CARMEL
[Taniman].
Pangalan ng isang kabundukan at ng isang lunsod. Ginagamit ang salitang Hebreo na kar·melʹ upang tumukoy sa isang “taniman.”—Isa 16:10; 32:15; Jer 2:7.
1. Ang Kabundukan ng Carmel ay isang nakausling tagaytay ng gitnang kabundukan ng Israel. Bumabagtas ito sa direksiyong HK at mga 180 m (600 piye) na lamang ang layo ng HK lungos nito mula sa Dagat Mediteraneo. Ang kahabaan ng buong Carmel ay mga 50 km (30 mi) at nagsisimula sa Mediteraneo pababa sa Kapatagan ng Dotan, na sa ibayo naman nito ay naroroon ang mga burol ng Samaria. Ang kabundukan ng Carmel ay nahahati sa tatlong magkakaibang seksiyon: ang HK tagaytay, ang TS tagaytay, at ang mas mababa at mabatong lunas o talampas na nasa gitna ng dalawang ito. Matatagpuan sa HK seksiyon, na nasa gawing HK ng nayon ng ʽIsfiya, ang pinakamataas na taluktok, mga 545 m (1,790 piye) ang taas mula sa kapantayan ng dagat. Hindi tiyak kung ang pangalang Carmel noong panahon ng Bibliya ay itinawag sa buong kabundukan o sa HK tagaytay lamang, na may habang mga 21 km (13 mi). Sa makabagong panahon, ang pangalang Bundok Carmel (Jebel el-Karmal; Har Karmel) ay tumutukoy lamang sa HK seksiyon. Ang Jokneam, isang maharlikang Canaanitang lunsod, ay nasa TS dulo ng mataas na seksiyong ito, at sinasabing ‘nasa Carmel.’ Ang Megido at Taanac, na nasa S mga dalisdis ng TS seksiyon, ay hindi tinutukoy nang gayon.—Jos 12:22.
Ang lupaing nilipatan ng Israel pagkatawid nila sa Jordan ay maaaring hatiin sa tatlong pangunahing seksiyon, na bawat isa ay bumabagtas sa kahabaan ng lupain mula sa H patungong T: ang Libis ng Jordan, ang maburol na lupain, at ang baybaying kapatagan. Gayunman, dahil sa Kabundukan ng Carmel ay nababago ang topograpiya ng lupain. Pinuputol nito ang hanay ng mga bundok sa hilaga patungong timog, at sa gayo’y nalilikha ang kilaláng Libis ng Jezreel, o Esdraelon, na nasa TS panig ng Kabundukan ng Carmel. Sa katulad na paraan, hinahati ng nakaungos na lungos ng Carmel ang baybaying kapatagan ng Mediteraneo sa dalawa, ang Kapatagan ng Aser (sa H ng Carmel) at ang mga kapatagan ng Saron at Filistia (sa T ng Carmel). Sa mismong H ng lungos ng Carmel, ang dalampasigan ay kumukurba nang papasók anupat nalilikha ang Look ng Aco, na kinaroroonan ng makabagong Haifa na ngayon ay isang pangunahing daungang-dagat. Ang Carmel ay isa sa mga hangganan ng teritoryo ng tribo ni Aser.—Jos 19:24-26.
Ang Carmel ay sagabal sa ruta ng mga manlalakbay at mga hukbong nagpaparoo’t parito sa Mesopotamia at Ehipto. Napakatarik ng mga silanganing dalisdis (na nakaharap sa Kapatagan ng Aser at sa Libis ng Jezreel), at mula pa noong sinaunang mga panahon ay masukal na ang Kabundukan ng Carmel dahil sa mga punungkahoy at mga palumpong kung kaya mahirap dumaan dito. May isang makitid at pahabang lupain sa pagitan ng paanan ng lungos ng Carmel at ng dagat, ngunit sa rutang ito ay kailangang lumigid nang napakalayo at mahahantad ang mga hukbong humahayo. May mga daanan sa bundok pasimula sa Libis ng Jezreel patawid sa kabundukan malapit sa mga tanggulang lunsod ng Jokneam at Taanac, ngunit ang daanan sa Megido, na nasa pagitan ng dalawang ito, ay mas madaling tawirin kung kaya mas madalas gamitin. Gayunman, may isa pang pangunahing ruta patungo sa T mula sa bayan ng Megido na nasa salubungang-daan. Dumaraan ito sa gilid ng nalalabing bahagi ng Kabundukan ng Carmel, at pagkatapos ay lumilikong pakanluran patungong baybayin matapos dumaan sa Kapatagan ng Dotan.
