GEHAZI
Isang tagapaglingkod ni Eliseo na propeta.
Nang pinag-iisipan ni Eliseo kung ano ang maaaring gawin para sa isang mapagpatuloy na babaing Sunamita, si Gehazi ang nagtawag-pansin sa kaniyang panginoon na wala itong anak at matanda na ang asawa nito. Kaya sinabi ni Eliseo sa babae na gagantimpalaan ito ng isang anak na lalaki. Pagkaraan ng ilang taon, ang batang ibinigay sa makahimalang paraan ay nagkasakit at namatay. Sa gayon ay pumaroon ang Sunamita sa Bundok Carmel upang makita si Eliseo at hinawakan niya ang mga paa nito. Nang makita ito, tinangka ni Gehazi na itaboy ang babae ngunit sinabihan siyang pabayaan ito. Pagkatapos magsalita ng babae, kaagad na inutusan ni Eliseo si Gehazi na maunang magtungo sa bata, habang kasunod naman si Eliseo at ang babae. Samantalang patungo pa sila roon ay sinalubong sila ni Gehazi at ibinalita na kahit inilagay niya ang baston ni Eliseo sa ibabaw ng mukha ng bata, “ang bata ay hindi gumising.” Ngunit di-kalaunan pagkarating doon ni Eliseo, binuhay niyang muli ang anak ng Sunamita.—2Ha 4:12-37.
Nang maglaon, dahil may darating na pitong-taóng taggutom, iminungkahi ni Eliseo na ang Sunamita at ang sambahayan nito ay manirahan bilang dayuhan saanman posible. Pagkaraan ng taggutom, bumalik ang babae sa Israel mula sa Filistia at nilapitan ang hari taglay ang pakiusap na maibalik sa kaniya ang kaniyang bahay at bukid. Nagkataon naman na noong panahong iyon ay isinasaysay ni Gehazi sa hari kung paanong binuhay-muli ni Eliseo ang anak ng babaing iyon. Nang marinig ang sariling ulat ng Sunamita tungkol dito, ipinag-utos ng hari na ibalik sa babae ang lahat ng pag-aari nito, kasama na ang lahat ng inani sa bukid nito noong wala ito roon.—2Ha 8:1-6.
Ang kasakiman sa makasariling pakinabang ang nagpahamak kay Gehazi. Ito ay may kaugnayan sa pagpapagaling kay Naaman na Siryano. Bagaman tumanggi si Eliseo na tanggapin ang isang kaloob mula kay Naaman dahil sa pagpapagaling sa ketong nito (2Ha 5:14-16), inimbot ni Gehazi ang isang kaloob at nangatuwiran na nararapat lamang na tanggapin ito. Kaya hinabol niya si Naaman at, sa pangalan ni Eliseo, humingi siya ng isang talento na pilak (nagkakahalaga ng $6,606) at dalawang pamalit na kasuutan, na diumano’y para sa dalawang kabataang lalaki mula sa mga anak ng mga propeta na kararating lamang mula sa bulubunduking pook ng Efraim. Malugod siyang binigyan ni Naaman ng hindi lamang isa kundi dalawang talento na pilak, at gayundin ng dalawang pamalit na kasuutan, at inutusan ang dalawa sa kaniyang mga tagapaglingkod na dalhin ang kaloob para kay Gehazi. Sa Opel, kinuha ni Gehazi ang kaloob mula sa mga kamay ng mga tagapaglingkod, pinaalis sila, inilagay ang kaloob sa kaniyang bahay, at pagkatapos ay humarap na walang dala kay Eliseo, anupat ikinaila pa nga na umalis siya nang siya’y tanungin: “Saan ka nanggaling, Gehazi?” Bilang resulta, nagkaketong si Gehazi. Kaya dahil sa kaniyang kasakiman, at pagiging mapanlinlang din, naiwala ni Gehazi ang kaniyang pribilehiyo bilang tagapaglingkod ni Eliseo, bukod pa sa nagdulot siya ng ketong sa kaniyang sarili at sa kaniyang supling.—2Ha 5:20-27.