UOD
[sa Heb., rim·mah,ʹ toh·le·ʽahʹ o toh·laʹʽath; sa Gr., skoʹlex].
Ang yugto ng pagiging larva ng isang insekto pagkalabas nito sa itlog. Kung minsan ay partikular itong tumutukoy sa mga larva ng langaw na matatagpuan sa nabubulok na halaman o hayop at sa mga himaymay ng buháy na katawan. Ang buháy o nabubulok na mga bagay ay naglalaan ng init para mapisa ang mga itlog at ng pagkain para sa mga uod. Kung minsan naman ay tumutukoy ito sa mga uod na kumakain ng halaman.—Deu 28:39; Jon 4:7.
Ang mga uod ay may katawang walang paa, pahaba, at baha-bahagi anupat tila walang ulo. Gayunman, may kaugnayan sa ulo nito, ang The Smithsonian Series (Tomo 5, p. 343) ay nagsasabi: “Ang papakitid na dulo ng katawan ang siyang kinaroroonan ng ulo, ngunit ang tunay na ulo ng uod ay lubusang nakapasok sa katawan. Mula sa butas na kinapapalooban ng ulo, na nagsisilbing bibig ng uod, may dalawang tulad-kukong pangawit na nakausli, at ang mga pangawit na ito ang nagsisilbing mga panga at mga pangkapit ng uod.”
Ipinahihiwatig ng Kasulatan na ang ibang uri ng uod ay kumakain ng patay na organikong materya. (Job 7:5; 17:14; 21:26; 24:20; Isa 14:11) Ang makahimalang manna, kapag itinabi ng mga Israelita hanggang sa kinaumagahan ng sumunod na araw, ay bumabaho at nagkakaroon ng mga uod, maliban sa manna na tinipon sa ikaanim na araw at itinabi para sa Sabbath. (Exo 16:20, 24) Nang banggitin ni Jesus ang “uod” may kaugnayan sa Gehenna, maliwanag na tinutukoy niya ang tambakan sa labas ng lunsod ng Jerusalem kung saan tinutupok ng apoy ang basura at kung saan kinakain ng mga uod ang nabubulok na mga bagay na malapit sa apoy, ngunit wala sa mismong apoy.—Mar 9:48; ihambing ang Isa 66:24; tingnan ang GEHENNA.
Ang terminong “uod” ay ginamit din sa makasagisag na paraan. Bilang paghamak, tinukoy ni Bildad ang tao bilang uod at bulati (Job 25:6), at ang Mesiyas ay inihulang ituturing na isang kadustaan at kasuklam-suklam, gaya ng uod. (Aw 22:6) Tinukoy ng Diyos na Jehova ang Israel bilang isang uod, isang hamak at walang kalaban-labang nilalang na kayang tapak-tapakan ng sinumang dumaraan. Ngunit tiniyak ni Jehova sa mga Israelita na tutulungan niya sila at pinatibay niya sila na huwag matakot.—Isa 41:14.