ABAGTA
Ang pangalan ng isa sa pitong opisyal ng korte na naglingkod sa Persianong haring si Ahasuero, na asawa ng babaing Judio na si Esther, sa palasyo nito sa Susan na kabisera noon ng Persia.—Es 1:10.
Sa ilang Bibliyang Tagalog, si Abagta ay sinasabing isa sa pitong ‘eunuko,’ o “bating.” (BSP, MB, NPV) Bagaman ang mga bating ay kalimitang ginagamit bilang pinagkakatiwalaang mga lingkod sa loob ng maharlikang mga sambahayan sa mga bansa sa Gitnang Silangan, ang orihinal na salitang Hebreo na sa·risʹ ay pangunahin nang nangangahulugang “punong opisyal” at pangalawahin lamang na tumutukoy sa taong kinapon. Yamang ang pitong opisyal na ito ng korte ay mga tagapaglingkod ng hari at lumilitaw na hindi naman inatasan bilang mga tagapag-alaga sa mga babae (tulad ni Hegai, ang bating ng hari na binanggit sa Esther 2:3), maaaring hindi sila mga bating sa pisikal na diwa.