Madalas iugnay ang Carmel sa matatabang rehiyon gaya ng Lebanon, Saron, at Basan. (Isa 35:2; Jer 50:19) Si Haring Uzias, na ‘maibigin sa agrikultura,’ ay nagkaroon ng mga magsasaka at mga tagapag-alaga ng ubasan sa Carmel (2Cr 26:10), at matatagpuan doon ang mga labí ng maraming batong pisaan ng ubas at ng olibo. Bilang sagisag ng kapaha-pahamak na mga epekto ng hatol ni Jehova laban sa Israel, ginamit ng mga propeta ang pagkalanta ng saganang pananim ng Carmel. (Isa 33:9; Am 1:2; Na 1:4) Matatagpuan pa rin sa mahanging mga dalisdis nito ang mga taniman ng prutas at olibo at mga ubasan, at kapag tagsibol ay namumukadkad dito ang pagkarami-raming bulaklak. Sa Awit ni Solomon (7:5), ang ulo ng dalagang Shulamita ay inihahalintulad sa Carmel, anupat ang similing ito ay tumutukoy alinman sa kaniyang makapal na buhok o sa eleganteng tindig ng kaniyang ulo mula sa kaniyang leeg. Ginamit din ang maringal na hitsura ng Carmel, lalo na ang lungos nito na paahon mula sa baybayin, gaya rin ng kahanga-hangang tindig ng Bundok Tabor sa Libis ng Jezreel, upang lumarawan sa maringal na anyo ni Nabucodonosor habang papalapit ito upang lupigin ang Ehipto.—Jer 46:18.
Maliwanag na isa ang Carmel sa mga pangunahing lugar na pinupuntahan ng taong-bayan ng Samaria kapag naghahanap sila ng kanlungan. Bagaman hindi ito ang pinakamataas sa mga kabundukan, nakapagkukubli sila rito dahil kakaunti ang populasyon nito, makapal ang kagubatan, at maraming yungib sa mababatong dalisdis. Gayunman, ipinakita ng propetang si Amos na mawawalan ng silbi ang gayong kanlungan para sa mga tumatakas mula sa matuwid na kahatulan ni Jehova.—Am 9:3.
Naging makasaysayan ang Bundok Carmel dahil sa mga gawain ng mga propetang sina Elias at Eliseo. (LARAWAN, Tomo 1, p. 950) Dito iniutos ni Elias kay Haring Ahab na tipunin ang bayan upang masaksihan nila ang pagsubok sa pagitan ni Baal, na kinakatawan ng 450 propeta ni Baal, at ng tunay na Diyos na si Jehova, na kinakatawan naman ni Elias. (1Ha 18:19-39) Pagkatapos ng pagsubok, iniutos ni Elias na ilusong ang mga bulaang propeta sa agusang libis ng Kison, na nasa kahabaan ng silanganing paanan ng Carmel at nagwawakas sa Look ng Aco, at doon sila pinatay. (1Ha 18:40) Mula sa pinakataluktok ng Carmel, ipinanalangin ni Elias na matapos na ang tatlo-at-kalahating-taóng tagtuyot, at mula roo’y nakita ng tagapaglingkod niya ang maliit na ulap na hudyat ng dumarating na malakas na bagyong maulan. (1Ha 18:42-45; San 5:17) Mula rito tumakbo si Elias nang di-kukulangin sa 30 km (19 na mi) patungong Jezreel, at sa tulong ni Jehova ay naunahan pa niya ang karo ni Ahab.—1Ha 18:46.
Ang kahalili ni Elias na si Eliseo, pagkatapos nilang maghiwalay sa Ilog Jordan, ay naglakbay mula sa Jerico at dumaan sa Bethel patungong Carmel. (2Ha 2:15, 23, 25) Nasa Bundok Carmel muli si Eliseo nang dumating ang babaing taga-Sunem (di-kalayuan sa H ng Jezreel) upang humingi ng tulong dahil sa namatay na anak nito.—2Ha 4:8, 20, 25.
2. Isang lunsod sa bulubunduking pook ng Juda (Jos 15:1, 48, 55), na iniuugnay ng maraming heograpo sa Khirbet el-Kirmil (Horvat Karmel) na mga 11 km (7 mi) sa TTS ng Hebron.
Nagtayo si Haring Saul ng “isang bantayog [sa Heb., yadh]” sa Carmel, malamang ay upang gunitain ang tagumpay niya laban sa mga Amalekita. (1Sa 15:12) Bagaman ang salitang Hebreo na yadh sa tekstong ito ay kadalasang isinasalin bilang “kamay,” maaari rin itong tumukoy sa isang “bantayog” o monumento, gaya ng ipinakikita ng pandiwang “nagtitindig” na ginamit upang ilarawan ang ginawa ni Saul at ng bagay na pagkaraan ng maraming taon, ang “Bantayog [o yadh] ni Absalom,” ay tinawag na isang haligi.—2Sa 18:18.
Noong si David ay tumatakas sa mapamaslang na si Saul, si “Nabal na Carmelita” (na nakatira sa kalapit na lunsod ng Maon) ay nagpapastol ng kaniyang malalaking kawan sa bulubunduking pastulan ng Carmel. (1Sa 25:2; 30:5; 2Sa 2:2; 3:3) Nang tumanggi si Nabal na suklian ng kaukulang mga panustos ang proteksiyong ibinigay ng mga hukbo ni David, ang pagkukusa at pagiging mataktika ni “Abigail na babaing Carmelita,” na asawa ni Nabal, ang pumigil kay David upang hindi ito magkasala sa dugo. (1Sa 25:2-35) Nang maglaon ay naging asawa ni David si Abigail.—1Sa 25:36-42; 27:3; 1Cr 3:1.
Si “Hezro na Carmelita” ay isa sa makapangyarihang mga lalaki ng mga hukbong militar ni David.—2Sa 23:8, 35; 1Cr 11:26, 37.