Mabuting Halimbawa—Ang Shulamita
Alam ng dalagang Shulamita na dapat mangibabaw ang isip, hindi ang puso, pagdating sa pag-ibig. “Pinanumpa ko kayo,” ang sabi niya sa kaniyang mga kasama, “na hindi ninyo tatangkaing gisingin o pukawin sa akin ang pag-ibig hanggang sa naisin nito.” Alam ng Shulamita na madaling madaig ng puso ang isip. Halimbawa, natanto niya na maaaring mahulog ang loob niya sa isa na hindi magiging mabuting asawa kung magpapadala siya sa pambubuyo ng iba. At alam niyang maaari siyang magkamali ng pasiya kapag damdamin lamang ang pinairal niya. Kaya nanatiling parang “isang pader” ang Shulamita.—Awit ni Solomon 8:4, 10.
Gaya ng Shulamita, maygulang ka na ba pagdating sa pananaw mo sa pag-ibig? Ginagamit mo ba ang iyong isip, hindi lamang ang iyong puso? (Kawikaan 2:10, 11) Baka ibuyo ka kung minsan ng iba na makipagkasintahan ka na kahit hindi ka pa handa. O baka naman ikaw mismo ang nagmamadaling makipagkasintahan. Halimbawa, kapag nakakakita ka ng isang binata’t dalaga na naglalakad nang magkahawak-kamay, gustung-gusto mo na rin bang magkaroon ng kasintahan? Puwede na ba sa iyo ang isang di-kapananampalataya? Ang dalagang Shulamita ay nagpakita ng pagkamaygulang pagdating sa pag-ibig. Matutularan mo siya!