CORINTO
Isa sa pinakamatatanda at pinakaprominenteng mga lunsod ng sinaunang Gresya, mga 5 km (3 mi) sa TK ng makabagong lunsod. Sa kalakhang bahagi, ang kahalagahan ng Corinto ay dahil sa estratehikong lokasyon nito sa kanluraning dulo ng ismo, o makitid na kalupaan, na nagdurugtong sa gitnang bahagi o pinakakontinente ng Gresya at sa timugang peninsula, ang Peloponnesus. Ang lahat ng trapiko sa katihan, pangkomersiyo man o iba pa, na patungo sa H at T ay kinailangang dumaan sa Corinto upang makatawid sa ismo, na sa pinakamakitid na bahagi nito ay may sukat na mga 6 na km (3.5 mi) lamang. Ngunit dumaraan din sa Corinto ang internasyonal na trapiko sa dagat, sapagkat karaniwan nang mas gusto ng mga nabigante na gamitin ang ismong ito sa pagitan ng Gulpo ng Corinto at ng Gulpong Saronic kaysa makipagsapalaran sila sa mahaba at mapanganib na biyahe kung liligid sila sa madalas-bagyuhing mga tangos na nasa timugang dulo ng peninsula. Dahil dito, ang mga barko mula sa Italya, Sicilia, at Espanya ay naglalayag patawid sa Dagat Ioniano, dumaraan sa Gulpo ng Corinto, at dumadaong sa malalim na daungan ng Lechaeum, ang kanluraning daungang lunsod na idinugtong sa Corinto sa pamamagitan ng dalawang walang-patlang na pader. Ang mga barko naman mula sa Asia Minor, Sirya, at Ehipto ay dumaraan sa Dagat Aegeano at nagbababa ng angkla sa mga pasilidad ng silanganing daungan ng Cencrea o marahil ay sa mas maliit na daungan ng Schoenus. (Ro 16:1) Ang mga kalakal mula sa malalaking sasakyang pandagat ay ibinababa sa isang daungan at ibinibiyahe nang ilang milya sa katihan patungo sa kabila, upang doon naman ilipat sa ibang barko. Ang mas maliliit na sasakyang pandagat, lulan ang kanilang kargamento, ay itinatawid sa ismo sa pamamagitan ng isang uri ng daanan ng barko na tinatawag na diʹol·kos (sa literal, “itawid sa kabila”). Kaya naman ang ismo ng Corinto ay nakilala bilang ang tulay ng dagat.
Kasaysayan. Maunlad na ang Corinto noong ikapitong siglo B.C.E. nang ang Palarong Isthmian, na ipinagdiriwang tuwing ikalawang taon at pinagbatayan ng apostol na si Pablo ng ilan sa kaniyang pinakamapuwersang mga ilustrasyon, ay itatag sa templo ni Poseidon (ang Griegong diyos ng dagat at katumbas ni Neptune ng Roma) sa ismong iyon. (1Co 9:24-27) Mula noong ikaapat na siglo B.C.E., ang Corinto ay nasa ilalim ng pamumuno ng Macedonia hanggang sa palayain ito ng mga Romano noong 196 B.C.E. Bilang isang independiyenteng estadong-lunsod, ito ay sumama sa iba pang mga lunsod sa Ligang Acheano, nasangkot sa paglaban sa Roma, at winasak ng Romanong konsul na si L. Mummius noong 146 B.C.E.; ang mga kalalakihan nito ay pinagpapatay, at ang mga kababaihan at mga bata ay ipinagbili sa pagkaalipin. Sa loob ng isang siglo ay halos tiwangwang ito hanggang sa muli itong itatag ni Julio Cesar, noong 44 B.C.E. (46 B.C.E. ayon sa ilan), bilang isang kolonya ng Roma, ang Colonia Laus Julia Corinthiensis. Ang Acaya, gaya ng tawag ng mga Romano sa Gresya na hiwalay sa Macedonia, ay naging isang Romanong probinsiya na kontrolado ng senado noong panahon ng paghahari ni Cesar Augusto, at ang Corinto ang ginawang kabisera nito.
