BUKID, PARANG
[sa Ingles, field].
Ang salitang Hebreo na sa·dhehʹ, na pinakamalimit isalin bilang “bukid” o “parang,” ay maaaring tumukoy sa isang dako para sa pangangaso, sa isang lupain na ginagamit bilang pastulan o sakahan, sa isang di-nalinang na kakahuyan, sa isang taluktok ng bundok, o maging sa isang rehiyon na pinaninirahan ng isang grupo ng mga tao, halimbawa, ang “bukid ng Moab”; ginagamit din ang terminong ito bilang kabaligtaran ng “lunsod.” (Gen 27:5; 31:4; 37:5-7; Huk 9:32, 36; 1Sa 14:25; Bil 21:20; Deu 28:3) Ang terminong Griego na a·grosʹ naman ay tumutukoy sa isang sinasakang “bukid” (Mat 13:24), sa “lalawigan” bilang kabaligtaran ng lunsod (Mar 16:12), at, kapag nasa anyong pangmaramihan, sa “karatig na lupain” (Mar 5:14).
Bukod dito, ang magkakasamang lupain ng ilang indibiduwal na may-ari ay maaaring malasin sa kabuuan bilang “bukid,” gaya ng makikita sa ulat ng Ruth. Nang pumaroon si Ruth sa “bukid,” sa di-sinasadya ay “napadako siya sa bahagi ng bukid na pag-aari ni Boaz,” anupat ipinahihiwatig nito na isang seksiyon lamang ng lugar na iyon ang pag-aari ni Boaz. (Ru 2:2, 3) Bagaman lumilitaw na binabakuran noon ang mga ubasan at mga hardin, mahihiwatigang hindi ito ginagawa sa mga bukid. (Bil 22:24; Sol 4:12) Iniutos ng Kautusan na hindi dapat iurong ninuman ang mga muhon ng kaniyang kapuwa, anupat ipinahihiwatig na madali lamang itong gawin noon. (Deu 19:14) Ayon sa Kautusan, ang mga pamayanang walang pader ay ibibilang na bahagi ng parang ng lupain.—Lev 25:31.
Madaling kumakalat ang apoy mula sa isang bukid patungo sa katabing bukid, at kailangang ingatan ang mga alagang hayop upang hindi gumala ang mga ito sa bukid ng ibang tao. (Exo 22:5, 6) Sa Isaias 28:25, sinasabing ang espelta ay inihahasik bilang hangganan. Marahil, sa pamamagitan ng pagtatanim ng mababang uring ito ng trigo sa palibot ng mga gilid ng kanilang mga bukid, sa paanuman ay naipagsasanggalang ng mga magsasaka ang kanilang mas mahahalagang pananim, gaya ng trigo at sebada, mula sa mga baka na maaaring pumasok sa mga gilid ng bukid.
Malamang na posibleng bumagtas noon sa gitna ng bukid sa pamamagitan ng makikitid na daanan, at maaari ring nagsilbing hangganan ang mga ito sa pagitan ng mga bukid, sapagkat napakalayong mangyari na si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay lumakad sa mismong bukid ng mga butil, anupat niyurakan ang mga butil habang sila ay dumaraan. Kung ganito ang ginawa nila, walang alinlangang nagbangon din sana ng isyu ang mga Pariseo tungkol sa bagay na ito. (Luc 6:1-5) Sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa manghahasik, maaaring gayong mga daanan ang tinutukoy niya nang banggitin niya na may mga binhi na nahulog sa tabi ng daan.—Mat 13:4.