ALEJANDRO
[Tagapagtanggol ng Tao].
1. Si Alejandrong Dakila, anak ni Felipe II ng Macedonia at ng asawa nitong si Olympias, isinilang sa Pela noong 356 B.C.E. Bagaman hindi binanggit ang kaniyang pangalan sa Bibliya, ang pamamahala niya sa ikalimang imperyong pandaigdig ay inihula dalawang siglo bago ang kaniyang kapanganakan.—Dan 8:5-7, 20, 21.
Sa edad na mga 22, dalawang taon pagkaluklok niya sa trono kasunod ng pagpaslang sa kaniyang ama, humayo si Alejandro upang lupigin ang daigdig. (Dan 8:5) Inayos ng magiting na kabataang estratehistang ito ang kaniyang di-kalakihang hukbo sa dikit-dikit na mga hanay ng pormasyong phalanx, isang taktikang pinasimulan ng kaniyang ama at pinaghusay nang husto ni Alejandro.
Sa halip na tugisin ni Alejandro ang tumatakas na mga Persiano pagkatapos ng dalawang mahahalagang tagumpay sa Asia Minor (ang una ay sa Ilog Granicus at ang ikalawa ay sa Kapatagan ng Issus, kung saan isang napakalaking hukbong Persiano na tinatayang nasa kalahating milyon ang lubusang natalo), ibinaling niya ang kaniyang pansin sa pulong lunsod ng Tiro. Ilang siglo bago nito, inihula na ang mga pader, mga tore, mga bahay, at ang mismong alabok ng Tiro ay ihahagis sa dagat. (Eze 26:4, 12) Kaya naman naging makahulugan ang pagkuha ni Alejandro sa mga guho ng lunsod na nasa mismong kontinente na winasak ni Nabucodonosor ilang taon bago nito at ang paggamit niya ng mga iyon sa pagtatayo ng isang 800-m (0.5 mi) daanan patungo sa pulong lunsod. Noong Hulyo 332 B.C.E, winasak ng kaniyang hukbong-dagat at mga makinang pandigma ang mapagmapuring lunsod na iyon sa karagatan.
Sa kabilang dako, binuksan ng Jerusalem ang mga pintuang-daan nito bilang pagsuko, at ayon kay Josephus (Jewish Antiquities, XI, 337 [viii, 5]), ipinakita kay Alejandro ang aklat ng hula ni Daniel, malamang na ang kabanata 8, kung saan binabanggit na isang makapangyarihang Griegong hari ang susupil at lulupig sa Imperyo ng Persia. Dahil dito ay hindi ginalaw ni Alejandro ang Jerusalem at nagpunta siya sa T patungong Ehipto, kung saan siya sinalubong bilang isang tagapagligtas. Doon ay itinatag niya ang lunsod ng Alejandria, ang sentro ng kaalaman kung saan ginawa ang Griegong Septuagint. Nang maglaon, nilisan ni Alejandro ang Ehipto at dumaan sa Palestina patungong S. Pagkatapos, kasama ang 47,000 kawal, nilupig niya ang isang pagkalaki-laki at muling-inorganisang hukbong Persiano malapit sa Gaugamela. Mabilis na naganap ang sumunod na mga pangyayari: Pinaslang si Dario III ng kaniyang dating mga kaibigan, sumuko ang Babilonya, at humayo si Alejandro upang kunin ang Susa at Persepolis. Mula roon ay ipinagpatuloy niya ang kaniyang kampanya patungo sa India bago siya muling bumalik sa kanluran.
Mga Pangyayari Pagkatapos ng Kaniyang Panlulupig. Maganda ang mga plano ni Alejandro na muling itayo ang Babilonya at gawin itong kaniyang kabisera, ngunit hindi natupad ang mga ito. Gaya ng inihula ni Daniel, siya ay “nabali” sa kamatayan “nang lumakas [siya],” o naging makapangyarihan. (Dan 8:8) Nabigong matupad ang pangarap ni Alejandro na muling itayo ang Babilonya dahil noong 323 B.C.E., sa murang edad na 32, bigla siyang namatay, posibleng dahil sa malarya na pinalubha ng kaniyang walang-ingat na pamumuhay. Inembalsamo siya at inilibing nang maglaon sa Alejandria, Ehipto.