Industriya at mga Gusali. Sa gayon, ang lunsod ng Corinto na dinatnan ni Pablo noong mga taóng 50 C.E. ay isang masiglang salubungang-dako ng komersiyo at isang sentro ng pulitika. Malaki ang naitulong ng mga singil na ipinapataw sa mga kargamentong dumaraan sa ismo sa pagyaman ng Corinto, ngunit isa rin itong sentro ng industriya na bantog sa mga kagamitang luwad at bronse. Ang mismong lunsod ay itinayo sa dalawang baytang ng lupain, anupat ang isa ay mas mataas nang mga 30 m (100 piye). Nasa gitna nito ang malawak na agora o pamilihan, na sa gilid ay may nakahilerang mga kolonada at mga gusaling pampubliko. Hanay-hanay na mga tindahan ang nakaharap sa pamilihan, anupat ang ilan sa mga labíng natuklasan ay nagpapakitang may mga tindahang bilihan ng karne at iba pang mga pagkain, gayundin ng alak. Sa isang inskripsiyon, ang salitang macellum ay ikinapit sa isang tindahan. Ang terminong ito ang katumbas sa Latin ng Griegong maʹkel·lon, na ginamit ni Pablo nang tukuyin niya ang “pamilihan ng karne” sa 1 Corinto 10:25. Isa pang inskripsiyon ang natagpuan sa isang baytang ng hagdan at kababasahan ng “si Lucio, ang matadero.”
Malapit sa gitna ng agora, natuklasan sa paghuhukay ang isang mataas na plataporma ng tagapagsalita na tinatawag na bema, o rostra, na nakaungos mula sa terasa sa pagitan ng mataas at ng mababang mga kalupaan ng agora. Ang platapormang ito, na yari sa puti at asul na marmol at napapalamutian ng maraming kaakit-akit na ukit, ay may dalawang silid-hintayan sa gilid na may mga sahig na moseyk at mga bangkô na marmol. Sinasabing ang bema ang “luklukan ng paghatol” kung saan dinala si Pablo ng mga Judiong sumasalansang sa mensaheng Kristiyano para sa pagdinig sa harap ni Proconsul Galio. (Gaw 18:12-16) Isang inskripsiyon na natagpuan sa Delphi, isang lunsod sa H panig ng Look ng Corinto, ang kababasahan ng pangalang Galio at nagpapakitang siya ay proconsul.—Tingnan ang GALIO.
Sa dakong HK ng pamilihan ay may dulaan na makapaglalaman ng mga 15,000 katao. May ampiteatro din sa HS. Kaya naman mauunawaan ng mga Kristiyanong taga-Corinto ang pagtukoy ni Pablo sa mga apostol bilang “pandulaang panoorin sa sanlibutan.” (1Co 4:9) Sa isang plasa malapit sa dulaan, natagpuan ng mga arkeologo ang isang inskripsiyon na bumabanggit sa isang Erasto na may titulong Latin na aedile, isinasalin ng ilan bilang “komisyonado ng mga gawang pambayan.” Maaaring ang Erastong ito ang “katiwala ng lunsod” na binanggit ni Pablo nang sumulat siya sa mga taga-Roma mula sa Corinto. (Ro 16:23) Ang terminong Griego na ginamit ni Pablo para sa “katiwala” (oi·ko·noʹmos) ay pangunahin nang nangangahulugang “isang administrador o tagapamahala ng sambahayan.”—Ihambing ang Gal 4:2, tlb sa Rbi8 at Int; tingnan ang ERASTO Blg. 2.
Relihiyon at Kultura. Bagaman kilala bilang isang sentro ng awtoridad ng pamahalaan at bilang pangunahing lunsod ng komersiyo sa Gresya, sa isip ng maraming tao ay sumagisag ang lunsod ng Corinto sa kahalayan at labis-labis na karangyaan, anupat ang pananalitang Ingles na “to Corinthianize” ay ginamit nang maglaon upang mangahulugang “magsagawa ng imoralidad.” Ang sensuwalidad na ito ay resulta ng pagsamba ng mga taga-Corinto, partikular na sa diyosang si Aphrodite (katumbas ni Venus ng Roma, ni Astarte ng Fenicia at Canaan, at ni Ishtar ng Babilonya). Isang templong nakaalay sa pagsamba sa kaniya ang nasa taluktok ng Acrocorinth, isang matarik at mabatong burol na may taas na 513 m (1,683 piye) mula sa kapantayan ng agora. (LARAWAN, Tomo 2, p. 336) Angkop lamang na nagbigay si Pablo sa mga Kristiyanong taga-Corinto ng mahigpit na payo at babala may kinalaman sa moral na paggawi. (1Co 6:9–7:11; 2Co 12:21) Sabihin pa, may mga templo rin sa Corinto para sa maraming iba pang mga diyos at diyosa. Sa templo ni Asklepios, ang diyos ng pagpapagaling, nakatuklas ang mga arkeologo ng kulay-balat na mga terakotang wangis ng mga bahagi ng katawan ng tao. Ang mga ito ay iniiwan noon sa templo bilang ipinanatang handog ng mga mananamba, anupat bawat handog ay sumasagisag sa may-sakit na sangkap (kamay, paa, mata, at iba pa) ng mananamba.
