KABANATA 47
Nabuhay-Muli ang Isang Batang Babae!
MATEO 9:18, 23-26 MARCOS 5:22-24, 35-43 LUCAS 8:40-42, 49-56
BINUHAY-MULI NI JESUS ANG ANAK NA BABAE NI JAIRO
Nakita ni Jairo na napagaling ni Jesus ang babaeng dinudugo. Iniisip niyang tiyak na kaya ring pagalingin ni Jesus ang anak niya, kahit nangangamba siyang ‘baka patay na ito.’ (Mateo 9:18) Matutulungan pa kaya ang bata?
Habang kausap ni Jesus ang babaeng napagaling niya, may mga lalaking dumating mula sa tahanan ni Jairo at sinabi rito: “Namatay na ang anak mo!” Sinabi pa nila: “Bakit aabalahin mo pa ang Guro?”—Marcos 5:35.
Napakasaklap na balita! Kaawa-awa ang lalaking ito, na iginagalang sa komunidad. Wala siyang nagawa. Patay na ang kaisa-isa niyang anak. Narinig ito ni Jesus, kaya sinabi niya kay Jairo: “Huwag kang matakot, manampalataya ka lang.”—Marcos 5:36.
Pagkatapos, sumama si Jesus kay Jairo sa bahay nito. Naabutan nila roon ang mga tao na umiiyak, humahagulgol, at sinasaktan ang kanilang sarili sa matinding dalamhati. Pumasok si Jesus at nagsabi: “Hindi namatay ang bata. Natutulog lang siya.” (Marcos 5:39) Pinagtawanan ng mga tao si Jesus. Alam nilang patay na ang bata. Pero sa pamamagitan ng kapangyarihang mula sa Diyos, ipakikita ni Jesus na posibleng mabuhay-muli ang mga taong namatay kung paanong puwedeng gisingin ang isang tao mula sa mahimbing na tulog.
Pinalabas ni Jesus ang lahat maliban kina Pedro, Santiago, Juan, at mga magulang ng bata. Lumapit si Jesus kasama ang limang ito sa higaan ng batang patay. Pagkahawak sa kamay ng bata, sinabi niya: “‘Talita kumi,’ na kapag isinalin ay nangangahulugang ‘Dalagita, sinasabi ko sa iyo, “Bumangon ka!”’” (Marcos 5:41) Agad na bumangon ang bata at naglakad. Isip-isipin kung gaano kasaya si Jairo at ang asawa niya nang makita nila ito! Sinabi ni Jesus na bigyan ng makakain ang bata, na nagpapakitang talagang buháy ito.
Gaya ng iba pang pinagaling niya, inutusan din ni Jesus ang mga magulang ng bata na huwag ipagsabi ang ginawa niya. Pero dahil sa tuwa ng mga magulang at ng iba pa, ipinamalita nila ang nangyari ‘sa buong lupain.’ (Mateo 9:26) Kung ikaw iyon, hindi ba’t masasabik ka ring ibalita sa iba kapag nakita mong binuhay-muli ang mga mahal mo? Ito ang ikalawang pagbuhay-muling ginawa ni Jesus na iniulat.