ARALIN 5
Ano ang Layunin ng Diyos Para sa Lupa?
1. Bakit ginawa ng Diyos ang lupa?
Ginawa ni Jehova ang lupa para sa tao. Ito ang tirahan natin. Kaya ang unang mag-asawa, sina Adan at Eva, ay hindi nilalang para punuin ang langit—may mga anghel nang nilalang ang Diyos para manirahan sa langit. (Job 38:4, 7) Sa halip, inilagay ng Diyos ang unang lalaki sa napakagandang paraiso na tinatawag na hardin ng Eden. (Genesis 2:15-17) Binigyan ni Jehova si Adan at ang magiging mga supling nito ng pagkakataong mabuhay nang walang hanggan sa lupa.—Basahin ang Awit 37:29; 115:16.
Ang hardin ng Eden lang ang paraiso noon. Inutusan ang unang mag-asawa na mag-anak para mapuno ang lupa. Pangangasiwaan nila ang lupa para maging paraiso ang buong mundo. (Genesis 1:28) Hindi kailanman magugunaw ang lupa. Ito ang tirahan ng tao magpakailanman.—Basahin ang Awit 104:5.
Panoorin ang video na Bakit Ginawa ng Diyos ang Lupa?
2. Bakit hindi paraiso ang lupa ngayon?
Sinuway nina Adan at Eva ang Diyos kaya pinaalis sila ni Jehova sa hardin. Nawala ang paraiso, at hindi kaya ng sinumang tao na gawing paraiso muli ang lupa. Mula noon, napuno ng kasamaan ang buong lupa.—Basahin ang Genesis 3:23, 24.
Sumuko na ba ang Diyos sa pagtupad sa layunin niya para sa mga tao? Hindi! Walang limitasyon ang kapangyarihan niya. Hindi siya mabibigo. (Isaias 45:18) Ibabalik ng Diyos ang sangkatauhan sa kalagayang nilayon niya para sa kanila sa simula pa lang.—Basahin ang Awit 37:11, 34.
3. Paano magiging paraiso muli ang lupa?
Magiging paraiso muli ang lupa sa ilalim ng pamamahala ni Jesus bilang Hari. Sa isang digmaang tinatawag na Armagedon, pangungunahan ni Jesus ang mga anghel para puksain ang lahat ng lumalaban sa Diyos. Pagkatapos, ibibilanggo ni Jesus si Satanas sa loob ng 1,000 taon. Pero makaliligtas ang bayan ng Diyos dahil gagabayan at poprotektahan sila ni Jesus. Mabubuhay sila magpakailanman sa paraisong lupa.—Basahin ang Apocalipsis 20:1-3; 21:3, 4.
4. Kailan matatapos ang pagdurusa?
Kailan aalisin ng Diyos ang kasamaan sa lupa? Nagbigay si Jesus ng “tanda” na maghuhudyat na malapit na ang wakas. Nanganganib ang sangkatauhan dahil sa mga nangyayari ngayon sa mundo; palatandaan ito na nabubuhay na tayo sa “katapusan ng sistemang ito.”—Basahin ang Mateo 24:3, 7-14, 21, 22.
Sa panahon ng 1,000-taóng paghahari ni Jesus mula sa langit, aalisin niya ang lahat ng pagdurusa sa lupa. (Isaias 9:6, 7; 11:9) Bukod sa pagiging Hari, magiging Mataas na Saserdote rin si Jesus at aalisin niya ang kasalanan ng mga umiibig sa Diyos. Kaya sa pamamagitan ni Jesus, aalisin ng Diyos ang sakit, pagtanda, at kamatayan.—Basahin ang Isaias 25:8; 33:24.
5. Sino ang maninirahan sa Paraiso sa hinaharap?
Ang mga taong masunurin sa Diyos ang maninirahan sa Paraiso. (1 Juan 2:17) Isinugo ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod para hanapin ang maaamong tao at ituro sa kanila kung paano sila tatanggapin ng Diyos. Sa ngayon, milyon-milyon ang tinuturuan ni Jehova na maging kuwalipikadong mamuhay sa Paraiso sa lupa sa hinaharap. (Zefanias 2:3) Sa mga Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova, natututo ang mga tao kung paano magiging mas mabuting asawa at magulang. Magkakasamang sumasamba sa Diyos ang buong pamilya, at sa tulong ng Bibliya, natututo silang mamuhay nang masaya.—Basahin ang Mikas 4:1-4.