HOBAB
[posible, Minamahal].
Bayaw ni Moises; anak ni Reuel (Jetro) at isang Midianita, mula sa tribo ng mga Kenita. (Bil 10:29; Exo 3:1; Huk 1:16) Nang dumating na ang panahon para lumipat ang mga Israelita mula sa rehiyon ng Bundok Sinai patungo sa Lupang Pangako, hiniling ni Moises na samahan sila ni Hobab upang magsilbing “mga mata,” o bilang isang giya, para sa bansa dahil pamilyar ito sa lugar na iyon. Bagaman tumanggi si Hobab noong una, lumilitaw na sinamahan din niya ang mga Israelita, sapagkat ang kaniyang mga inapo, ang mga Kenita, ay nanahanan sa Ilang ng Juda na nasa T ng Arad at binanggit na naninirahan pa rin sa lugar na iyon noong panahon nina Saul at David.—Bil 10:29-32; Huk 1:16; 1Sa 15:6; 27:10; 30:26, 29.
Gayunman, sa tekstong Masoretiko ng Hukom 4:11, ipinakikilala si Hobab bilang biyenan ni Moises. (NW, Yg, Ro, Da, JP, Mo, AT) Kaya ang pangalang Hobab ay maaaring tumutukoy sa dalawang magkaibang indibiduwal, samakatuwid nga, sa biyenan ni Moises at sa kaniyang bayaw. Hindi naman ito imposible sapagkat ang biyenan ni Moises ay may higit sa isang pangalan.—Ihambing ang Exo 2:16-22; 3:1.
Sa kabilang dako naman, kung ang Hobab ay pangalan lamang ng anak ni Reuel at sa gayon ay pangalan lamang ng bayaw ni Moises, ang pagtukoy kay Hobab bilang ang biyenan ni Moises ay malamang na nangangahulugan na si Hobab ay itinuturing na kinatawan ng kaniyang amang si Reuel, na kung magkagayon ay malamang na patay na noon.—Tingnan ang JETRO; KENITA.