ARARAT
Ang pangalang itinawag sa isang rehiyon kung saan nagtatagpo ang Turkey, Iran, at Armenia, at gayundin sa isang kabundukan sa lugar na iyon.
Pagkatapos ng Baha, ang arka ni Noe ay lumapag sa “mga bundok ng Ararat.” (Gen 8:4) Noong panahong naghahari si Haring Hezekias, sa “lupain ng Ararat” nagpunta ang mga anak ni Senakerib, sina Adramelec at Sarezer, nang tumakas sila matapos nilang paslangin ang kanilang ama. (2Ha 19:37; Isa 37:38) Inihula ni Jeremias na ang Ararat ay kabilang sa “mga kaharian” na sasampa laban sa Babilonya sa panahon ng pagkawasak nito, noong ikaanim na siglo B.C.E. (Jer 51:27) Ipinahihiwatig ng huling nabanggit na mga talata sa Kasulatan na ang tinutukoy ay isang lupain sa H ng Asirya. Ipinalagay nina Eusebius, Jerome, at ng karamihan sa iba pang sinaunang manunulat na “Kristiyano” na ang Ararat ay katumbas ng Armenia, at gayon nga ang ipinakikita ng salin ng Griegong Septuagint sa Isaias 37:38 at ng Latin na Vulgate sa 2 Hari 19:37. Ang Ararat ay tinutukoy bilang “Urartu” sa maraming inskripsiyong Asiryano mula sa panahon ng mga paghahari nina Salmaneser I, Ashurnasirpal II, Salmaneser III, Tiglat-pileser III, at Sargon II noong ikasiyam at ikawalong siglo B.C.E. Sa isang inskripsiyon ni Esar-hadon, na isa pang anak ni Senakerib at siyang humalili sa trono ng Asirya, sinasabi niya na tinalo niya sa Hanigalbat, sa lugar ng Armenia, ang mga hukbo ng kaniyang mga kapatid na pumatay sa kanilang ama. Salig sa mga inskripsiyong ito at dahil iniugnay ni Jeremias ang Ararat sa mga kaharian ng Mini at Askenaz, lumilitaw na ang lupain ng Ararat ay nasa bulubunduking rehiyon ng Lawa ng Van sa sinaunang Armenia, anupat ang pinagmumulan ng tubig ng Ilog Tigris ay nasa T nito at ang Kabundukan ng Caucasus naman ay nasa H nito.
Ang pangalang Ararat ay espesipikong ikinakapit sa pinakamataas na bundok sa rehiyong ito, at pinaniniwalaang dito lumapag ang arka ni Noe. Mayroon itong dalawang hugis-balisungsong na taluktok na mga 11 km (7 mi) ang pagitan at pinaghihiwalay ng isang malalim na dako. Ang mas mataas sa dalawang taluktok ay may taas na mga 5,165 m (16,950 piye) mula sa kapantayan ng dagat at palaging nababalutan ng niyebe ang pinakataluktok nito na 900 m (3,000 piye). Ang mas mababang taluktok naman, sa dakong TS, ay may taas na 3,914 na m (12,840 piye) mula sa kapantayan ng dagat. Ang mas mataas na taluktok ay napakahirap akyatin at ang unang nakaakyat dito ay si Johann Jacob von Parrot noong 1829. Maraming pangalan ng mga lugar sa rehiyong ito ang nagpapaalaala sa ulat ng Bibliya. Ang Bundok Ararat mismo ay tinatawag ng mga Turko na Aghri Dagh (Bundok ng Arka) at tinatawag naman ng mga Persiano na Koh-i-nuh (Bundok ni Noe).—Tingnan ang ARKA Blg. 1.