AMA
Ang salitang Hebreo na ʼav, isinasaling “ama,” ay isang salita na ginaya sa isa sa mga una at pinakasimpleng tunog na nabibigkas ng sanggol. Ang Hebreong ʼav at ang Griegong pa·terʹ ay kapuwa ginagamit sa iba’t ibang diwa: bilang ang sanhi upang maipaglihi ang isang indibiduwal, o ang pinagmulan ng isang indibiduwal (Kaw 23:22; Zac 13:3; Luc 1:67), ang ulo ng isang sambahayan o ng pamilya ng mga ninuno (Gen 24:40; Exo 6:14), isang ninuno (Gen 28:13; Ju 8:53), pinagmulan ng isang bansa (Mat 3:9), isang nagtatag sa isang grupo o propesyon (Gen 4:20, 21), isang tagapagsanggalang (Job 29:16; Aw 68:5), pinagmulan ng isang bagay (Job 38:28), at isang termino ng paggalang (2Ha 5:13; Gaw 7:2).
Ang Diyos na Jehova bilang Maylalang ay tinatawag na Ama. (Isa 64:8; ihambing ang Gaw 17:28, 29.) Siya rin ang Ama ng mga Kristiyanong inianak sa espiritu, anupat ginagamit ang terminong Aramaiko na ʼAb·baʼʹ bilang kapahayagan ng paggalang at ng malapit na kaugnayan ng anak sa kaniyang ama. (Ro 8:15; tingnan ang ABBA.) Ang Diyos na Jehova ay maaaring tawaging Ama niyaong lahat ng nagpapakita ng pananampalataya at may pag-asang buhay na walang hanggan. (Mat 6:9) Si Jesu-Kristo, ang Mesiyas, ay makahulang tinawag na Walang-hanggang Ama yamang siya ang Punong Ahente ng Diyos ukol sa buhay. (Isa 9:6) Gayundin, ang sinumang may mga tagatulad at mga tagasunod, o mga nagpapamalas ng mga katangian niya, ay itinuturing na ama ng mga iyon. (Mat 5:44, 45; Ro 4:11, 12) Sa diwang ito, ang Diyablo ay tinutukoy bilang isang ama.—Ju 8:44; ihambing ang Gen 3:15.
Ipinagbawal ni Jesus ang pagkakapit ng katawagang “ama” sa mga tao bilang isang pormalistiko o relihiyosong titulo. (Mat 23:9) Dahil sa pagdadala ni Pablo ng mabuting balita sa ilang Kristiyano at sa pagpapakain niya sa kanila sa espirituwal na paraan, siya ay naging tulad ng isang ama sa kanila, ngunit walang kasulatan na nagkakapit sa kaniya ng “ama” bilang isang relihiyosong titulo. (1Co 4:14, 15) Inihalintulad ni Pablo ang kaniyang sarili kapuwa sa isang ama at sa isang ina sa kaniyang kaugnayan sa mga Kristiyanong taga-Tesalonica. (1Te 2:7, 11) Bagaman may tinutukoy na “amang Abraham” sa Lucas 16:24, 30, ang saligang diwa nito ay pinagmulang angkan sa laman.
Ang Awtoridad at mga Pananagutan ng Ama. Ayon sa Bibliya, ang ama ang ulo ng sambahayan, at siya ang tagapag-alaga, tagapagsanggalang, ang gumagawa ng pangwakas na mga pasiya, at ang hukom sa loob ng pamilya. (1Co 11:3; Gen 31:32) Sa mga patriyarka at sa Israel bago pinili ang Levitikong pagkasaserdote, ang ama ang nanguna upang kumatawan sa kaniyang pamilya sa pagsamba bilang isang saserdote. (Gen 12:8; Job 1:5; Exo 19:22) May awtoridad ang ama sa kaniyang sambahayan hanggang sa mamatay siya. Kapag ang anak na lalaki ay nag-asawa at nagtayo ng sarili niyang sambahayan, siya na ang magiging ulo nito, bagaman magpapakita pa rin siya ng kaukulang paggalang sa kaniyang ama. Kapag nag-asawa naman ang isang anak na babae, mapapasailalim siya sa pagkaulo ng kaniyang asawa. (Bil 30:3-8) Noong panahon ng Bibliya, kadalasang ang ama ang nagsasaayos ng pag-aasawa ng kaniyang mga anak. Kung siya ay mapasamatinding kagipitan sa pinansiyal, maaari niyang ipagbili sa pagkaalipin ang kaniyang anak na babae, ngunit may ilang restriksiyon upang mapangalagaan ito.—Exo 21:7.
Ang Pagkabahala ng Ama sa mga Miyembro ng Kaniyang Pamilya. Bilang kinatawan ng Diyos, pananagutan ng ama na tiyaking naituturo sa kaniyang sambahayan ang mga simulain ng Diyos. (Gen 18:19; Efe 6:4; Deu 6:6, 7) Kalakip din sa kaniyang tungkuling magturo at magdisiplina ang pagbibigay ng personal na mga tagubilin at mga utos, at tumutulong naman ang ina upang maisagawa ang mga iyon. (Kaw 1:8; 6:20) Ang ama na may takot sa Diyos ay may malaking pag-ibig sa kaniyang mga anak at nagpapayo at nang-aaliw sa kanila nang buong-giliw. (1Te 2:11; Os 11:3) Upang makalakad sila sa tamang daan, dinidisiplina, itinutuwid, at sinasaway niya sila. (Heb 12:9; Kaw 3:12) Nalulugod siya sa kaniyang mga anak, at lalo siyang nagsasaya kapag nagpapamalas sila ng karunungan. (Kaw 10:1) Sa kabilang dako, lubha siyang napipighati at naliligalig kapag ang kaniyang mga anak ay kumikilos nang may kahangalan. (Kaw 17:21, 25) Dapat siyang maging mahabagin at maawain. (Mal 3:17; Aw 103:13) Dapat siyang maging makonsiderasyon sa kanilang mga pangangailangan at mga kahilingan. (Mat 7:9-11) Nagsisilbing parisan para sa mga ama ang maraming paglalarawan hinggil sa pag-ibig at pangangalaga ng Diyos sa kaniyang bayan.
Ang Paggamit sa Pangalan ng Ama sa Talaangkanan. Nakaugalian nang taluntunin ang pinagmulang angkan ng isang tao sa linya ng kaniyang ama, hindi sa linya ng ina. Kaya bagaman waring may matibay na dahilan upang maniwalang inihaharap ni Lucas ang talaangkanan ni Jesus sa linya ng ina nito (isang eksepsiyon sa karaniwang tuntunin), hindi itinala ni Lucas si Maria. Lumilitaw na itinala niya ang asawa nitong si Jose bilang anak ni Heli, na maliwanag na ama ni Maria. Hindi naman ito mali, yamang si Jose ay manugang ni Heli.—Tingnan ang TALAANGKANAN NI JESU-KRISTO.
Kapag walang apelyido (huling pangalan), ang isang lalaki ay karaniwang ipinakikilala sa pamamagitan ng pagtukoy sa kaniya bilang anak ni “Ganoon-at-ganito.” Halimbawa, si Isaac ay tinawag na “anak ni Abraham.” (Gen 25:19) Maraming pangalang Hebreo ang may kalakip na Hebreong ben o Aramaikong bar, “anak,” at sinusundan ng pangalan ng ama bilang huling pangalan, gaya ng “Ben-hur” (1Ha 4:8, RS; “anak ni Hur,” NW) at “Simon Bar-jonas,” o “Simon na anak ni Jonas.”—Mat 16:17, KJ, NW.