PAG-AKYAT SA LANGIT
Ang pagbabalik ni Jesu-Kristo sa langit 40 araw matapos siyang buhaying-muli.
Ang pag-akyat ni Jesus sa langit ay naganap sa Bundok ng mga Olibo (Gaw 1:9, 12), malapit sa bayan ng Betania (Luc 24:50), isang bayan na nasa silanganing panig ng Bundok ng mga Olibo. Isang maliit na grupo lamang, na binubuo ng kaniyang tapat na mga apostol, ang nakasaksi nito. (Gaw 1:2, 11-13) Sinasabi ng ulat na “habang nakatingin sila, siya ay itinaas at kinuha siya ng isang ulap mula sa kanilang paningin.” Nanatili silang nakatingin sa langit hanggang noong sabihan sila ng mga anghel na huwag nang gawin iyon at ipabatid sa kanila ng mga ito: “Ang Jesus na ito na tinanggap sa kalangitan mula sa inyo ay gayon darating sa katulad na paraan kung paanong nakita ninyo siyang pumaparoon sa kalangitan.”—Gaw 1:9-11.
Mapapansin na ang tinukoy ng mga anghel ay ang “paraan” (sa Gr., troʹpos) at hindi ang anyo (sa Gr., mor·pheʹ) ni Jesus noong lumisan siya. Nang kunin siya ng ulap, hindi na siya nakita ng mga mata ng tao. Ipinakikita ng ulat ng Mga Gawa na ang kaniyang pag-akyat sa langit ay walang pagpaparangya o pagkakaingay, anupat iilang tapat na mga tagasunod lamang ang nakakita nito at ang unang bahagi lamang ng kaniyang pag-akyat ang nakita nila. Dahil sa paraan ng kaniyang pag-akyat sa langit, naging posible na maging mga saksi sa bagay na ito ang mga apostol, kung paanong naging mga saksi sila sa pagkabuhay-muli ni Jesus. (Gaw 1:3) Kaya naman hindi siya basta ‘naglaho’ mula sa kanila, gaya ng ginawa niya noong una sa dalawang alagad sa Emaus, o gaya ng anghel na nagpakita kay Gideon na “naglaho sa kaniyang paningin.” (Luc 24:31; Huk 6:21, 22) Sa katunayan, ang kaniyang pag-akyat sa langit ay mas nakakatulad niyaong sa anghel na nagpakita kay Manoa at sa asawa nito. Inutusan niya sila na maghanda ng isang hain, at “samantalang pumapailanlang ang liyab mula sa altar patungong langit, ang anghel ni Jehova ay pumailanlang sa liyab ng altar habang nakatingin si Manoa at ang kaniyang asawa.”—Huk 13:20.
Yamang ipinakikita ng Gawa 1:3-9 na ang pag-akyat ni Jesus sa langit ay naganap 40 araw matapos siyang buhaying-muli, nangangahulugan ito na may lumipas na panahon sa pagitan ng mga pangyayaring nakaulat sa Lucas 24:1-49 na waring naganap noong araw na buhaying-muli si Jesus at ng pag-akyat niya sa langit gaya ng inilalarawan sa talata 51 ng kabanatang iyon. Mapapansin din na ang pananalitang “at nagsimulang madalang paakyat sa langit,” na lumilitaw sa talatang iyon, ay wala sa ilang sinaunang manuskrito at sa gayon ay hindi ito inilagay sa ilang sinaunang salin (NE, AT). Gayunman, lumilitaw ito sa Bodmer Papyrus (P75), Alexandrine Manuscript, Vatican Manuscript No. 1209, at sa iba pang mga sinaunang manuskrito.
Epekto sa mga Alagad. Hanggang noong araw na umakyat si Jesus sa langit, lumilitaw na iniisip pa rin ng mga alagad na mamamahala siya sa isang makalupang kaharian, gaya ng ipinakikita ng kanilang pananalita sa Gawa 1:6. Sa pamamagitan ng pagpapasimulang umakyat sa langit sa paraang nakikita siya ng kaniyang mga alagad upang masaksihan nila ang unang bahagi nito, nilinaw niya sa kanila na ang kaniyang Kaharian ay makalangit at, naiiba kay David na ‘hindi umakyat sa langit,’ ang magiging posisyon ni Jesus pasimula sa panahong iyon ay sa “kanan ng Diyos,” gaya ng buong-tapang na pinatotohanan ni Pedro noong araw ng Pentecostes.—Gaw 2:32-36.
