KASAMAAN
[sa Ingles, evil].
Yaong nagbubunga ng kirot, kalumbayan, o kabagabagan. Sa Tagalog, upang maitawid ang tamang diwa nito, ang napakalawak na salitang Hebreo na raʽ ay isinasalin sa iba’t ibang paraan bilang “masama,” ‘mapanglaw,’ “pangit,” “kapaha-pahamak,” ‘malubha,’ “di-mapagbigay,” at “mainggitin,” depende sa konteksto. (Gen 2:9; 40:7; 41:3; Exo 33:4; Deu 6:22; 28:35; Kaw 23:6; 28:22) Ang salitang Griego na ka·kosʹ ay maaari namang bigyang-katuturan bilang yaong (1) masama sa moral at (2) mapaminsala; ang ilan sa mga salin nito ay: “masama,” “nakasasakit,” ‘mapaminsala,’ “mali.” (Ro 7:19; 12:17; Col 3:5; Tit 1:12; Heb 5:14) Ang pandiwang Hebreo naman na qa·lalʹ ay nangangahulugang “isumpa.”—Tingnan ang SUMPA Blg. 3.
Gaya ng unang pagkagamit sa Kasulatan, ang salitang raʽ ay ang mismong kabaligtaran ng mabuti. Si Adan ay inutusan na huwag kumain mula sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama (raʽ) at binabalaan din siya may kinalaman sa mga ibubunga ng pagsuway rito. Samakatuwid, maliwanag na ang Diyos ang nagtatakda ng pamantayan may kinalaman sa kung ano ang mabuti at kung ano ang masama; walang karapatan ang tao na gumawa ng gayon nang hiwalay sa Diyos. Bagaman sumalansang si Adan sa malinaw na kautusan ng Diyos, ang pagsalansang na ito ay hindi maisisisi kay Jehova, “sapagkat sa masasamang bagay [isang anyo ng ka·kosʹ] ay hindi masusubok ang Diyos ni sinusubok man niya ang sinuman. Kundi ang bawat isa ay nasusubok kapag nahihila at naaakit ng sarili niyang pagnanasa.”—San 1:13, 14; Gen 2:16, 17; 3:17-19.
Ang Kahulugan ng Pagpapasapit ni Jehova ng Kasamaan. Makatuwiran lamang na nagpasapit si Jehova kay Adan ng kasamaan o kapahamakan dahil sa kaniyang pagsuway. Kaya naman sa Kasulatan, si Jehova ay tinutukoy na Maylalang ng kasamaan o kapahamakan. (Isa 45:7; ihambing ang KJ.) Ang paglalapat niya ng parusa para sa kasalanan, samakatuwid nga, kamatayan, ay naging isang kasamaan, o kapahamakan, para sa sangkatauhan. Samakatuwid nga, ang kasamaan ay hindi laging tumutukoy sa masamang gawa. Ang mga halimbawa ng mga kasamaan o mga kapahamakang nilikha ni Jehova ay ang Baha noong mga araw ni Noe at ang Sampung Salot na pinasapit sa Ehipto. Subalit hindi mali ang pagpapasapit ng mga kasamaang ito. Sa halip, ang dalawang kasong ito ay nagsasangkot ng makatuwirang paglalapat ng katarungan laban sa mga manggagawa ng kamalian. Gayunman, dahil sa kaniyang awa, may mga pagkakataong nagpipigil si Jehova sa pagpapasapit ng binalak niyang kapahamakan o kasamaan bilang paglalapat ng kaniyang matuwid na paghatol dahil nagsisi yaong mga nasasangkot. (Jon 3:10) Karagdagan pa, sa pagbibigay niya ng babala, maibiging naglaan si Jehova ng mga pagkakataon sa mga manggagawa ng masama upang magbago ng kanilang landasin at sa gayo’y patuloy na mabuhay.—Eze 33:11.
Pag-iwas sa Kasamaan. Yamang si Jehova ang nagtatakda ng pamantayan ng mabuti at masama, kailangan na lubusang makilala ng indibiduwal ang pamantayang iyon upang mapag-unawa niya kung anong landasin ang dapat niyang tahakin. (Heb 5:14) Ang pag-ibig sa salapi ay kabilang sa masasama, o nakasasakit, na mga bagay na dapat iwasan. (1Ti 6:10) Hindi isang katalinuhan na mabalisa tungkol sa materyal na mga bagay, yamang, gaya ng sinabi ni Jesus, “sapat na para sa bawat araw ang sarili nitong kasamaan [ka·kiʹa],” samakatuwid nga, ang kabagabagan, o kapighatian, na dulot ng bawat araw. (Mat 6:34) Sa pagbibihis ng bagong personalidad, kabilang ang “nakasasakit na pagnanasa” sa mga bagay na dapat iwaksi. (Col 3:5) Kung paanong tinukso ng Diyablo si Jesus sa pamamagitan ng kasamaan, nasusumpungan din ng mga Kristiyano na ang masasamang kaisipan ay bumabangon o inihaharap sa kanila. Ngunit upang huwag silang mahila sa kasalanan kapag nangyayari ito, dapat na sundan ng mga Kristiyano ang halimbawa ni Jesus at kaagad na iwaksi ang gayong kasamaan. (San 1:13-15; Mat 4:1-11; Fil 4:8) Bagaman dahil sa di-kasakdalan ng tao ay nasusumpungan ng isang Kristiyano na patuluyan siyang nakikipaglaban sa makasalanang laman, gaya ni Pablo, at maaaring nagagawa niya ang masama na hindi niya nais gawin, hindi siya dapat magpadaig sa laman kundi dapat na patuloy niya itong labanan. (Ro 7:21; 8:8) Ang panganib ng hindi pamumuhay ayon sa matuwid na mga kahilingan ng Diyos ay malinaw na makikita sa sinabi ni Jesus may kinalaman sa tapat na alipin. Lalapatan ng pinakamatinding kaparusahan ang aliping iyon kung hindi niya tutuparin ang mga pananagutang ipinagkatiwala sa kaniya at mambugbog pa nga siya ng kaniyang mga kapuwa alipin.—Mat 24:48-51.
Pagtitiis ng mga Kristiyano ng Kasamaan. Hindi binibigyan ng Kasulatan ng karapatan ang mga Kristiyano na magdulot ng kasamaan sa iba, o gumanti. Ganito ang payo ng Bibliya: “Huwag gumanti kaninuman ng masama para sa masama.” “Huwag ipaghiganti ang inyong sarili . . . ‘Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ni Jehova.’” “Huwag kang padaig sa masama, kundi patuloy na daigin ng mabuti ang masama.” (Ro 12:17, 19, 21) Bukod dito, sa relatibo nilang pagpapasakop sa mga pamahalaang namumuno sa kanila, ang mga lingkod ng Diyos ay hindi dapat masumpungang nagsasagawa ng masama, sapagkat ang gayong mga pamahalaan, sa pamamagitan ng kanilang mga tagapamahala na nagtataglay ng bigay-Diyos na budhi sa isang nakabababa o nakahihigit na antas, ay kumikilos laban sa kasamaan alinsunod sa batas ng lupain at marapat na gumagamit ng kanilang awtoridad upang parusahan ang mga manggagawa ng kamalian. (Ro 13:3, 4) Mananagot sila sa Kataas-taasang Hukom sa anumang maling paggamit ng kanilang awtoridad. Sa pagtitiis naman ng kasamaan alang-alang sa katuwiran, ang mga Kristiyano ay nagkakaroon ng pribilehiyo na makibahagi sa pagluwalhati sa banal na pangalan ng Diyos.—1Pe 4:16.