BETSAIDA
[mula sa Aramaiko, nangangahulugang “Bahay ng Mangangaso (o, Mangingisda)”].
Ang lunsod na pinagmulan nina Felipe, Andres, at Pedro (Ju 1:44), bagaman waring nananahanan sina Simon Pedro at Andres sa Capernaum noong panahon ng ministeryo ni Jesus. (Mat 8:5, 14; Mar 1:21, 29) Ito ay isang lunsod “ng Galilea.” (Ju 12:21) Pagkamatay ni Juan na Tagapagbautismo, umalis si Jesus patungong Betsaida kasama ang kaniyang mga alagad, at sa isang liblib at madamong lugar sa kapaligiran nito, makahimala siyang naglaan ng pagkain para sa mga 5,000 lalaki, bukod pa sa mga babae at mga bata, na nagkatipon upang makinig sa kaniya. (Luc 9:10-17; ihambing ang Mat 14:13-21; Ju 6:10.) Sa labas ng Betsaida, nang maglaon ay pinanumbalik ni Jesus ang paningin ng isang bulag na lalaki. (Mar 8:22) Yamang ang makapangyarihang mga gawang ito ay naganap sa kanilang kapaligiran, ang taong-bayan ng Betsaida sa pangkalahatan, kasama ang populasyon ng Corazin, ay marapat lamang na dustain dahil sa kanilang di-nagsisising saloobin.—Luc 10:13.
Ang pagkakakilanlan ng “nayon” (Mar 8:22, 23) o “lunsod” (Luc 9:10) ng Betsaida ay naging paksa ng maraming talakayan. Itinuturo ng mga pagbanggit ng Kasulatan ang isang lugar na nasa H baybayin ng Dagat ng Galilea. Iniugnay ni Josephus ang pangalan nito sa isang mataong nayon na di-kalayuan sa dakong S kung saan bumubuhos ang Ilog Jordan sa Dagat ng Galilea. Ang lunsod na ito ay muling itinayo ni Felipe na tetrarka at pinanganlang Julias bilang parangal sa anak na babae ni Cesar Augusto. (Jewish Antiquities, XVIII, 28 [ii, 1]) Ang sinaunang mga guho ng lugar ng mismong Julias ay nasa et-Tell, mga 3 km (2 mi) mula sa dagat; gayunman, ang mga labí ng isang mas maliit na pangisdaang pamayanan ay nasa el-ʽAraj sa mismong baybayin. Dito ay may likas na daungan na ginamit ng mga mangingisda hanggang nitong mga panahong kalilipas lamang, kaya ang heograpikal na kalagayan ng lugar na ito ay tumutugma sa kahulugan ng pangalang Betsaida.
Bagaman tinatanggap nila na ang pagkakakilanlang ito ay kumakapit sa Betsaida sa ilan sa mga teksto, ipinangangatuwiran ng maraming komentarista na may ikalawang Betsaida humigit-kumulang sa dakong K ng Jordan. Ang pangmalas na ito ay dahil sa pagkaunawa na, batay sa mga pananalita ni Josephus at ng iba pa, ang hangganan ng teritoryo ng Galilea ay hindi umabot sa S ng Jordan. Sinabi mismo ni Josephus na ang Julias ay nasa “mababang Gaulanitis,” ang rehiyon sa dakong S ng Dagat ng Galilea. (The Jewish War, II, 168 [ix, 1]) Gayunman ang Betsaida ay sinasabing bahagi “ng Galilea.” (Ju 12:21) Gayunman, waring hindi naman laging natutukoy nang eksakto ang rehiyon ng Galilea, anupat tinukoy pa nga ni Josephus ang isang Hudas ng Gaulanitis bilang “isang taga-Galilea.” (Jewish Antiquities, XVIII, 4 [i, 1]; The Jewish War, II, 118 [viii, 1]) Malaki rin ang posibilidad na ang ilan sa populasyon ng lunsod ng Betsaida ay umabot hanggang sa K pampang ng Jordan, mga 1.5 km (1 mi) ang layo.
Karagdagan pa, yamang sinasabi ng salin ng King James Version sa Marcos 6:45 na tinagubilinan ni Jesus ang kaniyang mga apostol na “pumaroon [sa pamamagitan ng bangka] sa kabilang panig sa Betsaida,” samantalang sinasabi naman sa katulad na ulat sa Juan 6:17 na ang kanilang destinasyon ay Capernaum, ipinapalagay ng ilan na ito rin ay humihiling ng ikalawang Betsaida na nasa K panig ng Jordan malapit sa Capernaum. Gayunman, ipinahihintulot ng makabagong mga salin ng teksto sa Marcos 6:45 ang pagkaunawa na sinimulan ng mga apostol ang kanilang paglalakbay papuntang Capernaum sa pamamagitan ng pagparoon muna sa baybayin “patungong Betsaida” (ang lugar kung saan nila iniwan si Jesus na maliwanag na malapit sa pinangyarihan ng makahimalang pagpapakain sa 5,000, malamang ay may kalayuan sa T ng Betsaida at nasa kabilang panig ng dagat mula sa Capernaum), at pagkatapos ay tumawid sila sa hilagaang dulo ng dagat, patungo sa pinakadestinasyon nila, ang Capernaum. Dumaong sila sa baybayin ng lupain ng Genesaret, lumilitaw na bahagyang nasa T ng lunsod ng Capernaum.—Mar 6:53.
Kaya, bagaman iba’t ibang lokasyon ang iminumungkahi para sa ikalawang Betsaida, hindi ito kailangan ayon sa mga ulat ng Bibliya. Mapapansin din na ang iminumungkahing mga lugar na ito ay pawang malapit sa Capernaum at malayong mangyari na dalawang lunsod ang may iisang pangalang Betsaida at ilang milya lamang ang pagitan sa isa’t isa.