Sa panahon ng kaniyang maikling buhay, napangasawa ni Alejandro si Roxana, ang anak ng nalupig na hari ng Bactria, at gayundin si Statire, isang anak ng Persianong haring si Dario III. Nagkaanak siya kay Roxana ng isang lalaki na pinanganlang Alejandro (Allou). At sa isang babae na nagngangalang Barsine ay nagkaroon siya ng anak sa ligaw na pinanganlang Heracles (Hercules). Gayunman, inihula ni Daniel na ‘hindi sa kaapu-apuhan’ ni Alejandro maiiwan ang kaniyang imperyo, kaya naman di-nagtagal ay napatay ang lahat ng kapamilya at tagapagmana ni Alejandro. (Dan 11:3, 4) Bukod diyan ay nakasulat: “At nang mabali ang isang iyon, anupat may apat na sa kalaunan ay tumayong kahalili nito, may apat na kaharian mula sa kaniyang bansa na tatayo, ngunit hindi taglay ang kaniyang kapangyarihan.” (Dan 8:22) Samakatuwid, hindi lamang nagkataon na ang imperyo ay nahati-hati sa apat na heneral ni Alejandro: si Seleucus Nicator ang kumuha sa Mesopotamia at Sirya; si Cassander, sa Macedonia at Gresya; si Ptolemy Lagus, sa Ehipto at Palestina; at si Lysimachus, sa Tracia at Asia Minor.
Ang pinakamalaking epekto sa kasaysayan ng panlulupig ni Alejandro ay ang malawakang paglaganap ng wika at kulturang Griego. Ang karaniwang Griego (Koine) ay naging internasyonal na wika, kaya naman ang huling bahagi ng Bibliya ay isinulat sa Koine sa halip na sa Hebreo.
2. Anak ni Simon ng Cirene at kapatid ni Rufo. Ang kanilang ama ay pinilit na magbuhat ng pahirapang tulos ni Jesus.—Mar 15:21; Luc 23:26.
3. Isang kamag-anak ng punong saserdoteng si Anas na naroroon sa paglilitis nina Pedro at Juan.—Gaw 4:6.
4. Isang Judio sa Efeso na naroroon nang magsulsol ng kaguluhan ang mga panday-pilak laban kay Pablo. Nang tangkain ni Alejandro na magsalita sa kanila, pinatigil siya ng mababangis na mang-uumog sa pamamagitan ng kanilang pagsisigawan.—Gaw 19:33, 34.
5. Isa na ‘dumanas ng pagkawasak may kinalaman sa kaniyang pananampalataya’ at itiniwalag dahil sa kaniyang pamumusong kasama ni Himeneo. (1Ti 1:19, 20) Posibleng siya rin ang Blg. 6.
6. Isang panday-tanso na gumawa ng “maraming pinsala” kay Pablo kung kaya binabalaan ng apostol si Timoteo laban sa kaniya.—2Ti 4:14, 15.
[Kahon sa pahina 85]
SI ALEJANDRONG DAKILA AT ANG MGA HULA SA BIBLIYA
Hula
Katuparan
“Isang lalaking kambing . . . pinabagsak [niyaon] ang barakong tupa at binali ang dalawang sungay nito.” “Ang barakong tupa na iyong nakita na may dalawang sungay ay kumakatawan sa mga hari ng Media at Persia. At ang mabalahibong kambing na lalaki ay kumakatawan sa hari ng Gresya.” (Dan 8:5, 7, 20, 21)
Matapos talunin nang dalawang beses ang mga hukbong Medo-Persiano sa Asia Minor, sumalakay muna ang hukbo ni Alejandro sa T at pagkatapos ay sa S, anupat lubusang nilupig ang Imperyo ng Medo-Persia
“At ang . . . alabok [ng Tiro] ay ilalagay nila sa gitna mismo ng tubig.” (Eze 26:4, 12)
Noong 332 B.C.E., ginamit ni Alejandro ang mga guho ng lunsod ng Tiro na nasa mismong kontinente upang magtayo ng daanan patungo sa pulong lunsod, na kaniya namang winasak
“Nang lumakas ito, ang malaking sungay ay nabali.” (Dan 8:8)
Noong 323 B.C.E., sa edad na 32 taon, siya’y nagkasakit at namatay
“Magiging mga tiwangwang na kaguhuan [ang Babilonya] hanggang sa panahong walang takda.” (Jer 51:26)
Dahil dito, nabigo ang kaniyang mararangyang plano na muling itayo ang Babilonya bilang kaniyang kabisera, at sa katapus-tapusan ang dako nito ay naging tiwangwang na kaguhuan
“Ang kaniyang kaharian ay mawawasak at mahahati . . . ngunit hindi sa kaniyang kaapu-apuhan.” (Dan 11:4)
Pinaslang ang mga tagapagmana ni Alejandro, at bumagsak ang kaharian
“Ang malaking sungay ay nabali, at may apat na . . . tumubo na kahalili nito.” (Dan 8:8, 22)
Pagsapit ng 301 B.C.E., apat sa mga heneral ni Alejandro ang sumakop sa magkakahiwalay na bahagi ng dating imperyo
[Larawan sa pahina 86]
Medalyang may ukit ng diumano’y wangis ni Alejandrong Dakila