DIBON
1. Isang lunsod sa S ng Dagat na Patay, na inagaw sa mga Moabita ni Sihon na Amorita ngunit nang maglaon ay kinuha sa kaniya ng Israel noong panahong pumasok ang mga Israelita sa lupaing iyon sa pangunguna ni Moises.—Bil 21:25-30.
Ipinapalagay sa ngayon na ang sinaunang Dibon ay ang Dhiban, 5 km (3 mi) sa H ng Arnon, 21 km (13 mi) sa S ng Dagat na Patay. Nagsagawa rito ng masinsinang arkeolohikal na mga pagsusuri at napabantog ito bilang ang lugar kung saan natagpuan ang bantog na Batong Moabita noong 1868. Batay sa interpretasyon ng ilan sa mga pangungusap ng stelang ito, na ipinasulat ni Mesa na hari ng Moab, ang Dibon ay kaniyang kabiserang lunsod (kasama ang Qarhah) at dating “pangunahing lunsod ng Moab.”
Di-nagtagal pagkatapos ng unang pananakop ng Israel sa lugar na ito, ang tribo ni Gad ay nanirahan doon at kanilang ‘itinayo [o, muling itinayo] ang Dibon,’ anupat lumilitaw na ibinigay nila rito ang pinahabang pangalan na Dibon-gad, isang lokasyon na nakatala bilang isa sa mga dakong pinagkampuhan ng bansa. (Bil 32:34; 33:45, 46) Gayunman, ang Dibon ay itinuring na bahagi ng mana ng Ruben. (Bil 32:2, 3; Jos 13:8, 9, 15-17) Malamang na nagdusa ang Dibon nang muling maging makapangyarihan ang Moab sa panahon ng paghahari ni Haring Eglon, hanggang noong mailigtas ito ni Hukom Ehud. (Huk 3:12-30) Pagkaraan ng maraming siglo, “nang mamatay si Ahab,” naghimagsik ang hari ng Moab na si Mesa laban sa pamumuno ng Israel, ayon sa ulat ng Bibliya sa 2 Hari 3:4, 5. Hindi sinasabi ng Bibliya kung gaano katagal ang paghihimagsik na ito, at posible nga, gaya ng ipinaghambog ni Mesa sa Batong Moabita, na nasakop niya noon ang ilang lunsod ng Israel at idinagdag niya ang mga ito sa “Qarhah.” Gayunpaman, di-tulad ng propagandang inskripsiyon ni Mesa, nililinaw ng rekord ng Kasulatan na ang Moab ay lubusang natalo nang makipagbaka ang mga hukbo nito laban sa pinagsama-samang mga hukbo ng Israel, Juda, at Edom.—2Ha 3:4-27.
Wala pang 200 taon pagkatapos nito, muling tinukoy ang Dibon bilang isang Moabitang lunsod, at bumigkas si Isaias (15:2) ng isang kapahayagan ng kapahamakan laban doon. Binanggit sa hula na ang mga tumatahan sa rehiyong iyon ay aahon “sa Bahay at sa Dibon, sa matataas na dako,” anupat ipagdadalamhati ang pagkakatiwangwang ng Moab.
Ayon sa teoriya ng ilang iskolar, tinukoy ni Isaias ang nagbabantang Asirya bilang sanhi ng ‘pagtangis’ sa “matataas na dako” na malapit sa Dibon. Gayunman, walang ulat na may winasak ang Asirya sa rehiyong iyon. Pagkaraan ng mga isang daang taon, nang ihula ng lingkod ni Jehova na si Jeremias na ang Dibon ay ‘bababa mula sa kaluwalhatian, at uupong uháw’ (Jer 48:18), lumilitaw na hindi pa natutupad noon ang mas naunang hula ni Isaias. Kaya maliwanag na ang mensahe ring iyon ang binigkas ni Jeremias at sa gayon ay higit na tiniyak ang inihulang kapahamakan laban sa Moab. Pagkatapos ng pagbagsak ng Jerusalem noong 607 B.C.E., nang lubusang wasakin ni Nabucodonosor ang Moab, maaaring iniwan niya ang mga mamamayan ng Dibon, na hindi lamang “uháw” sa mga karangyaan ng dati nitong kaluwalhatian kundi pinabayaan din bilang abang mga bihag, anupat literal na uháw sa tubig at sa iba pang karaniwang mga pangangailangan.—Jer 25:9, 17-21.
Natuklasan sa Dibon ang maraming nakaimbak na binutil na hindi nabulok, na ipinapalagay na mula pa noong huling kalahatian ng unang milenyo B.C.E. Waring pinatutunayan nito ang pangmalas ng ilan na ang rehiyon ng Dibon, na maging sa ngayon ay produktibo sa agrikultura, ay dating pinagmumulan ng saganang binutil para sa Palestina.
Ipinapalagay ng ilang komentarista na ang Dibon ay ang Dimon na binanggit sa Isaias 15:9.—Tingnan ang DIMON.
2. Isang lokasyon sa Juda (Ne 11:25), na ipinapalagay ng ilan na ang Dimona.—Jos 15:22; tingnan ang DIMONA.