Ang paraan ng pag-akyat ni Jesus sa langit ay dapat ding magpaalaala sa kanila sa maraming pananalita ni Jesus noon na tumutukoy sa gayong makalangit na posisyon at dapat na makatulong sa kaniyang mga alagad na maunawaan ang mga iyon. Nagulat ang iba nang sabihin niya: “Ano, kung gayon, kung inyong mamasdan ang Anak ng tao na umaakyat sa dati niyang kinaroroonan?” (Ju 6:62); at sinabi niya sa mga Judio: “Kayo ay mula sa mga dakong ibaba; ako ay mula sa mga dakong itaas.” (Ju 8:23) Noong gabi ng huling pakikipagtipon niya sa kaniyang mga apostol, sinabi niya sa kanila na ‘paroroon siya sa Ama upang maghanda ng dako para sa kanila’ (Ju 14:2, 28); habang kasama niya sila noong huling gabi ng kaniyang buhay bilang isang tao, iniulat niya sa kaniyang Ama na ‘natapos na niya ang gawain sa lupa’ na iniatas sa kaniya at nanalangin siya, na sinasabi: “Luwalhatiin mo ako sa iyong piling ng kaluwalhatiang tinaglay ko sa iyong piling bago pa ang sanlibutan,” at sinabi rin niya, “paroroon ako sa iyo.” (Ju 17:4, 5, 11) Nang arestuhin siya, gayundin ang ipinahiwatig niya sa harap ng Sanedrin. (Mat 26:64) Matapos siyang buhaying-muli, sinabi niya kay Maria Magdalena: “Huwag kang kumapit sa akin. Sapagkat hindi pa ako umaakyat sa Ama. Ngunit pumaroon ka sa aking mga kapatid at sabihin mo sa kanila, ‘Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama at sa aking Diyos at inyong Diyos.’” (Ju 20:17) Gayunman, sa kabila ng lahat ng ito, maliwanag na ang kahulugan ng mga pananalitang ito ay naunawaan lamang nang lubusan ng mga alagad noong panahong umakyat si Jesus sa langit. Nang maglaon, binigyan si Esteban ng isang pangitain na doo’y nakita niya si Jesus sa kanan ng Diyos (Gaw 7:55, 56), at naranasan ni Pablo ang epekto ng makalangit na kaluwalhatian ni Jesus.—Gaw 9:3-5.
Pagpapasinaya sa Isang “Bago at Buháy na Daan.” Bagaman pinasimulan ni Jesus ang kaniyang pag-akyat sa langit taglay ang isang pisikal na anyo, anupat nakita ito ng kaniyang mga alagad na nagmamasid, walang saligan upang isipin na patuloy siyang nagtaglay ng materyal na anyo matapos siyang takpan ng ulap. Sinabi ng apostol na si Pedro na si Jesus ay namatay sa laman ngunit binuhay-muli “sa espiritu.” (1Pe 3:18) Ipinahayag ni Pablo ang tuntunin na “ang laman at dugo ay hindi makapagmamana ng kaharian ng Diyos.” (1Co 15:50; paghambingin din ang sinabi ni Jesus sa Ju 12:23, 24 at ang 1Co 15:35-45.) Ang pag-akyat ni Jesus sa presensiya ng Diyos sa langit ay inihalintulad ni Pablo sa pagpasok ng mataas na saserdote sa Kabanal-banalang silid ng tabernakulo sa Araw ng Pagbabayad-Sala at espesipiko niyang binanggit na sa gayong okasyon, ang dugo lamang (hindi ang laman) ng mga haing hayop ang dinadala ng mataas na saserdote. (Heb 9:7, 11, 12, 24-26) Pagkatapos ay inihambing ni Pablo sa laman ni Kristo ang kurtina na siyang naghihiwalay sa unang silid at sa Kabanal-banalang silid. Kapag pumapasok ang mataas na saserdote sa Kabanal-banalan, sa makasagisag na presensiya ng Diyos, hindi niya dinadala ang kurtina kundi nilalampasan niya ang harang na iyon, anupat nasa likuran na niya iyon. Kaya naman sinabi ni Pablo na “mayroon tayong katapangan para sa daang papasók sa dakong banal sa pamamagitan ng dugo ni Jesus, na kaniyang pinasinayaan para sa atin bilang isang bago at buháy na daan sa pamamagitan ng kurtina, samakatuwid nga, ang kaniyang laman.”—Heb 9:3, 24; 10:10, 19, 20; ihambing ang Ju 6:51; Heb 6:19, 20.
Ang pag-akyat ni Jesus sa langit upang iharap kay Jehova ang pantubos na halaga ng kaniyang dugo ay nagpasinaya ng “isang bago at buháy na daan” upang makalapit sa Diyos sa panalangin. Binuksan din nito ang daan patungo sa makalangit na buhay, kasuwato ng mismong pananalita ni Jesus na sa diwa, bago nito, “walang taong umakyat sa langit maliban sa kaniya na bumaba mula sa langit, ang Anak ng tao.” (Ju 3:13) Kaya hindi si Enoc ni si Elias ang nagpasinaya ng daang ito, kung paanong hindi rin naman si David. (Gen 5:24; 2Ha 2:11; Gaw 2:34) Gaya ng sinabi ni Pablo: “Nililinaw ng banal na espiritu na ang daang papasók sa dakong banal ay hindi pa naihahayag habang nakatayo pa ang unang tolda.”—Heb 9:8; tingnan ang ELIAS Blg. 1; ENOC Blg. 2.
