GAZA
1. Isang sinaunang lunsod na nakatala sa kauna-unahang paglalarawan sa hangganan ng Canaan. (Gen 10:19) Bukod pa sa mga 20 pagtukoy ng Kasulatan sa Gaza, ang lunsod ay binabanggit sa sinaunang mga rekord ng Ehipto at sa mga inskripsiyon nina Ramses II, Thutmose III, at Seti I. Lumilitaw na ang Gaza ang pinakatimog-kanlurang lunsod na nakaatas sa tribo ni Juda. (Jos 15:20, 47; Huk 6:3, 4) Ang mga tumatahan doon ay tinawag na mga Gazita.—Jos 13:3; Huk 16:2.
Iniuugnay ng ilan ang Gaza sa Tell el-ʽAjul (Tel Bet ʽEglayim), ngunit hindi pa ito napagtibay ng arkeolohikal na mga paghuhukay roon. Karaniwan na, ang sinaunang lunsod ay iniuugnay sa makabagong Gaza (Ghazzeh; ʽAzza), na mga 80 km (50 mi) sa KTK ng Jerusalem. Bagaman inihihiwalay sa Dagat Mediteraneo ng mga 5 km (3 mi) ng mabababang burol ng buhangin, ang Gaza ay nasa isang pook na natutubigang mainam na kilalá dahil sa mga taniman ng olibo, mga namumungang punungkahoy at mga puno ng sikomoro, mga puno ng ubas, at mga butil. Malamang na nakatulong ang agrikultura sa kasaganaan ng sinaunang Gaza. Ngunit ang kahalagahan nito ay pangunahin nang dahil sa lokasyon nito sa pangunahing lansangan na nag-uugnay sa Ehipto at Palestina. Dahil dito, ang Gaza ay naging isang “pintuang-daan” kapuwa para sa mga pulutong na naglalakbay at sa militar.
Pinanahanan ng mga Filisteo. Ilang panahon bago ang Pag-alis ng Israel mula sa Ehipto noong 1513 B.C.E., itinaboy ng Hamitikong mga Captorim (Gen 10:6, 13, 14) ang “mga Avim, na tumatahan sa mga pamayanan hanggang sa Gaza.” (Deu 2:23) Nang pumasok ang mga Israelita sa Lupang Pangako, ang Gaza mismo ay isang Filisteong lunsod at kabilang sa mga tumatahan dito ang ilan sa mga Anakim. Bagaman ang mga pakikipagdigma ng Israel sa ilalim ni Josue ay umabot hanggang sa Gaza, lumilitaw na ang lunsod ay hindi nakuha. Nanatili itong isang Filisteong lunsod, at ang ilan sa mga Anakim ay patuloy na nanirahan doon. (Jos 10:41; 11:22; 13:2, 3) Palibhasa’y iniatas sa Juda, pagkatapos nito ay nilupig ng tribong ito ang Gaza, ngunit hindi napanatili ng mga Judeano ang kanilang kontrol sa lunsod. (Jos 15:20, 47; Huk 1:18) Noong mga araw ni Samson, ang Gaza ay muling naging isang nakukutaang lunsod ng mga Filisteo, na may “bahay” na ginagamit para sa pagsamba kay Dagon na makapaglalaman ng mga 3,000 katao, o baka higit pa, sa bubong nito.
Habang si Samson ay nasa Gaza noong isang pagkakataon, “bumangon siya nang maghatinggabi at sinunggaban ang mga pinto ng pintuang-daan ng lunsod at ang dalawang posteng panggilid at binunot niya ang mga iyon kasama ang halang at ipinasan niya sa kaniyang mga balikat at dinala niya ang mga iyon hanggang sa taluktok ng bundok na nasa tapat ng [na nakaharap sa] Hebron.” (Huk 16:1-3) Ang Hebron ay may layong mga 60 km (37 mi) mula sa Gaza. Hindi tiyak kung saan ang eksaktong lokasyon ng bundok na nakaharap sa Hebron. Ang pagdadala ni Samson sa mga pintuang-daan at mga posteng panggilid, at paakyat pa sa isang bundok, ay malinaw na isang pagpapamalas ng makahimalang kapangyarihan na naging posible lamang sa pamamagitan ng espiritu ni Jehova.
Nang maglaon, pinabagsak ni Samson ang nabanggit na bahay na ginagamit para sa pagsamba kay Dagon, anupat naging dahilan ito ng sarili niyang kamatayan at niyaong sa mga Filisteo na nagtipon doon.—Huk 16:21-30.
Lumilitaw na ang Gaza ay nanatiling isang Filisteong lunsod sa buong kapanahunan ng mga Hukom (1Sa 6:17) at noong panahon ng pamamahala ng mga hari ng Israel. Nagpuno si Haring Solomon hanggang sa Gaza sa TK, ngunit maliwanag na naroroon pa rin ang mga Filisteo.—1Ha 4:21, 24.
Sa Ilalim ng Pamamahala ng Asirya at Babilonya. Sa pagtatapos ng ikasiyam na siglo B.C.E., sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Amos, sinabi ni Jehova na magsusugo siya ng “apoy” sa mga pader ng Gaza, bilang kagantihan dahil sa pagkuha nito ng mga tapon upang ibigay sa mga Edomita. (Am 1:6, 7) Bagaman ang “mga tapon” ay hindi espesipikong tinutukoy na mga Hebreo, malamang na ang ipinahihiwatig ay ang mga bihag na kinuha ng mga Filisteo sa mga paglusob nila sa Juda.—Ihambing ang 2Cr 21:16, 17; Joe 3:4-6.