Bukod pa sa mga Griego, ang malaki-laking bahagi ng populasyon ay mga Italyano na nagmula sa mas naunang mga mananakop. Marami sa mga alagad na taga-Corinto ang may mga pangalang Latin, gaya ng Justo, Tercio, Cuarto, Gayo, Crispo, Fortunato, at Acaico. (Gaw 18:7; Ro 16:22, 23; 1Co 1:14; 16:17) Maraming Judio ang namayan doon at nagtatag ng isang sinagoga, anupat nakapangumberte ng ilang Griego. (Gaw 18:4) Ang pagkakaroon ng mga Judio sa Corinto ay ipinahihiwatig ng inskripsiyong Griego sa isang hambang marmol na natagpuan malapit sa pintuang-daan na nakaharap sa Lechaeum. Ang inskripsiyon, na kababasahan ng “[Sy·na·]go·geʹ He·br[aiʹon],” ay nangangahulugang “Sinagoga ng mga Hebreo.” Patuloy rin ang daloy noon ng mga manlalakbay at mga mangangalakal, bukod pa sa mga naghahanap ng kaluguran sa sentrong ito ng libangan at mga palaro. Tiyak na isang dahilan ito kung bakit ang mga taga-Corinto ay mas mapagparaya kaysa sa mga tao sa ibang mga lunsod na dinalaw ng apostol, kabilang na ang Atenas, ang sentro ng kulturang Griego. Sa isang pangitain, tiniyak kay Pablo na makasusumpong siya sa Corinto ng maraming taong nakaayon sa katuwiran, kung kaya gumugol siya ng isang taon at anim na buwan sa estratehikong salubungang ito ng Silangan at ng Kanluran. (Gaw 18:9-11) Malamang na isinulat niya noong panahong iyon ang kaniyang dalawang liham sa mga taga-Tesalonica.
Kongregasyong Kristiyano. Ang mga kasamahan ni Pablo sa paggawa ng tolda at kaniyang mga kapuwa Kristiyano, sina Aquila at Priscila, ay sumama sa kaniya nang maglayag siya mula sa silanganing daungan ng Cencrea at tumawid ng Dagat Aegeano patungong Efeso sa Asia Minor. (Gaw 18:18, 19) Ipinagpatuloy naman ng mahusay-magsalitang si Apolos ang gawain ni Pablo, anupat dinilig ang mga binhing inihasik sa Corinto. (Gaw 18:24-28; 19:1; 1Co 3:6) Lubhang ikinabahala ni Pablo ang kalagayan ng kongregasyong itinatag niya sa Corinto, kung kaya isinugo niya si Tito upang katawanin siya roon sa dalawang pagdalaw, at sinulatan din niya ng dalawang mapuwersang liham ang kongregasyon sa Corinto. (2Co 7:6, 7, 13; 8:6, 16, 17; 12:17, 18) Bagaman hindi niya naisagawa ang kaniyang isinaplanong pagtigil doon upang dalawin sila noong patungo siya sa Macedonia (2Co 1:15, 16, 23), nang maglaon ay gumugol din si Pablo ng tatlong buwan sa Gresya, malamang na noong 55-56 C.E., at ginugol niya ang ilang bahagi ng panahong iyon sa Corinto, anupat isinulat ang kaniyang liham sa mga taga-Roma mula roon.—Gaw 20:2, 3; Ro 16:1, 23; 1Co 1:14.