KABANATA 85
Nagsasaya Dahil sa Nagsising Makasalanan
ILUSTRASYON TUNGKOL SA NAWALANG TUPA AT NAWALANG BARYA
NAGSASAYA ANG MGA ANGHEL SA LANGIT
Sa iba’t ibang pagkakataong nagtuturo si Jesus, idiniin niya ang kahalagahan ng kapakumbabaan. (Lucas 14:8-11) Hinahanap niya ang mapagpakumbabang mga tao na gustong maglingkod sa Diyos. Maaaring ang ilan sa kanila ay kilala pa ring makasalanan.
Napansin ng mga Pariseo at eskriba na ang gayong mga tao—na sa tingin nila ay hindi karapat-dapat—ay malapít kay Jesus at naaakit sa mensahe niya. Nagreklamo sila: “Tinatanggap ng taong ito ang mga makasalanan, at kumakain siyang kasama nila.” (Lucas 15:2) Mataas ang tingin ng mga Pariseo at eskriba sa sarili, pero mga hampas-lupa ang turing nila sa ordinaryong mga tao. Ginagamit ng mga lider na ito ang salitang Hebreo na ‛am ha·’aʹrets, “mga tao ng lupain,” para tukuyin sila.
Sa kabaligtaran, pinakikitunguhan ni Jesus ang lahat nang may dangal, kabaitan, at awa. Kaya maraming ordinaryong tao, kabilang na ang mga kilalang makasalanan, ang sabik makinig kay Jesus. Pero ano kaya ang nadama ni Jesus sa pamimintas sa kaniya dahil sa pagtulong sa ganitong mga tao?
Malinaw ang sagot nang maglahad siya ng napakagandang ilustrasyon, na katulad din ng sinabi niya noong nasa Capernaum siya. (Mateo 18:12-14) Sa ilustrasyong ito, waring matuwid at nasa kawan ng Diyos ang mga Pariseo. Ang ordinaryong mga tao naman ay inilarawan bilang mga naligaw at nawala. Sinabi ni Jesus:
“Kung ang isa sa inyo ay may 100 tupa at mawala ang isa, hindi ba niya iiwan ang 99 sa ilang at hahanapin ang isang nawawala hanggang sa makita niya ito? At kapag nakita na niya, papasanin niya ito sa mga balikat niya at magsasaya. Kapag nakauwi na siya, tatawagin niya ang mga kaibigan niya at kapitbahay at sasabihin sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin dahil nahanap ko na ang nawawala kong tupa.’”—Lucas 15:4-6.
Ang aral? Ipinaliwanag ni Jesus: “Sinasabi ko sa inyo, mas magsasaya rin sa langit dahil sa isang makasalanan na nagsisisi kaysa sa 99 na matuwid na hindi kailangang magsisi.”—Lucas 15:7.
Tiyak na tinamaan ang mga Pariseo sa sinabi ni Jesus tungkol sa pagsisisi. Pakiramdam kasi nila, matuwid sila at hindi kailangang magsisi. Nang batikusin ng ilan sa kanila si Jesus dahil sa pagkain kasama ng mga maniningil ng buwis at makasalanan, sinabi niya: “Dumating ako para tawagin, hindi ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan.” (Marcos 2:15-17) Hindi nakita ng mapagmatuwid na mga Pariseo na kailangan nilang magsisi, kaya hindi nila napasasaya ang mga nasa langit. Kabaligtaran ito kapag isang makasalanan ang tunay na nagsisisi.
Para suportahan ang punto na talagang napakasaya ng mga nasa langit kapag may nagsisising makasalanan, naglahad si Jesus ng isa pang ilustrasyon: “Kung ang isang babae ay may 10 baryang drakma at mawala ang isa, hindi ba siya magsisindi ng lampara, magwawalis sa bahay niya, at maghahanap na mabuti hanggang sa makita niya ito? At kapag nakita na niya, tatawagin niya ang mga kaibigan niya at kapitbahay at sasabihin sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin dahil nakita ko na ang baryang drakma na naiwala ko.’”—Lucas 15:8, 9.
Gaya ng aral sa ilustrasyon tungkol sa nawalang tupa, sinabi ngayon ni Jesus: “Sinasabi ko sa inyo, nagsasaya rin ang mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanan na nagsisisi.”—Lucas 15:10.
Talagang interesado ang mga anghel ng Diyos sa pagbabalik ng mga nagkasala! Napakagandang halimbawa ang mga anghel dahil ang mga makasalanang ito na nagsisi at binigyan ng pag-asang mapabilang sa Kaharian ng Diyos sa langit ay magkakaroon ng mas mataas na posisyon kaysa sa mga anghel. (1 Corinto 6:2, 3) Oo, hindi naiinggit ang mga anghel. Kaya ano ang dapat nating madama kapag nagsisi at nanumbalik ang isang nagkasala?