Ang Kawastuan ng Terminong Ito. May ilang tumututol sa ulat ng pag-akyat ni Jesus sa langit, anupat nagsasabing nagpapahiwatig ito ng primitibong konsepto na ang langit ay nasa “itaas” ng lupa, sa gayon ay nagpapakita ng kawalang-alam sa kayarian ng uniberso at sa pag-inog ng planetang Lupa. Gayunman, upang mapalugdan ang gayong mga kritiko, kakailanganing alisin sa wika ng tao ang halos lahat ng mga salitang “itaas,” “ibabaw,” at ang mga katulad nito. Maging sa space age na ito, mababasa pa rin natin na ang mga astronot ay “pumapailanlang” patungo sa “orbit na 184 na milya ang taas” sa ibabaw ng lupa (The New York Times, Hunyo 19, 1983), gayong alam natin na sa teknikal na paraan ay lumalayo sila mula sa ibabaw ng lupa hanggang sa distansiyang iyon. Kapansin-pansin na ang ulat tungkol sa isinugong mga anghel na nagpatalastas hinggil sa kapanganakan ni Jesus ay nagsasabi na pagkatapos ng kanilang misyon, ‘umalis ang mga anghel mula sa kanila patungo sa langit.’ (Luc 2:15; ihambing ang Gaw 12:10.) Kaya ang pag-akyat ni Jesus sa langit, bagaman nagpasimula sa isang paitaas na direksiyon mula sa pangmalas ng kaniyang mga alagad, ay maaaring sinundan ng pagtungo sa alinmang direksiyong kinailangan upang makarating siya sa makalangit na presensiya ng kaniyang Ama. Umakyat siya hindi lamang may kinalaman sa direksiyon kundi, higit na mahalaga, may kinalaman din sa larangan ng gawain at antas ng pag-iral sa dako ng mga espiritu at sa maringal na presensiya ng Kataas-taasang Diyos, isang dako na hindi nakasalig sa mga dimensiyon o direksiyon ng tao.—Ihambing ang Heb 2:7, 9.
Kung Bakit Mahalaga. Ang pag-akyat ni Jesus sa makalangit na dako ay mahalaga sa ilang kadahilanan o layunin. Sinabi niya na kailangan niyang ‘pumaroon’ upang maipadala niya ang banal na espiritu ng Diyos bilang katulong ng kaniyang mga alagad. (Ju 16:7-14) Para sa mga alagad, ang pagbubuhos ni Jesus ng espiritung iyon noong araw ng Pentecostes ay isang malinaw na katibayan na nakarating na siya sa presensiya ng Diyos at na naiharap na niya sa Diyos ang halaga ng kaniyang haing pantubos. (Gaw 2:33, 38) Naging mahalaga rin ang pag-akyat niyang iyon sa langit para maiharap niya ang halaga ng kaniyang dugo, sapagkat hindi ito sa lupa gagawin, sa Kabanal-banalan ng templo sa Jerusalem, kundi sa “langit mismo . . . sa mismong persona ng Diyos.” (Heb 9:24) Kinailangan din ito dahil si Jesus ay inatasan at niluwalhati bilang ang “dakilang mataas na saserdote na pumasok sa langit.” (Heb 4:14; 5:1-6) Ipinaliwanag ni Pablo na “kung siya nga ay nasa lupa, hindi siya magiging saserdote,” ngunit dahil siya ay “umupo sa kanan ng trono ng Karingalan sa langit,” “nagtamo si Jesus ng isang higit na magaling na pangmadlang paglilingkod, anupat siya rin ang tagapamagitan ng isa rin namang mas mabuting tipan.” (Heb 8:1-6) Dahil dito, ang mga Kristiyano na nagmana ng kasalanan ay naaaliw sa pagkaalam na sila’y “may katulong sa Ama, si Jesu-Kristo, isa na matuwid.”—1Ju 2:1; Ro 8:34; Heb 7:25.
Bilang panghuli, kinailangan ni Jesus na umakyat sa langit upang mapangasiwaan niya ang Kaharian na ipinamana sa kaniya, anupat “ang mga anghel at ang mga awtoridad at ang mga kapangyarihan ay ipinasakop sa kaniya.” (1Pe 3:22; Fil 2:6-11; 1Co 15:25; Heb 10:12, 13; ihambing ang Dan 7:14.) Yamang ‘dinaig niya ang sanlibutan’ (Ju 16:33), nagkaroon si Jesus ng bahagi sa pagtupad sa hula na nasa Awit 68:18, anupat ‘umakyat siya sa kaitaasan at nagdala ng mga bihag,’ na ang kahulugan ay ipinaliwanag ni Pablo sa Efeso 4:8-12.