guro, binautismuhan muna siya ni Juan Bautista sa Ilog Jordan. Pagkatapos, isang nakagugulat na bagay ang naganap! Habang umaahon si Jesus mula sa tubig, nagsalita si Jehova mula sa langit, na nagsasabi: “Ito ang aking Anak, ang minamahal, na aking sinang-ayunan.” (Mateo 3:17) Hindi ba’t natutuwa ka kapag sinasabi ng iyong mga magulang na mahal ka nila?— Matitiyak natin na gayundin si Jesus.
Palaging ginagawa ni Jesus kung ano ang tama. Hindi siya nagpanggap. Hindi niya sinabi sa mga tao na siya ang Diyos. Sinabi ni anghel Gabriel kay Maria na si Jesus ay tatawaging Anak ng Diyos. Sinabi mismo ni Jesus na siya ay Anak ng Diyos. At hindi niya sinabi sa mga tao na mas marami siyang alam kaysa sa kaniyang Ama. Sinabi niya: “Ang Ama ay mas dakila kaysa sa akin.”—Juan 14:28.
Maging doon sa langit, nang si Jesus ay bigyan ng kaniyang Ama ng gawain, ginawa iyon ni Jesus. Hindi niya sinabi na gagawin niya iyon pero iba naman ang kaniyang ginawa. Iniibig niya ang kaniyang Ama. Kaya nakinig siya sa sinabi ng kaniyang Ama. At nang bumaba si Jesus sa lupa, ginawa niya ang ipinagagawa sa kaniya ng kaniyang makalangit na Ama. Hindi siya gumugol ng panahon sa ibang bagay. Kaya naman tuwang-tuwa si Jehova sa kaniyang Anak!
Gusto rin nating matuwa si Jehova, hindi ba?— Kung gayon ay dapat nating ipakita na talagang nakikinig tayo sa Diyos, gaya ni Jesus. Ang Diyos ay nagsasalita sa atin sa pamamagitan ng Bibliya. Hindi nga tama na magkunwaring nakikinig tayo sa Diyos pero ang pinaniniwalaan at ginagawa naman natin ay yaong mga bagay na salungat sa Bibliya, hindi ba?— At tandaan na matutuwa tayong mapaluguran si Jehova kung talagang iniibig natin siya.
Basahin mo ngayon ang iba pang mga tekstong ito sa Bibliya na nagpapakita kung ano ang kailangan nating malaman at paniwalaan tungkol kay Jesus: Mateo 7:21-23; Juan 4:25, 26; at 1 Timoteo 2:5, 6.