ARAL 86
Binuhay-Muli ni Jesus si Lazaro
Si Jesus ay may tatlong malalapít na kaibigang nakatira sa Betania—ang magkakapatid na Lazaro, Maria, at Marta. Isang araw habang nasa kabilang baybayin ng Jordan si Jesus, nagpadala sa kaniya ng mensahe sina Maria at Marta: ‘May malubhang sakit si Lazaro. Sana puntahan mo kami agad!’ Pero hindi agad pumunta si Jesus. Naghintay pa siya nang dalawang araw. ’Tapos, sinabi ni Jesus sa mga alagad niya: ‘Pumunta tayo sa Betania. Natutulog si Lazaro, at gigisingin ko siya.’ Sinabi ng mga apostol: ‘Buti’t natutulog si Lazaro; makakatulong iyon para gumaling siya.’ Kaya niliwanag ni Jesus sa kanila: ‘Patay na si Lazaro.’
Pagdating nila sa Betania, apat na araw nang nakalibing si Lazaro. Maraming nakiramay kina Marta at Maria. Nang malaman ni Marta na dumating na si Jesus, pinuntahan niya ito agad. Sinabi niya: ‘Panginoon, kung nandito ka lang, hindi sana namatay ang kapatid ko.’ Sinabi ni Jesus: ‘Mabubuhay-muli ang kapatid mo. Naniniwala ka ba do’n, Marta?’ Sinabi ni Marta: ‘Naniniwala akong babangon siya sa pagkabuhay-muli.’ Sinabi ni Jesus: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay.”
Pagkatapos, pinuntahan ni Marta si Maria at sinabi: ‘Nandito na si Jesus.’ Tumakbo si Maria papunta kay Jesus, at sinundan siya ng mga tao. Sumubsob si Maria sa paanan ni Jesus at umiyak nang umiyak. Sinabi niya: ‘Panginoon, kung nandito ka lang, buháy pa sana ang kapatid ko!’ Awang-awa si Jesus kay Maria kaya napaiyak din siya. Nang makita ng mga tao na umiiyak si Jesus, sinabi nila: ‘Talagang mahal na mahal ni Jesus si Lazaro.’ Pero inisip ng iba: ‘E, bakit hindi niya iniligtas ang kaibigan niya?’ Ano kaya ang gagawin ni Jesus?
Pumunta si Jesus sa libingan ni Lazaro. May malaking bato sa pasukan nito. Iniutos niya: ‘Alisin n’yo ang bato.’ Sinabi ni Marta: ‘Pero apat na araw na! Nangangamoy na siya.’ Pero inalis pa rin nila ang bato, at nanalangin si Jesus: ‘Ama, salamat po at pinapakinggan n’yo ako. Alam ko pong lagi n’yo akong pinapakinggan, pero nagsasalita ako ngayon para marinig ng mga nandito at malaman nilang kayo ang nagsugo sa akin.’ Pagkatapos, sumigaw siya: “Lazaro, lumabas ka!” Kahanga-hanga ang nangyari: Lumabas nga sa libingan si Lazaro, na nababalutan pa ng tela. Sinabi ni Jesus: ‘Kalagan n’yo siya.’
Marami sa mga nakakita ng pangyayari ang nanampalataya kay Jesus. Pero may mga nagsumbong sa mga Pariseo. Mula noon, gusto nang patayin ng mga Pariseo sina Lazaro at Jesus. Isa sa 12 apostol, si Hudas Iscariote, ang palihim na pumunta sa mga Pariseo at nagtanong: ‘Magkano’ng ibibigay n’yo sa akin kung tutulungan ko kayong mahanap si Jesus?’ Nagkasundo ang mga Pariseo na bayaran siya ng 30 pirasong pilak, at naghanap na si Hudas ng pagkakataon para ipahuli si Jesus sa kanila.
“Ang tunay na Diyos ay isang Diyos na nagliligtas; at si Jehova na Kataas-taasang Panginoon ay nagliligtas mula sa kamatayan.”—Awit 68:20