KABANATA 82
Ministeryo ni Jesus sa Perea
PAGSISIKAP NA MAKAPASOK SA MAKIPOT NA PINTO
SA JERUSALEM DAPAT MAMATAY SI JESUS
Matagal nang nagtuturo at nagpapagaling si Jesus sa Judea at sa Jerusalem. Tumawid siya ngayon sa Ilog Jordan para magturo sa mga lunsod sa distrito ng Perea. Pero di-magtatagal, babalik siya sa Jerusalem.
Habang nasa Perea, isang lalaki ang nagtanong kay Jesus: “Panginoon, kaunti lang ba ang maliligtas?” Naitanong siguro ito ng lalaki dahil pinagdedebatihan ng mga lider ng relihiyon kung marami o kaunti ang maliligtas. Imbes na sagutin ang isyu, ibinaling ni Jesus ang usapan sa kung ano ang dapat gawin para maligtas. “Magsikap kayo nang husto na makapasok sa makipot na pinto,” ang sabi niya. Oo, kailangan ang pagsisikap at pagpupursigi. Bakit? Ipinaliwanag ni Jesus: “Marami ang magsisikap na pumasok pero hindi ito magagawa.”—Lucas 13:23, 24.
Para ilarawan kung gaanong pagsisikap ang kailangan, sinabi ni Jesus: “Kapag tumayo na ang may-bahay at ikinandado ang pinto, tatayo kayo sa labas, kakatok, at sasabihin ninyo, ‘Panginoon, pagbuksan mo kami.’ . . . Pero sasabihin niya sa inyo, ‘Hindi ko kayo kilala. Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng masama!’”—Lucas 13:25-27.
Inilalarawan nito ang kahihinatnan ng taong dumating nang huli—dahil lumilitaw na iyon ang oras na maalwan sa kaniya—at nakitang nakakandado na ang pinto. Dapat sana ay dumating siya nang maaga, kahit hindi ito ganoon kadaling gawin. Ganiyan ang nangyari sa mga taong nakinabang sana sa mga turo ni Jesus habang kasama nila siya. Hindi nila ginawang pangunahin sa kanilang buhay ang tunay na pagsamba habang may pagkakataon pa. Hindi tinanggap ng karamihan sa mga Israelita ang isinugo ng Diyos para iligtas sila. Sinabi ni Jesus na sila ay ‘iiyak at magngangalit ang mga ngipin’ kapag inihagis sila sa labas. Pero ang mga tao “mula sa silangan, kanluran, hilaga, at timog,” oo, mula sa lahat ng bansa, ay uupo “sa mesa sa Kaharian ng Diyos.”—Lucas 13:28, 29.
Ipinaliwanag ni Jesus: “May mga huli [gaya ng mga di-Judio at inaaping Judio] na mauuna, at may mga una [mga lider ng relihiyon na nagmamalaking sila ay mga inapo ni Abraham] na mahuhuli.” (Lucas 13:30) Ang mga taong walang utang na loob ay “mahuhuli” dahil hindi sila makapapasok sa Kaharian ng Diyos.
May ilang Pariseo ngayon na lumapit kay Jesus at nagsabi: “Umalis ka sa lugar na ito, dahil gusto kang patayin ni Herodes [Antipas].” Maaaring si Haring Herodes mismo ang nagpakalat ng usap-usapang ito para umalis si Jesus sa kaniyang teritoryo. Baka natatakot si Herodes na masangkot na naman siya sa pagpatay sa isang propeta, gaya ng nangyari kay Juan Bautista. Pero sinabi ni Jesus sa mga Pariseo: “Sabihin ninyo sa asong-gubat na iyon, ‘Magpapalayas ako ng mga demonyo at magpapagaling ng mga tao ngayon at bukas, at matatapos ako sa ikatlong araw.’” (Lucas 13:31, 32) Maaaring tinukoy ni Jesus na “asong-gubat” si Herodes dahil sa pagiging mapanlamang nito. Pero si Jesus ay hindi kayang manipulahin o takutin ni Herodes o ninuman. Isasakatuparan niya ang atas ng Ama sa kaniya ayon sa panahong itinakda ng Diyos, hindi ng tao.
Nagpatuloy si Jesus sa paglalakbay patungong Jerusalem dahil gaya ng sinabi niya, “hindi puwedeng patayin ang isang propeta sa labas ng Jerusalem.” (Lucas 13:33) Walang hula sa Bibliya na nagsasabing sa lunsod na iyon mamamatay ang Mesiyas, kaya bakit sinasabi ni Jesus na doon siya papatayin? Dahil ang Jerusalem ang kabisera; dito matatagpuan ang mataas na hukuman ng Sanedrin na may 71 miyembro, kung saan nililitis ang mga inaakusahang huwad na propeta. Isa pa, sa Jerusalem naghahandog ng mga haing hayop. Kaya naunawaan ni Jesus na sa Jerusalem talaga siya dapat mamatay.
“Jerusalem, Jerusalem, ang pumapatay ng mga propeta at bumabato sa mga isinugo sa kaniya,” ang hinagpis ni Jesus, “ilang ulit kong sinikap na tipunin ang mga anak mo, kung paanong tinitipon ng inahing manok ang mga sisiw niya sa ilalim ng kaniyang mga pakpak! Pero ayaw ninyo. Kaya pababayaan ng Diyos ang bahay ninyo.” (Lucas 13:34, 35) Itinakwil ng bansa ang Anak ng Diyos kaya haharapin nila ang kaparusahan!
Bago makarating sa Jerusalem, isang Pariseong lider ang nag-anyaya sa kaniya na kumain sa bahay nito sa araw ng Sabbath. Binabantayan ng mga imbitado ang gagawin ni Jesus sa isang lalaking minamanas. Tinanong ni Jesus ang mga Pariseo at mga eksperto sa Kautusan: “Puwede bang magpagaling kapag Sabbath, o hindi?”—Lucas 14:3.
Walang kumibo. Pinagaling ni Jesus ang lalaki at saka sila tinanong: “Kung mahulog sa balon ang inyong anak o toro sa araw ng Sabbath, sino sa inyo ang hindi kikilos agad para hanguin ito?” (Lucas 14:5) Hindi na naman sila nakasagot sa mahusay na pangangatuwiran ni Jesus.