Di-nagtagal pagkatapos nito, noong mga kalagitnaan ng ikawalong siglo B.C.E., nagsimulang maranasan ng Gaza ang “apoy” ng digmaan. Ayon sa mga ulat ng kasaysayan ng Asirya, nilupig ni Tiglat-pileser III ang Gaza, ngunit ang hari nito, si Hanno, ay tumakas patungong Ehipto. (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. Pritchard, 1974, p. 283) Lumilitaw na di-nagtagal ay nakabalik si Hanno sa Gaza, sapagkat inaangkin ni Sargon II na natalo niya ito at ang hukbong Ehipsiyo sa ilalim ni Sibʼe na kaalyado nito. Inaangkin ni Sargon II na siya mismo ang bumihag kay Hanno at nagdala rito na may mga pangaw.—Ancient Near Eastern Texts, p. 285.
Mula noong panahong iyon, lumilitaw na sa kalakhang bahagi ay naging matapat ang Gaza sa Asirya. Samakatuwid, maaaring ang pananakit ni Haring Hezekias sa mga Filisteo hanggang sa Gaza ay isang bahagi ng kaniyang paghihimagsik laban sa Asirya. (2Ha 18:1, 7, 8) Pagkatapos ng paghihimagsik na ito, inilunsad ni Haring Senakerib ang kaniyang kampanya laban sa Juda at, ayon sa kaniyang mga ulat ng kasaysayan, ibinigay niya ang nabihag na mga Judeanong bayan kina Mitinti na hari ng Asdod, Padi na hari ng Ekron (na nabilanggo sa Jerusalem), at Sillibel na hari ng Gaza.—Ancient Near Eastern Texts, p. 287, 288.
Noong panahon ni Jeremias, pinabagsak ng hukbo ng Ehipto ang Gaza. (Jer 47:1) Bago maganap ang pangyayaring ito, tinukoy ng pananalita ni Jehova laban sa mga Filisteo na may kapahamakan mula sa H na naghihintay sa kanila: “Ang pagkakalbo ay darating sa Gaza.” (Jer 47:2-5; tingnan din ang Jer 25:17, 20.) Gaya ng iminumungkahi ng iba pang mga talata sa Jeremias (1:14; 46:20), ang “tubig” mula sa “hilaga” na binanggit sa Jeremias 47:2 ay maliwanag na tumutukoy sa mga hukbong Babilonyo. Sa katunayan, talaga namang nahawakan ni Haring Nabucodonosor ang kontrol sa lugar na ito (2Ha 24:1, 7), at ang hari ng Gaza ay binabanggit sa mga inskripsiyong Babilonyo. (Ancient Near Eastern Texts, p. 308) Dahil dito, ang mga salitang “bago pabagsakin ni Paraon ang Gaza” (Jer 47:1) ay lumilitaw lamang upang matukoy ang panahon nang dumating kay Jeremias ang pananalita ni Jehova may kinalaman sa mga Filisteo. Hindi tiyak kung ang mga ito man ay tuwirang kaugnay ng dumarating na kapahayagan ng kahatulan “mula sa hilaga” na tinalakay pagkatapos nito.
Winasak. Inihayag ng propetang si Zefanias, isang kapanahon ni Jeremias, ang isang katulad na kahatulan mula kay Jehova para sa Gaza: “Siya ay magiging lunsod na pinabayaan.” (Zef 2:4) At ang hula ni Zacarias, na itinala pagkatapos na bumagsak ang Babilonya, ay tumukoy sa mga kapahamakan sa hinaharap: “Makadarama rin [ang Gaza] ng napakatitinding kirot.” (Zac 9:5) Pinagtitibay ng kasaysayan ang katuparan ng inihulang mga kapahamakan. Sa huling kalahatian ng ikaapat na siglo B.C.E., ang Gaza ay kinuha ni Alejandrong Dakila, pagkatapos ng limang-buwang pagkubkob (dalawang buwan, ayon sa Jewish Antiquities, XI, 325 [viii, 4]). Marami sa mga tumatahan dito ang pinatay at ang mga nakaligtas ay ipinagbili sa pagkaalipin. Pagkaraan ng mahigit sa 200 taon, ang lunsod ay lubusang winasak ng Judiong si Alexander Jannaeus, pagkatapos ng isang-taóng pagkubkob.—Jewish Antiquities, XIII, 364 (xiii, 3).
Bagaman ipinag-utos ng Romanong gobernador ng Sirya, si Gabinius, ang muling pagtatayo ng Gaza, malamang na isinagawa ito sa isang bagong lugar. (Jewish Antiquities, XIV, 87, 88 [v, 3]) Ipinapalagay ng ilang iskolar na sa Gawa 8:26, ang salitang Griego na eʹre·mos (tiwangwang [na dako]) ay tumutukoy sa dati at pinabayaang Gaza (bilang halimbawa, ang AT ay kababasahan: “Wala nang nakatira ngayon sa bayan”). Ipinapalagay naman ng iba na ang eʹre·mos ay tumutukoy sa daang patungo sa lunsod, kaya naman isinaling “ito ay isang daan sa disyerto.”—NW; ihambing ang JB, NE, RS.
2. Isang lunsod na may mga sakop na bayan na nasa teritoryo ng Efraim. (1Cr 7:28) Hindi alam kung saan ang eksaktong lokasyon nito. Ang Gaza ay maaaring isang lugar sa kapaligiran ng sinaunang Ai, kung hindi man ang mismong lunsod na iyon. Ang pagkakasalin na “Ayyah” na masusumpungan sa maraming salin ng Bibliya ay sinusuhayan ng maraming manuskritong Hebreo. Gayunman, may katibayan ding pabor sa “Gaza” sa iba pang mga manuskritong Hebreo, gayundin sa mga Targum.