ARAL 80
Pumili si Jesus ng Labindalawang Apostol
Isa’t kalahating taon nang nangangaral si Jesus, at ngayon ay may importanteng desisyon siyang dapat gawin. Sino ang pipiliin niyang makasama lagi sa gawain? Sino ang sasanayin niya para manguna sa kongregasyong Kristiyano? Para makagawa ng desisyon, humingi si Jesus ng tulong kay Jehova. Umakyat siya sa bundok para mapag-isa, at nanalangin nang buong gabi. Kinaumagahan, tinawag niya ang ilan sa mga alagad at pumili sa kanila ng 12 apostol. Anong mga pangalan ang natatandaan mo? Ang mga pangalan nila ay Pedro, Andres, Santiago, Juan, Felipe, Bartolome, Tomas, Mateo, Santiago na anak ni Alfeo, Tadeo, Simon, at Hudas Iscariote.
Andres, Pedro, Felipe, Santiago
Ang Labindalawa ay maglalakbay kasama ni Jesus. Matapos niya silang sanayin, isinugo niya sila para mangaral. Binigyan sila ni Jehova ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo at magpagaling ng mga maysakit.
Juan, Mateo, Bartolome, Tomas
Ang Labindalawa ay tinawag ni Jesus na mga kaibigan, at nagtiwala siya sa kanila. Akala ng mga Pariseo, walang pinag-aralan at ordinaryo lang ang mga apostol. Pero sinanay sila ni Jesus para sa gawain. Makakasama sila ni Jesus sa pinakaimportanteng panahon ng buhay niya, gaya ng bago siya mamatay at matapos siyang buhaying muli. Karamihan sa Labindalawa ay mga taga-Galilea, gaya ni Jesus. Ang ilan sa kanila ay may asawa.
Santiago na anak ni Alfeo, Hudas Iscariote, Tadeo, Simon
Ang mga apostol ay hindi sakdal at nagkakamali. Kung minsan, nagsasalita sila nang hindi muna nag-iisip at nakakagawa ng maling desisyon. Kung minsan naman, madaling uminit ang ulo nila. Nagtalo-talo pa nga sila kung sino sa kanila ang mas importante. Pero mabubuting tao sila at mahal nila si Jehova. Sila ang magpapasimula ng mga kongregasyong Kristiyano kapag wala na sa lupa si Jesus.
“Tinatawag ko kayong mga kaibigan dahil sinabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking Ama.”—Juan 15:15