KULIGLIG
[sa Heb., char·golʹ; sa Ingles, cricket].
Isang uri ng lumuluksong insekto na kamag-anak ng tipaklong, bagaman naiiba sa tipaklong dahil sa prominenteng mga sungot sa dulo ng tiyan nito. Ang kuliglig-bahay at ang kuliglig-bukid ay parehong matatagpuan sa mga lupain ng Bibliya. Ang kaisa-isang pagbanggit sa insektong ito ay nasa Levitico 11:22, kung saan nakatala ito bilang malinis na pagkain.
Isinalin ng ilang bersiyon ng Bibliya (KJ; Yg) ang terminong Hebreo na char·golʹ bilang “uwang.” Ang pinakakaraniwang uri ng uwang ay gumagapang at hindi lumulundag. Ngunit marami ang naniniwala na ang salitang Hebreo ay tumutukoy sa isang uri ng lumuluksong insekto dahil itinala ito kasama ng balang. Gayunman, hindi matiyak kung aling lumuluksong insekto ang tinutukoy nito. Isinalin ng mga tagapagsalin ang char·golʹ sa iba’t ibang paraan bilang “lumilipad na balang” (AT), at “kuliglig” (AS; NW; RS); at kung minsa’y tinutumbasan na lamang ng transliterasyon ang salitang Hebreong ito.—Le; Da; JB.