BESOR, AGUSANG LIBIS NG
Isang agusang libis na binanggit sa ulat ng pagtugis ni David sa lumusob na mga Amalekita na bumihag at sumunog sa lunsod ng Ziklag. (1Sa 30:1, 10, 21) Pagkatapos nito, maliwanag na ang mga manlulusob ay pumatimog patungo sa kanilang sariling teritoryo sa Negeb, ngunit hindi sinabi ang eksaktong direksiyon ng kanilang paglalakbay. Kaya naman hindi matiyak ang kinaroroonan ng agusang libis ng Besor, kung saan tumigil ang 200 sa hukbo ni David dahil sa pagod. Gayunman, karaniwang ipinapalagay na malamang na konektado ito sa Wadi Ghazzeh (Nahal Besor), isang malaking wadi sa dakong TK ng Ziklag na bumubuhos sa Mediteraneo sa ibaba ng Gaza.
Pagkatapos ng tagumpay ni David laban sa mga Amalekita, binahaginan niya ng samsam ang kaniyang mga mandirigma na naiwan sa libis upang magbantay sa bagahe. Maliwanag na ito ay isang pagsunod sa simulain na sinabi ni Jehova noong una sa Bilang 31:27 matapos magtagumpay ang Israel laban sa Midian. Ang kaugaliang ito ay ‘itinalaga ni David bilang isang tuntunin at isang hudisyal na pasiya para sa Israel’ mula noon.—1Sa 30:21-25.