BARTIMEO
[Anak ni Timeo (Pinarangalan)].
Isang pulubing bulag na ang paningin ay isinauli ni Jesus. Si Bartimeo at ang kasama niya na hindi pinanganlan ay nakaupo sa labas ng Jerico nang dumaan si Jesus at ang isang pulutong. Nagtanong si Bartimeo kung bakit nagkakagulo, at nang masabi sa kaniya ang dahilan, nagsimula siyang sumigaw: “Anak ni David, Jesus, maawa ka sa akin!” Pinagsabihan siya ng iba na tumahimik, ngunit lalo pa siyang nagpumilit. Nang tawagin siya ni Jesus, itinapon niya ang kaniyang panlabas na kasuutan, nagmadaling pumaroon sa Panginoon, at nagsumamong panumbalikin ang kaniyang paningin. Palibhasa’y nakita ang pananampalataya ng lalaki at nahabag, pinagaling ni Jesus si Bartimeo, at pagkatapos ay sumunod ito sa kaniya, na niluluwalhati ang Diyos.—Mar 10:46-52; Mat 20:29-34; Luc 18:35-43.
Sa pag-uulat ng pangyayaring ito, sinabi nina Marcos at Mateo na naganap ito nang si Jesus ay ‘papalabas mula sa Jerico,’ ngunit sinabi naman ni Lucas na ito ay “habang papalapit siya [si Jesus] sa Jerico.” (Mat 20:29; Mar 10:46; Luc 18:35) May ilan na nagsasabing ang mga ito ay tumutukoy sa dalawang magkaibang insidente. Ganito ang isinulat ni Joseph P. Free tungkol dito: “Gayunman, ang arkeolohiya ay higit na nagbigay-linaw sa tila pagkakasalungatang ito. Sa maagang bahagi ng ikadalawampung siglo A.D., si Ernest Sellin ng German Oriental Society (1907-1909) ay nagsagawa ng mga paghuhukay sa Jerico. Ipinakita ng mga paghuhukay na ang Jerico noong panahon ni Jesus ay isang doblihang lunsod . . . Ang lumang Judiong lunsod ay mga isang milya ang layo mula sa Romanong lunsod. Kasuwato ng katibayang ito, maaaring ang tinutukoy ni Mateo ay ang Judiong lunsod na pinanggalingan ni Kristo, samantalang ang tinutukoy naman ni Lucas ay ang Romanong lunsod, kung saan papunta pa lamang doon si Kristo. Kaya nga, sa Kaniyang paglalakad mula sa lumang lunsod patungo sa bagong lunsod, nakatagpo ni Kristo ang bulag na si Bartimeo at saka pinagaling.”—Archaeology and Bible History, 1964, p. 295.