HUKBO, II
[sa Ingles, legion].
Ang pangalang itinawag sa kaniyang sarili ng isa sa dalawang lalaking inaalihan ng demonyo na nakasalubong ni Kristo Jesus sa rehiyon sa S ng Dagat ng Galilea. Ngunit maliwanag na hindi Hukbo ang kaniyang tunay na pangalan, sapagkat tumutukoy ito sa pag-ali sa kaniya ng maraming demonyo. Posibleng ang pinuno ng mga demonyong iyon ang nag-udyok sa taong iyon na sabihing ang pangalan niya ay Hukbo. Ipinahihiwatig ng bilang ng mga kawal sa isang hukbong Romano noong unang siglo C.E., kadalasa’y 6,000, kung gaano karaming demonyo ang nasasangkot. Talagang napakabangis ng lalaking inaalihan ng demonyo at ng kaniyang kasamahan kung kaya walang sinumang mangahas na dumaan sa lugar na tinitirahan nila sa gitna ng mga libingan. Sa impluwensiya ng mga demonyo, ang lalaki na nagsabing Hukbo ang kaniyang pangalan ay naglalakad nang hubad, at araw at gabi ay sumisigaw siya nang malakas at hinihiwa ang kaniyang sarili ng mga bato. Lahat ng pagsisikap na igapos siya, maging ng mga pangaw at mga tanikala, ay nabigo. Gayunman, pinalaya ni Kristo Jesus ang taong ito at ang kasamahan nito mula sa kapangyarihan ng mga demonyo. Pumasok ang pinalayas na mga demonyo sa isang kawan ng mga baboy, na dumagsa sa isang bangin at namatay sa Dagat ng Galilea.—Mat 8:28-34; Mar 5:1-20; Luc 8:26-39; tingnan ang BABOY; GADARENO, MGA.
Para sa detalye tungkol sa mga hukbong Romano, tingnan ang HUKBO, I (Romano).