PINTUAN
[sa Ingles, doorway].
Ang “pasukan” (sa Heb., peʹthach; Gen 19:11) ng isang silid, bahay, o gusali, na binubuo ng: (1) “itaas na bahagi ng pintuan” (sa Heb., mash·qohphʹ; Exo 12:7), samakatuwid ay ang biga, isang pahalang na kahoy o bato sa itaas ng pinto at siyang nagdadala sa bigat ng istraktura sa ibabaw ng pinto; (2) dalawang patayong “poste ng pinto” (sa Heb., mezu·zothʹ; Exo 12:7, tlb sa Rbi8) na nasa magkabilang gilid ng pintuan at kinapapatungan ng biga; (3) mismong pinto (sa Heb., deʹleth; sa Gr., thyʹra); (4) “pintuan” (sa Heb., saph [Huk 19:27]) na nasa ibaba ng pinto.
Ang biga at mga poste ng pinto sa mga pasukan ng mga bahay ng mga Israelita sa Ehipto ay sinabuyan nila ng dugo ng hayop na Pampaskuwa bilang pagsunod sa utos. Nagsilbi itong tanda upang lampasan ng anghel ng Diyos ang mga tahanang iyon at huwag nitong puksain ang kanilang panganay. (Exo 12:7, 22, 23) Ayon sa Kautusan, kung nanaisin ng isang alipin (lalaki o babae) na permanenteng maglingkod sa kaniyang panginoon, dadalhin ng panginoon ang alipin sa tapat ng pinto o ng poste ng pinto at bubutasan nito ang kaniyang tainga sa pamamagitan ng balibol. (Exo 21:5, 6; Deu 15:16, 17) Nang maglaon, ang salitang Hebreo para sa poste ng pinto (mezu·zahʹ) ay tumukoy sa isang maliit na lalagyan na tinatawag na mezuzah. Ito ay naglalaman ng isang pergamino na sinulatan ng mga salita ng Deuteronomio 6:4-9; 11:13-21 at ipinapako ng mga Ortodoksong Judio sa poste ng kanilang pinto.—Tingnan ang MEZUZAH.
Ang mga pinto noon ay karaniwan nang gawa sa kahoy, at marami sa mga ito ay pumipihit sa mga paikutan na nakasuksok sa mga ukit na nasa biga at pintuan. (Kaw 26:14) Kadalasa’y yari sa kahoy ang mga paikutan ng pinto, ngunit kung minsan, sa ibaba at itaas na mga dulo ng pinto ay nagkakabit ang mga Ehipsiyo ng mga bisagrang metal na may mga bahaging nakausli na isinusuksok sa mga ukit, anupat umiikot ang mga pintong iyon sa gayong paraan. Ang mga paikutan para sa mga pinto ng templong itinayo ni Solomon ay yari sa ginto.—1Ha 7:48, 50.
Ang mga pinto ng karaniwang mga tahanan noon ay maliliit at hindi magarbo. Ngunit ang pasukan ng templo ni Solomon ay may dalawang pinto na may tigdalawang pohas at yari sa kahoy ng enebro, at mayroon ding dalawang pinto na gawa sa kahoy ng punong-langis at patungo naman sa Kabanal-banalan. Ang lahat ng pintong ito ay may inukit na mga larawan ng kerubin, puno ng palma, at bulaklak, na kinalupkupan ng ginto. (1Ha 6:31-35) Sa ibang mga lugar ay may ginamit ding malalaking pinto na may natitiklop na mga seksiyon o mga pohas. Halimbawa, tiniyak ni Jehova na ang tansong “mga pinto na may dalawang pohas” sa Babilonya ay mabubuksan para kay Haring Ciro.—Isa 45:1, 2.
Ang mga pintuan ay karaniwan nang ginagamitan ng kahoy o bato. Gayunman, ang mga pintuan ng “bahay ni Jehova” na itinayo ni Solomon ay nababalutan ng ginto.—2Cr 3:1, 7.
