MAGOG
1. Isang anak ni Japet at apo ni Noe. Ang pangalan niya ay lumilitaw na kabilang sa mga ulo ng pamilya na mula sa kanila ay nangalat sa lupa ang unang mga liping pambansa pagkaraan ng Baha.—Gen 10:1, 2, 5; 1Cr 1:5.
2. Isang pangalan na lumilitaw sa hula ni Ezekiel may kinalaman sa tulad-bagyong pagsalakay ni “Gog ng lupain ng Magog” laban sa muling-tinipong bayan ni Jehova. Lumilitaw na ginamit ito ng propeta upang tumukoy sa isang lupain o rehiyon sa “pinakamalalayong bahagi sa hilaga,” na dito magmumula ang hukbo ni Gog, anupat ang kaniyang mga hukbong mandarambong ay inilarawan bilang “nakasakay sa mga kabayo, isang malaking kongregasyon, isa ngang malaking hukbong militar” na gumagamit ng tabak at busog.—Eze 38:2-4, 8, 9, 13-16; 39:1-3, 6.
Mula pa noong panahon ng Judiong istoryador na si Josephus, iminumungkahi na “ang lupain ng Magog” ay kaugnay ng mga tribong Scita na nasa HS Europa at Gitnang Asia. (Jewish Antiquities, I, 123 [vi, 1]) Ang mga Scita ay inilalarawan ng mga klasikal na manunulat noong mga panahong Griego at Romano bilang mga barbarong taga-hilaga, ganid at paladigma, nasasangkapan ng malalaking hukbo ng mangangabayo, lubusang nasasandatahan, at dalubhasa sa paggamit ng busog. Bagaman noong una ay maaaring hinalaw ang pangalang Scita kay “Askenaz,” isa pang inapo ni Japet (Gen 10:2, 3), binabanggit ng 1959 na edisyon ng Encyclopædia Britannica (Tomo 20, p. 235) na “sa lahat ng klasikal na panitikan, ang Scitia ay karaniwang tumutukoy sa lahat ng rehiyon sa dakong hilaga at hilagang-silangan ng dagat na Itim, at ang Scita (Skuthes) naman ay tumutukoy sa sinumang barbaro na nanggaling sa mga bahaging iyon.” Ipinakikita rin ng iba pang mga reperensiyang akda na ang terminong “Scita” ay ibinabagay sa paggamit upang sumaklaw sa lahat ng mga tribong pagala-gala sa H ng Caucasus (ang rehiyon sa pagitan ng Dagat na Itim at ng Dagat Caspian), anupat katulad ito ng makabagong paggamit sa terminong “Tartar.” Kaya ang The New Schaff-Herzog Encyclopedia of Religious Knowledge ay nagkokomento: “Sa sinaunang mga tao, ang pangalang ‘mga Scita’ ay isang malawak na katawagan, at gayundin ang Hebreong ‘Magog.’”—Inedit ni S. Jackson, 1956, Tomo V, p. 14.
Makalarawang Paggamit. Dahil iniwang malabo sa atin ng Bibliya (gayundin ng sekular na kasaysayan) ang tiyak na lokasyon ng “lupain ng Magog,” pati na ang pagtukoy ng propeta sa “huling bahagi ng mga taon” (Eze 38:8), at dahil walang nalalamang gayong pagsalakay na naganap nang literal sa Israel, maaaring malasin na ang hula may kinalaman kay Magog ay may kaugnayan sa isang panahon sa hinaharap sa ‘panahon ng kawakasan’ sa Bibliya. Dahil dito, ang nakikita roon ng maraming komentarista ay isang hula ng pangwakas na pagsalakay ng mga kapangyarihang pandaigdig sa Kaharian ng Diyos, at nakikita nila na ang lupain ng Magog ay kumakatawan sa “sanlibutan na napopoot sa bayan at sa kaharian ng Diyos.”—Funk and Wagnalls New Standard Bible Dictionary, 1936, p. 307.
Sa gayon, maliwanag na ang lupain ng Magog ay may makasagisag na kahulugan. Yamang ang terminong “Scita,” na kadalasang iniuugnay sa Magog, ay ginamit na singkahulugan ng bagay na malupit, ganid, at paladigma, lohikal lang na nagpapahiwatig ito ng pagiging laban sa bayan ng Diyos. Magiging ganiyan ang mga bansa ng sanlibutan kapag sinimulan na nila ang huling pag-atake sa tunay na pagsamba sa Diyos sa lupa dahil sa panunulsol ng pangunahing mananalansang ng Diyos, si Satanas na Diyablo.—Tingnan ang GOG Blg. 2.
3. Isang terminong ginamit sa Apocalipsis 20:8 may kaugnayan sa mga pangyayaring magaganap sa pagtatapos ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesu-Kristo at kasunod ng pagpapakawala kay Satanas mula sa kalaliman. Sa halip na tumukoy sa isang partikular na lupain o lokasyon, ang “Gog at Magog” dito ay ginamit upang ilarawan yaong mga nasa lupa na nagpapadala sa impluwensiya ng pinakawalang Kalaban at naghihimagsik laban sa pamamahala ng Diyos na ipinahahayag sa pamamagitan ng ‘mga banal at ng lunsod na minamahal.’—Apo 20:3, 7-10.