TUHOD, PAGLUHOD
Ang kasukasuang ito sa binti ay mahalaga bilang suporta ng katawan. Kaya naman, ang nangangatog o nanghihinang mga tuhod ay lumalarawan sa panghihina; at ang nag-uumpugang mga tuhod naman, sa takot.—Job 4:4; Aw 109:24; Isa 35:3; Dan 5:6; Heb 12:12.
Lahat maliban sa 300 sa 10,000 tauhan ni Gideon ay nagluhod ng kanilang mga tuhod upang uminom, anupat lumilitaw na isinubsob nila sa tubig ang kanilang mga mukha. Sa ganitong posisyon ay hindi sila maaaring maging alisto o nakahanda sakaling biglaan silang salakayin. Mas ikinabahala pa nila ang pagpawi sa kanilang uhaw kaysa sa usaping kinakaharap nila. Sa kabilang dako naman, ang 300 ay nanatiling nakatayo, sumasalok ng tubig at hinihimod ito mula sa kanilang mga kamay, anupat naging alisto, mapagbantay, handa. Sa gayon ay pinaalis ang 9,700 na mga pabaya.—Huk 7:3, 5-8.
Sa makasagisag na paraan, ang isang bata na sinasabing ‘ipinanganak sa mga tuhod’ ng isang tao bukod sa ina nito, at sa gayon ay nagtatamasa ng pabor at pangangalaga ng isang iyon, ay kinikilala bilang anak, o inapo, ng taong iyon, kung paanong ang anak ni Bilha ay itinuring na anak ni Raquel.—Gen 30:3-6; ihambing ang Gen 50:23.
Nangako si Jehova sa kaniyang bayan ng pagsasauli at inihalintulad niya sila sa mga anak ng Sion, o Jerusalem, na ‘hahaplusin sa ibabaw ng mga tuhod,’ samakatuwid nga, aalagaang mabuti at ibabalik sa isang sinang-ayunang kalagayan.—Isa 66:12, 13.
Pagluhod. Posibleng iisa ang salitang-ugat ng salitang Hebreo para sa “lumuhod” (ba·rakhʹ) at niyaong para sa “pagpapala,” anupat maaaring nagpapahiwatig na kung minsan ay ipinagkakaloob sa mga tao ang mga pagpapala habang nakaluhod sila.
Habang namamanhik. Maaaring lumuhod ang isang tao bilang pagpapakita ng paggalang o pamamanhik, gaya noong lumuhod sa harap ni Elias ang isang “pinuno ng lima-limampu” na kumakatawan kay Haring Ahazias upang makiusap na siya at yaong mga lalaking kasama niya ay huwag patayin. (2Ha 1:13, 14) Nakaluhod noon ang isang ketongin nang mamanhik ito kay Jesus na gawin siyang malinis.—Mar 1:40-42; gayundin ang 10:17-22.
Kapag nananalangin. Kadalasan ay lumuluhod ang mga tunay na mananamba kapag nananalangin sila sa Diyos, yamang angkop na ipinakikita ng ganitong posisyon ang kanilang pagpapakumbaba. (Ezr 9:5; Gaw 9:36, 40; 21:3-6) Lumuhod si Solomon sa harap ng kongregasyon ng Israel nang manalangin siya noong ialay ang templo. (2Cr 6:13) Sa kabila ng isang maharlikang batas na nag-uutos na sa loob ng 30 araw ay kay Haring Dario lamang dapat magsumamo, lumuhod si Daniel nang tatlong ulit sa isang araw upang manalangin kay Jehova, anupat ginawa niya iyon habang ang mga bintana ng kaniyang silid-bubungan ay nakabukas sa dakong Jerusalem. (Dan 6:6-11) Si Jesu-Kristo mismo ay nagpakita ng halimbawa ng pagluhod kapag nananalangin kay Jehova. Sa hardin ng Getsemani, noong gabing ipagkanulo siya, ‘iniluhod ni Jesus ang kaniyang mga tuhod at nagsimula siyang manalangin.’—Luc 22:41.
Ang mga nagsasagawa ng huwad na relihiyon ay lumuluhod sa harap ng mga idolo ng kanilang mga diyos. Ngunit noong mga araw ni Elias, mayroon pa ring 7,000 tapat na mga tao sa Israel, “ang lahat ng tuhod na hindi lumuhod kay Baal.”—1Ha 19:18; Ro 11:4.
Bilang pangangayupapa o pagkilala sa mataas na katayuan. Ang pagluhod ay maaaring mangahulugan ng pangangayupapa o pagkilala sa katayuan ng isa na nakatataas. Gayunman, ang pagluhod ng mga kawal sa harap ni Jesus at pangangayupapa nila sa kaniya ay bilang panlilibak.—Mat 27:27-31; Mar 15:16-20.
Pinagkalooban ni Jehova ang tapat at binuhay-muling si Jesu-Kristo ng isang nakatataas na posisyon at ng isang pangalan na nakahihigit sa lahat ng iba pang pangalan, “upang sa pangalan ni Jesus ay lumuhod ang bawat tuhod niyaong mga nasa langit at niyaong mga nasa lupa at niyaong mga nasa ilalim ng lupa.” Ang lahat ng magkakamit ng buhay ay dapat magluhod ng kanilang mga tuhod bilang pagsamba kay Jehova sa pangalan ni Jesu-Kristo at kumilala sa kaniya bilang Panginoon sa ikaluluwalhati ng Diyos. Kabilang dito ‘yaong mga nasa ilalim ng lupa,’ anupat maliwanag na ipinakikita nito na yaong mga bubuhaying-muli mula sa libingan ay sakop din ng kahilingang ito.—Fil 2:9-11; Ju 5:28, 29; Efe 1:9, 10.
Pangunahin na, kahilingan sa mga nagnanais magkamit ng pabor ng Diyos ang pagkilala sa pagiging kataas-taasan at soberanya ni Jehova. Inihayag ni Jehova: “Sa pamamagitan ng aking sarili ay sumumpa ako . . . na sa akin ay luluhod ang bawat tuhod.” (Isa 45:23; Ro 14:10-12) Dahil dito, angkop nga na marubdob na hinimok ng salmista ang kaniyang mga kapuwa Israelita: “O pumarito kayo, sumamba tayo at yumukod; lumuhod tayo sa harap ni Jehova na ating Maylikha.”—Aw 95:6; tingnan ang POSISYON AT KILOS NG KATAWAN.