ABORSIYON
Ang pagpapalabas sa binhi (embryo) o sa di-pa-naisisilang na sanggol (fetus) bago pa man ito mabuhay sa ganang sarili. Sa karaniwang paggamit sa Ingles, kadalasang ipinakikita ang kaibahan ng abortion at ng miscarriage, anupat ang unang nabanggit ay binibigyang-kahulugan bilang ang sinasadya at sapilitang pag-aalis sa nilalaman ng matris ng isang nagdadalang-tao at ang huling nabanggit naman ay itinuturing na aksidente at di-maiwasang pagkaudlot ng pagdadalang-tao. Sa Bibliya, hindi ipinakikita ang kaibahan ng abortion at ng miscarriage; ang mga terminong ito ay ginagamit doon sa mas malawak na diwa at nagkakapalit. Ang Hebreong sha·khalʹ, nangangahulugang “makunan” [suffer an abortion] (Exo 23:26), ay isinasalin din bilang ‘ulilahin’ (Deu 32:25), ‘ulilahin sa mga anak’ (Lev 26:22), ‘malaglagan’ (Os 9:14), at ‘mawalan ng bunga’ (Mal 3:11). Ang salitang Hebreo na yoh·tseʼthʹ, isinaling “nakukunan” (sa Ingles, abortion) sa Awit 144:14, ay mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “lumabas.” (Ihambing ang Gen 27:30.) Ang mga pananalitang “sanggol na naagas” (miscarriage) at “isang ipinanganak nang kulang sa buwan” (Aw 58:8; Ec 6:3) ay mga salin naman ng salitang Hebreo na neʹphel, na nagmula sa salitang-ugat na na·phalʹ, nangangahulugang “mahulog.”—Ihambing ang Isa 26:18.
Ang di-maiwasang aborsiyon o pagkalaglag ay maaaring resulta ng aksidente, nakahahawang sakit, mental o pisikal na kaigtingan at pagkahapo, o dahil sadyang mahina ang katawan ng ina. Ang tubig noon na malapit sa Jerico ay nakamamatay, anupat nagiging sanhi ng mga pagkalaglag, hanggang noong pabutihin ito ng propeta ni Jehova na si Eliseo.—2Ha 2:19-22.
Ang sinasadyang aborsiyon o pagpapalaglag sa pamamagitan ng artipisyal na pamamaraan, paggamit ng mga droga, o medikal na operasyon, na ang tanging layunin ay upang huwag maisilang ang isang sanggol, ay malubhang krimen sa paningin ng Diyos. Ang buhay, na isang mahalagang kaloob mula sa Diyos, ay sagrado. Kaya naman pinangalagaan ng kautusan ng Diyos kay Moises ang buhay ng isang di-pa-naisisilang na sanggol laban sa iba pang mga pangyayari bukod sa kriminal na aborsiyon, sapagkat kung sa pag-aaway ng mga lalaki ay maaksidente ang isang babaing nagdadalang-tao at ito ay ikamatay niya o ng sanggol, “magbabayad ka nga ng kaluluwa para sa kaluluwa.” (Exo 21:22-25) Sabihin pa, bago ilapat ang kaparusahang iyon, ang mga kalagayan at antas ng pananadya ay isasaalang-alang ng mga hukom. (Ihambing ang Bil 35:22-24, 31.) Ngunit bilang pagdiriin sa kalubhaan ng anumang sinasadyang pagtatangka na magdulot ng pinsala, si Dr. J. Glenn ay nagkomento: “Ang buháy na binhi sa matris ay isang indibiduwal na tao, kaya naman ang pagpatay rito ay paglabag sa ikaanim na utos.”—The Bible and Modern Medicine, 1963, p. 176.
Kapag minalas sa tamang paraan, ang bunga ng bahay-bata ay isang pagpapala mula kay Jehova. (Lev 26:9; Aw 127:3) Kaya nang mangako ang Diyos na pasasaganain niya ang Israel, nagbigay siya ng katiyakan na matagumpay na maipagdadalang-tao at mailuluwal ang mga anak, na sinasabi: “Walang babaing nakukunan ni babaing baog ang iiral sa iyong lupain.” (Exo 23:26) Sa kabilang dako naman, gaya ng ipinahihiwatig sa panalangin ng matuwid, ang magiging katibayan ng di-pagsang-ayon ng Diyos sa kaniyang mga kaaway ay ang pagkakaroon nila ng mga bahay-bata na nalalaglagan at ang kanilang pagiging tulad ng mga sanggol na naagas na hindi kailanman nakakita ng araw.—Aw 58:8; Os 9:14.
Dahil sa kahapisan ni Job, naisip niya na mas mabuti pang siya ay naging isang “sanggol na naagas sa lihim.” “Bakit mula sa bahay-bata ay hindi pa ako namatay?” ang hiyaw ng naghihirap na taong ito. (Job 3:11-16) Sinabi rin ni Solomon na mas mabuti pa ang sanggol na lumabas nang kulang sa buwan kaysa sa isang tao na nabuhay nang mahabang panahon ngunit hindi kailanman nasiyahan sa buhay.—Ec 6:3.
Ang contagious abortion, isang sakit na sanhi ng pagsisilang nang kulang sa buwan, ay maaaring dumapo sa mga hayop gaya ng baka, kabayo, tupa, at kambing. Ang aksidenteng aborsiyon dahil sa kapabayaan o dahil sa sakit ng mga alagang hayop ay kilala na rin noon pa mang mga araw ng mga patriyarkang sina Jacob at Job.—Gen 31:38; Job 21:10.