KABANATA 45
Ano ang Kaharian ng Diyos? Kung Paano Maipakikitang Gusto Natin Ito
ALAM mo ba ang panalanging itinuro ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod?— Kung hindi, puwede natin itong basahing magkasama mula sa Bibliya, sa Mateo 6:9-13. Sa panalangin, na tinatawag ng marami na Ama Namin, naroroon ang mga salitang: “Dumating nawa ang iyong kaharian.” Alam mo ba kung ano ang Kaharian ng Diyos?—
Buweno, ang isang hari ay tagapamahala ng isang bansa o teritoryo. At ang kaniyang pamahalaan ay tinatawag na kaharian. Sa ilang bansa ang lider ng pamahalaan ay tinatawag na presidente. Ano naman ang tawag sa Tagapamahala ng pamahalaan ng Diyos?— Hari. Iyan ang dahilan kung bakit Kaharian ang tawag sa pamahalaan ng Diyos.
Alam mo ba kung sino ang pinili ng Diyos na Jehova na maging Hari ng Kaniyang pamahalaan?— Ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Bakit mas magaling siya kaysa sa sinumang tagapamahala na mapipili ng mga tao?— Dahil talagang iniibig ni Jesus ang kaniyang Ama, si Jehova. Kaya naman palagi niyang ginagawa ang tama.
Matagal pa bago ipanganak si Jesus sa Betlehem, sinabi na sa Bibliya ang tungkol sa kaniyang pagsilang at sinabi rin na siya ang magiging piniling Tagapamahala ng Diyos. Basahin natin ito, sa Isaias 9:6, 7, mula sa Ang Bibliya—Bagong Salin sa Pilipino. Sinasabi rito: “Sa atin ay isinilang ang isang sanggol, ibinigay sa atin ang isang anak na lalaki at ang pamamahala ay maaatang sa kaniyang mga balikat. At siya ay tatawaging . . . Prinsipe ng Kapayapaan. Ang paglago ng kaniyang kapamahalaan at kapayapaan ay walang wakas.”—Amin ang italiko.
Alam mo ba kung bakit ang Tagapamahala ng Kaharian ng Diyos ay tinatawag dito na “Prinsipe”?— Buweno, ang prinsipeng ito ay anak ng hari. At si Jesus ay Anak ng Dakilang Hari, si Jehova. Pero ginawa rin ni Jehova si Jesus na Hari sa Kaniyang pamahalaan, na mamamahala sa lupa sa loob ng isang libong taon. (Apocalipsis 20:6) Matapos bautismuhan si Jesus, pinasimulan niya “ang pangangaral at ang pagsasabing: ‘Magsisi kayo, sapagkat ang kaharian ng langit ay malapit na.’ ”—Mateo 4:17.
Sa palagay mo, bakit kaya sinabi ni Jesus na malapit na ang Kaharian?— Dahil sa ang Hari, na mamamahala sa langit, ay kasama na nila mismo! Kaya nga sinabi ni Jesus sa mga tao: “Ang kaharian ng Diyos ay nasa gitna ninyo.” (Lucas 17:21) Hindi mo ba gugustuhin na mapalapit nang husto sa iyo ang Hari ni Jehova anupat puwede mo pa nga siyang mahipo?—
Kaya sabihin mo sa akin, anong mahalagang gawain ang dahilan ng pagdating ni Jesus sa lupa?— Sinagot ni Jesus ang tanong na iyan, na sinasabi: “Sa ibang mga lunsod din ay dapat kong ipahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos, sapagkat sa dahilang ito ako isinugo.” (Lucas 4:43) Alam ni Jesus na hindi niya kakayaning mag-isa ang pangangaral. Kaya, ano sa palagay mo ang ginawa niya?—
Isinama ni Jesus ang mga tao at ipinakita sa kanila kung paano gagawin ang pangangaral. Ang kaniyang unang mga sinanay ay ang 12 pinili niya bilang mga apostol. (Mateo 10:5, 7) Pero ang mga apostol ba lamang ang sinanay ni Jesus para sa gawaing ito? Hindi, sinasabi ng Bibliya na sinanay rin ni Jesus ang marami pang iba na mangaral. Sa kalaunan, pinauna niya ang 70 iba pang mga alagad nang dala-dalawa. At ano ang ituturo nila sa mga tao?— Sinabi ni Jesus: “Patuloy na sabihin sa kanila, ‘Ang kaharian ng Diyos ay malapit na sa inyo.’ ” (Lucas 10:9) Sa ganitong paraan natutuhan ng mga tao ang tungkol sa pamahalaan ng Diyos.
Noong unang panahon sa Israel, ang mga bagong hari ay pumupunta sa lunsod sakay ng isang bisiro para magpakita sa mga tao. Ito ngayon ang ginawa ni Jesus sa kaniyang pagpunta sa Jerusalem sa huling pagkakataon. Kasi, si Jesus ay magiging Tagapamahala ng Kaharian ng Diyos. Magustuhan kaya siya ng mga tao bilang kanilang Hari?—
Buweno, habang siya’y nakasakay sa bisiro, inilatag ng karamihan ng mga tao ang kanilang panlabas na kasuutan sa daan sa harapan niya. Ang iba naman ay pumutol ng mga sanga mula sa mga puno at inilagay ang mga ito sa daan. Sa paggawa nito ay kanilang ipinakikita na gusto nila si Jesus na maging kanilang Hari. Sumigaw sila: “Pinagpala ang Isa na dumarating bilang Hari sa pangalan ni Jehova!” Pero hindi lahat ay masaya. Sa katunayan, sinabi pa nga ng ilang lider ng relihiyon kay Jesus, ‘Sawayin mo ang iyong mga alagad.’—Lucas 19:28-40.