Kung minsan, ang mga pinto ng mga bahay o mga pintuang-daan ay sinasarhan sa pamamagitan ng mga halang o nakapahalang na mga bigang kahoy o bakal. (Isa 45:2; Deu 3:5; 2Cr 8:5; 14:7) Kadalasang isinusuksok ang mga ito sa mga ukit na nasa mga poste ng pintuang-daan o ng pinto. Kung minsan, ang mga pintuang-daan ng mga lunsod ay may mga halang at mga trangkahan. (Ne 3:3; 7:3) Ang trangkahan ay maaaring isang kahoy o tagdan na maisusuksok sa isang ukit sa ibaba ng pintuan sa bandang loob ng pintuang-daan. Ang ilang pintuang-daan ng mga lunsod ay may mga trangka [lock] (Deu 33:25), gaya rin ng mga pinto ng mga bahay.—2Sa 13:17, 18; Luc 11:7; tingnan ang PINTUANG-DAAN; TRANGKA.
May ginagamit din noon na mga metal na pangkatok sa pinto, ngunit hindi espesipikong sinasabi ng Bibliya na gumamit ang mga Hebreo ng mga ito. Upang tawagin ang mga nakatira sa isang bahay, kinakatok ang pinto ng bahay o ng pintuang-daan.—Sol 5:2; Gaw 12:13.
Makasagisag na Paggamit. Hinimok ni Jesus ang mga tagasunod niya na maging matiyaga, sa pagsasabi: “Patuloy na kumatok, at bubuksan ito sa inyo.” (Mat 7:7) Sa Apocalipsis 3:20, sinabi ni Kristo na siya ay “nakatayo sa pintuan at kumakatok,” anupat tinitiyak niyang makikinabang sa espirituwal na pakikipagsamahan sa kaniya ang isa na magbubukas ng pinto at tatanggap sa kaniya.
Kung ang babaing Shulamita ay hindi magiging matatag sa pag-ibig at kalinisang-puri, gaya ng pinto na pumipihit sa mga paikutan nito, determinado ang kaniyang mga kapatid na ‘harangan siya ng tablang sedro,’ sa gayo’y sinasarhan ang “pinto” upang hindi makapasok ang sinumang di-kanais-nais.—Sol 8:8, 9.
Dahil sa doblihang panga ng Leviatan, sinasabing mayroon itong “mga pinto” sa mukha. (Job 41:1, 13, 14) Sinabi ng tagapagtipon tungkol sa taong may edad na, “ang mga pinto na nakaharap sa lansangan ay isinara,” marahil upang ipakita na ang dalawang pinto ng bibig ay hindi na gaanong bumubukas o talagang hindi na bumubukas upang ipahayag kung ano ang nasa loob ng bahay ng katawan.—Ec 12:1, 4.
Ipinayo ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga tagasunod na magpunyagi nang buong-lakas para maligtas sila, “upang makapasok sa makipot na pinto.” (Luc 13:23, 24; Fil 3:13, 14; ihambing ang Mat 7:13, 14.) Minsan naman, inihalintulad niya ang kaniyang sarili sa pinto ng isang makasagisag na kulungan ng tupa, anupat si Jesus ang tamang uri ng pastol na umaakay sa kaniyang “munting kawan” upang magkaroon sila ng kaugnayan kay Jehova salig sa bagong tipan na tinatakan ng sariling dugo ni Jesus. (Luc 12:32; Ju 10:7-11) Inihalintulad ni Jesus ang kaniyang sarili sa gayong pinto kaayon ng bagay na sa pamamagitan niya at sa bisa ng kaniyang haing pantubos, ang tulad-tupang mga tao ay maaaring lumapit sa Diyos, maligtas, at magtamo ng buhay.—Ju 14:6.
Binuksan ni Jehova sa mga bansa “ang pinto tungo sa pananampalataya.” (Gaw 14:27) Nanatili si Pablo nang ilang panahon sa Efeso dahil “isang malaking pinto na umaakay sa gawain” ukol sa paghahayag ng mabuting balita ang binuksan doon para sa kaniya.—1Co 16:8, 9; Gaw 19:1-20; ihambing ang 2Co 2:12, 13; Col 4:3, 4.
Sa pangitain, nakita ni Juan ang “isang bukás na pinto sa langit,” anupat nakita niya ang mga bagay na mangyayari sa hinaharap at sa diwa ay nakapasok siya sa presensiya ni Jehova.—Apo 4:1-3.