DUMI NG KALAPATI
Nang ilarawan ang pagkubkob ng Siryanong si Haring Ben-hadad sa Samaria, binanggit na nagkaroon doon ng napakatinding taggutom anupat ‘ang isang ulo ng asno ay nagkahalaga ng walumpung pirasong pilak, at ang isang kapat na takal na kab ng dumi ng kalapati ay nagkahalaga ng limang pirasong pilak.’ (2Ha 6:24, 25) Batay rito, ang halaga ng isang ulo ng asno ay mga $176 (kung siklo ang mga “pirasong pilak”) at “ang isang kapat na takal na kab [0.3 L; 0.55 tuyong pt] ng dumi ng kalapati” naman ay mga $11. Ipinahihiwatig nito na, dahil sa kakapusan sa pagkain, kahit ang ulo ng asno na mabuto at walang gaanong laman ay naging napakamahal na pagkain (bagaman maruming hayop ang asno ayon sa Kautusang Mosaiko), at pati ang dumi ng kalapati ay naging napakamahal. Dahil nabanggit ang dumi ng kalapati, nagkaroon ng mga talakayan kung literal ba ang terminong ito at kung saan ito gagamitin ng bumibili.
Ipinapalagay ng ilan na ang terminong “dumi ng kalapati” ay isang uri ng halaman. Gayunman, walang katibayan na ang mga halamang tinutukoy nila ay nakilala sa tawag na dumi ng kalapati o na may makukuhang gayong mga halaman ang mga taong nakulong sa Samaria dahil sa pagkubkob.
Yaon namang mga naniniwala na literal ang kahulugan ng pananalitang ito ay hindi rin magkasundo kung saan ginagamit noon ang dumi ng kalapati. Sinasabi ng ilan na matagal na itong ginagamit sa Gitnang Silangan bilang pataba sa tanim na melon, ngunit mas makatuwiran na ang nasa isip ng mga taong malapit nang mamatay dahil sa gutom ay ang pagkain na kaagad nilang makakain at hindi ang ani na mga ilang buwan pa bago nila mapakinabangan.
Marami ang naniniwala na aktuwal na kinain noon ang dumi ng kalapati, anupat sinasabi nila na ang tinutukoy ay taggutom at ang mga bagay na handang gawin ng mga tao dahil sa matinding gutom. Halimbawa, bagaman ang banta ng opisyal ni Senakerib na si Rabsases ay sinadyang lumikha ng matinding takot, posible ring mangyari na dahil sa pagkubkob ng Asirya ay ‘kakainin ng mga taong-bayan ng Jerusalem ang kanilang sariling dumi at iinumin nila ang kanilang sariling ihi.’ (2Ha 18:27) Bagaman talagang nakapandidiring isipin na kakainin ng mga tao ang literal na dumi, hindi iyan sapat na dahilan para tanggihan ang pangmalas na ito. Napakatindi ng taggutom na sumapit sa Samaria anupat pinakuluan at kinain ng mga kababaihan ang kanilang sariling mga anak, na nagpapakitang kakainin nila anuman ang naroroon. (2Ha 6:26-29) Bagaman sinasabi ng iba na walang sustansiya ang dumi, hindi ito nangangahulugan na hindi nila ito binili at kinain, sapagkat kadalasan nang wala sa katinuan ang mga taong gutóm na gutóm, anupat kakainin nila kahit ano upang mapawi ang matinding gutom.
Marahil, ang isang pangmalas na mas kapani-paniwala ay ang sinasabi ng ilang rabbi na ang dumi ay ginagamit noon bilang panggatong. Mayroon itong kahawig sa ulat ng Bibliya, yamang noong tagubilinan ang propetang si Ezekiel na isadula ang mga kalagayang kasintindi nito na sasapit sa Jerusalem kapag kinubkob iyon, inutusan siyang iluto ang kaniyang pagkain gamit ang dumi bilang panggatong. (Eze 4:12-17) Ang pinatuyong dumi ng baka ay karaniwang ginagamit na panggatong sa maraming bansa hanggang sa ngayon. Kung tama ang pangmalas na ito, marahil ay sinasabi lamang ng ulat ang halaga ng pagkain (ulo ng asno) at ang halaga ng panggatong na panluto nito. Ipinakikita ng kasunod na mga talata na noong panahong iyon ay hindi pa kumakain ng hilaw na karne ang mga tao.