Pagkalipas ng limang araw, hinuli si Jesus at ipinasok sa isang palasyo para humarap sa gobernador na si Poncio Pilato. Sinasabi ng mga kaaway ni Jesus na inaangkin daw ni Jesus na siya’y hari at laban sa pamahalaan ng Roma. Kaya tinanong ni Pilato si Jesus tungkol dito. Ipinakita ni Jesus na wala siyang balak na agawin ang pamahalaan. Sinabi niya kay Pilato: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito.”—Juan 18:36.
Pagkaraan ay lumabas si Pilato at sinabi sa mga tao na wala siyang makitang pagkakamali kay Jesus. Pero ayaw na ngayon ng mga tao na maging Hari nila si Jesus. Ayaw nilang mapalaya siya. (Juan 18:37-40) Pagkatapos na muling kausapin si Jesus, natiyak ni Pilato na wala itong nagawang pagkakamali. Kaya, sa wakas, matapos ilabas si Jesus sa huling pagkakataon, sinabi ni Pilato: “Tingnan ninyo! Ang inyong hari!” Gayunman, sumigaw ang mga tao: “Alisin siya! Alisin siya! Ibayubay siya!”
Nagtanong si Pilato: “Ibabayubay ko ba ang inyong hari?” Sumagot ang mga punong saserdote: “Wala kaming hari kundi si Cesar.” Aakalain mo ba ito? Nahikayat ng masasamang saserdote ang mga tao na tanggihan si Jesus!—Juan 19:1-16.
Ang nangyari noon ay kagayang-kagaya rin sa ngayon. Talagang ayaw ng karamihan ng mga tao na maging Hari nila si Jesus. Maaaring sinasabi nilang naniniwala sila sa Diyos, pero ayaw naman nilang pinagsasabihan sila ng Diyos o ni Kristo kung ano ang kanilang dapat gawin. Ang gusto nila ay ang sarili nilang mga pamahalaan dito mismo sa lupa.
Kumusta naman tayo? Kapag natututuhan natin ang tungkol sa Kaharian ng Diyos at ang lahat ng magagandang bagay na gagawin nito, ano ang nadarama natin sa Diyos?— Iniibig natin siya, hindi ba?— Kung gayon, paano natin maipakikita sa Diyos na iniibig nga natin siya at gusto nating mamahala sa atin ang kaniyang Kaharian?—
Maipakikita natin sa Diyos ang ating nadarama sa pamamagitan ng pagsunod sa halimbawa ni Jesus. At ano nga ba ang ginawa ni Jesus para maipakitang iniibig niya si Jehova?— “Lagi kong ginagawa ang mga bagay na kalugud-lugod sa kaniya,” paliwanag ni Jesus. (Juan 8:29) Oo, si Jesus ay dumating sa lupa ‘upang gawin ang kalooban ng Diyos’ at “tapusin ang kaniyang gawain.” (Hebreo 10:7; Juan 4:34) Tingnan natin ang ginawa ni Jesus bago niya simulan ang gawaing pangangaral.
Si Jesus ay pumunta kay Juan Bautista sa ibaba ng Ilog Jordan. Paglusong nila sa tubig, lubusang inilubog ni Juan si Jesus sa ilalim ng tubig at pagkatapos ay iniahon siyang muli. Alam mo ba kung bakit binautismuhan ni Juan si Jesus?—
Hiniling ni Jesus kay Juan na gawin ito. Pero paano natin nalaman na gusto ng Diyos na mabautismuhan si Jesus?— Nalaman natin iyan dahil pagkaahon ni Jesus sa tubig, narinig niya ang tinig ng Diyos mula sa langit na nagsasabi: “Ikaw ang aking Anak, ang minamahal; ikaw ay aking sinang-ayunan.” Isinugo pa nga ng Diyos ang kaniyang banal na espiritu sa anyo ng isang kalapati na bumaba kay Jesus. Kaya sa pamamagitan ng bautismo, ipinakita ni Jesus na gusto niyang maglingkod kay Jehova sa buong buhay niya, oo, magpakailanman.—Marcos 1:9-11.
Bata ka pa ngayon. Pero ano ang gagawin mo paglaki mo?— Tutularan mo ba si Jesus at magpapabautismo?— Dapat mo siyang tularan, dahil sinasabi ng Bibliya na iniwanan ka niya ng “huwaran upang maingat [mong] sundan ang kaniyang mga yapak.” (1 Pedro 2:21) Kapag nagpabautismo ka nga, ipinakikita mong talagang gusto mong mapamahalaan ka ng Kaharian ng Diyos. Pero hindi sapat ang basta magpabautismo lamang.
Dapat nating sundin ang lahat ng itinuro ni Jesus. Sinabi ni Jesus na kailangang “hindi [tayo] bahagi ng sanlibutan.” Sinusunod ba natin siya kung nakikisali tayo sa mga gawain ng sanlibutan? Si Jesus at ang kaniyang mga apostol ay umiwas sa mga ito. (Juan 17:14) Ano sa halip ang ginawa nila?— Nakipag-usap sila sa mga tao tungkol sa Kaharian ng Diyos. Ito ang mahalagang gawain sa kanilang buhay. Magagawa rin ba natin ito?— Oo, at gagawin natin ito kung totoo ang sinasabi natin kapag nananalangin tayong dumating nawa ang Kaharian ng Diyos.
Pakitingnan ang iba pang mga tekstong ito na nagsasabi sa atin ng puwedeng gawin para maipakitang gusto nating dumating na ang Kaharian ng Diyos: Mateo 6:24-33; 24:14; 1 Juan 2:15-17; at 5:3.