SANGA, SIBOL
Ang sanga ay isang mas maliit na dibisyon ng isang pangunahing bahagi, gaya ng sanga ng isang punungkahoy, isang ilog, o isang pamilya. Sa Bibliya, ilang salitang Hebreo at Griego ang isinasalin sa iba’t ibang paraan bilang “sanga,” “sibol,” ‘munting sanga,’ “supang,” “supling,” ‘malaking sanga,’ “maliit na sanga” at “tuktok ng puno.” Ang mga sanga ng mga punungkahoy ay may bahaging ginampanan sa pagsamba ng Israel. Kapag Kapistahan ng mga Kubol, sa ikapitong buwan, na Etanim o Tisri, ang mga sanga ng mga punungkahoy, kabilang na ang palma, olibo, mirto, at alamo, ay ginagamit sa pagtatayo ng mga kubol na tinitirahan ng mga tao sa panahon ng kapistahan.—Lev 23:40; Ne 8:15.
Nang pumasok si Jesus sa Jerusalem noong Nisan 9, 33 C.E., ang pulutong na pumaroon sa Jerusalem para sa Paskuwa at sa Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa ay sumalubong sa kaniya sa pamamagitan ng pagwawagayway ng mga sanga ng palma, anupat ibinunyi siya bilang hari ng Israel. (Ju 12:12, 13) Gayundin, ang “malaking pulutong” sa pangitain ni Juan sa Apocalipsis kabanata 7 ay ipinakikitang nagwawagayway ng mga sanga ng palma habang kinikilala nila na ang kaligtasan ay utang nila sa Diyos, na nasa trono, at sa Kordero.—Apo 7:9, 10.
Makasagisag na Paggamit. Si Jesus ay pinalaki sa maliit na bayan ng Nazaret, malamang na nangangahulugang “Bayang Sibol.” Itinawag-pansin ng apostol na si Mateo na si Jesus ay tinawag na Nazareno (lumilitaw na mula sa Heb. na neʹtser, sibol) bilang isang katuparan ng hula, anupat tinutukoy ang hula sa Isaias 11:1.—Mat 2:23.
Inihalintulad ng apostol na si Pablo ang mga nagiging bahagi ng binhi ni Abraham na nakahanay para sa makalangit na Kaharian sa mga sanga ng isang makasagisag na punong olibo. Ang mga sanga ng ligáw na olibo (mga tao ng mga bansa, mga Gentil) ay inihugpong upang halinhan ang “pinutol” na likas na mga sanga (mga Judio) sapagkat kaunti lamang ang tumanggap kay Kristo, anupat nabigo ang karamihan na gawin ito. Sa gayon, ang hustong bilang na itinalaga ng Diyos ay nakumpleto, anupat sa huling yugto nito ay binuo ito ng mga Judio at mga Gentil.—Ro 11:17-24.
Ang “supling” (offshoot) o “sanga” (bough) at ang kaugnay na mga terminong binanggit sa itaas ay ginagamit sa Kasulatan upang tumukoy sa isang anak o supling, isang inapo. Sa mga pagpapala ni Jacob sa kaniyang mga anak, tinawag niya si Jose na isang supling (sa Heb., ben, “anak”). (Gen 49:22, tlb sa Rbi8) Ang pagpuksa na walang iniiwang ugat ni sanga ay sumasagisag sa pagkapawi ng pamilya o ng lahat na kabilang sa isang partikular na uri, o lubusang pagkapuksa na walang posibilidad na maipanumbalik pa.—Mal 4:1; ihambing ang Isa 5:24; Os 9:16.
Si Jesu-Kristo ay makahulang tinutukoy sa Hebreong Kasulatan bilang ang lingkod ni Jehova na si “Sibol” (NW, Le) o “ang Sanga” (KJ, AT), “ang Usbong” (Ro). (Zac 3:8) Sa Zacarias 6:12, 13, “ang lalaki na ang pangalan ay Sibol” ay inilalarawang magtatayo ng templo ni Jehova at uupo bilang isang saserdote sa kaniyang trono. Maaari lamang itong kumapit kay Jesu-Kristo, yamang siya ang tanging makagaganap sa katungkulan ng Hari at Saserdote sa ilalim ng kaayusan ng Diyos. Si Jesu-Kristo ay ipinangangako bilang isang matuwid na “sibol” na ibinangon para kay David. Ang Isang ito ang maglalapat ng katuwiran at katarungan. (Jer 23:5; 33:15; ihambing ang Isa 53:2; Apo 22:16.) Tinatawag din siyang isang sanga (twig) at isang sibol mula kay Jesse, ama ni David.—Isa 11:1.
Ang wakas ng dinastiya ng mga hari ng Babilonya ay inilarawan sa pamamagitan ng paghahalintulad dito sa “isang kinasusuklamang sibol,” itinapon at hindi karapat-dapat na ilibing.—Isa 14:19.
Kung paanong pinangyayari ni Jehova na Maylalang ang pagsibol ng mga halaman at mga punungkahoy sa hardin, gayundin naman, ang “sibol,” “sanga (bough),” at ang katulad na mga termino ay iniuugnay sa kasaganaan, paglago, at mga pagpapala mula kay Jehova. (Isa 4:2; 60:21, 22; Job 29:19) Ipinangako niya na “gaya ng mga dahon [“isang sanga,” KJ; “isang luntiang dahon,” RS] ay mamumukadkad ang mga matuwid.”—Kaw 11:28.