KABANATA 104
Narinig ng mga Judio ang Tinig ng Diyos—Mananampalataya Kaya Sila?
NARINIG NG MARAMI ANG TINIG NG DIYOS
ANG SALIGAN NG PAGHATOL
Nasa templo si Jesus noong Nisan 10, Lunes, at may sinabi siya tungkol sa kamatayan niya. Nag-aalala siya na baka makasira ito sa reputasyon ng Diyos, kaya sinabi niya: “Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.” Isang dumadagundong na tinig mula sa langit ang sumagot: “Niluwalhati ko ito at luluwalhatiing muli.”—Juan 12:27, 28.
Nahiwagaan ang mga tao sa paligid. Akala ng ilan, kulog ang narinig nila. Sinabi naman ng iba: “Kinausap siya ng isang anghel.” (Juan 12:29) Pero si Jehova talaga ang narinig nila! At hindi ito ang unang beses na narinig ng mga tao ang tinig ng Diyos may kinalaman kay Jesus.
Tatlo’t kalahating taon na ang nakararaan, noong bautismuhan si Jesus, narinig ni Juan Bautista ang Diyos na nagsabi tungkol kay Jesus: “Ito ang Anak ko, ang minamahal ko at kinalulugdan.” Nang maglaon, pagkatapos ng Paskuwa ng 32 C.E., nagbagong-anyo si Jesus sa harap nina Santiago, Juan, at Pedro. Narinig nilang sinabi ng Diyos: “Ito ang Anak ko, ang minamahal ko at kinalulugdan. Makinig kayo sa kaniya.” (Mateo 3:17; 17:5) Pero ngayon sa ikatlong pagkakataon, marami ang nakarinig sa tinig ng Diyos!
Sinabi ni Jesus: “Ang tinig na iyon ay ipinarinig para sa inyo at hindi para sa akin.” (Juan 12:30) Katibayan ito na si Jesus ay talagang Anak ng Diyos, ang inihulang Mesiyas.
Bukod diyan, ang katapatan ni Jesus ay nagpapakita kung paano dapat mamuhay ang mga tao at nagpapatunay na karapat-dapat puksain si Satanas na Diyablo, ang tagapamahala ng mundo. Sinabi ni Jesus: “Ngayon ay may paghatol sa mundong ito; ngayon ay palalayasin ang tagapamahala ng mundong ito.” Idinagdag niya: “Pero kung itataas ako mula sa lupa, ilalapit ko sa akin ang lahat ng uri ng tao.” (Juan 12:31, 32) Ang kamatayan ni Jesus ay isang tagumpay, hindi kabiguan. Dahil sa pamamagitan ng kamatayan niya sa tulos, ilalapit ni Jesus ang iba sa kaniya, na nagbubukas ng daan tungo sa buhay na walang hanggan.
Tungkol sa sinabi ni Jesus na “itataas” siya, sinabi ng mga tao: “Narinig namin mula sa Kautusan na ang Kristo ay nananatili magpakailanman. Bakit mo sinasabi na kailangang itaas ang Anak ng tao? Sino ang tinutukoy mong Anak ng tao?” (Juan 12:34) Kahit napakaraming katibayan, at narinig pa nga nila ang tinig ng Diyos, ayaw tanggapin ng karamihan si Jesus bilang ang tunay na Anak ng tao, ang ipinangakong Mesiyas.
Gaya ng dati, tinukoy ulit ni Jesus ang sarili niya bilang “ang liwanag.” (Juan 8:12; 9:5) Hinimok niya ang mga tao: “Makakasama ninyo ang liwanag nang kaunting panahon pa. Lumakad kayo habang nasa inyo pa ang liwanag, para hindi kayo madaig ng kadiliman . . . Habang nasa inyo ang liwanag, manampalataya kayo sa liwanag, para kayo ay maging mga anak ng liwanag.” (Juan 12:35, 36) Umalis si Jesus dahil hindi siya dapat mamatay nang Nisan 10. Siya ay “itataas”—ipapako sa tulos—sa Paskuwa, Nisan 14.—Galacia 3:13.
Kung titingnan ang buong ministeryo ni Jesus, maliwanag na katuparan ng hula ang hindi pagsampalataya ng mga Judio sa kaniya. Inihula ni Isaias na mabubulag ang mga tao at magiging matigas ang puso nila kung kaya hindi sila manunumbalik para mapagaling. (Isaias 6:10; Juan 12:40) Oo, ayaw talagang tanggapin ng karamihan sa mga Judio ang katibayan na si Jesus ang ipinangakong Manunubos, ang daan tungo sa buhay.
Nanampalataya kay Jesus sina Nicodemo at Jose ng Arimatea, at marami pang ibang tagapamahala. Pero kikilos kaya sila udyok ng pananampalataya, o matatakot silang matiwalag sa sinagoga? Mas mahalaga kaya sa kanila na “maluwalhati ng tao”?—Juan 12:42, 43.
Ipinaliwanag ni Jesus ang nasasangkot sa pananampalataya sa kaniya: “Sinumang nananampalataya sa akin ay hindi lang sa akin nananampalataya, kundi sa nagsugo rin sa akin; at sinumang nakakakita sa akin ay nakakakita rin sa nagsugo sa akin.” Ang mga katotohanang mula sa Diyos na itinuro at patuloy na inihahayag ni Jesus ay napakahalaga. Sinabi ni Jesus: “May isa na hahatol sa sinumang nagwawalang-halaga sa akin at hindi tumatanggap sa mga pananalita ko. Ang mensahe na ipinahayag ko ang hahatol sa kaniya sa huling araw.”—Juan 12:44, 45, 48.
Sinabi ni Jesus bilang konklusyon: “Hindi ko sariling ideya ang sinasabi ko, kundi sa Ama na nagsugo sa akin. Siya ang nag-utos sa akin kung ano ang sasabihin at ituturo ko. At alam kong ang utos niya ay umaakay sa buhay na walang hanggan.” (Juan 12:49, 50) Alam ni Jesus na malapit na niyang itigis ang kaniyang dugo bilang hain para sa lahat ng taong nananampalataya sa kaniya.—Roma 5:8, 9.