PISGA
Isang mataas na lugar sa hilagaang seksiyon ng kabundukan ng Abarim sa mismong S ng Dagat na Patay. Hindi alam kung saan ang eksaktong lokasyon nito. Ang mga pagbanggit ng Bibliya sa lugar na ito ay hindi salungat sa iminungkahing pagkakakilanlan nito bilang Ras es-Siyaghah, isang lungos na mga 16 na km (10 mi) sa S kung saan bumubuhos ang Jordan patungo sa Dagat na Patay. Ang Ras es-Siyaghah ay bahagyang nasa HK ng Jebel en-Neba, na karaniwang kilalá bilang Bundok Nebo (Har Nevo).
Ang pisikal na mga kaanyuan ng dalawang mataas na lugar na ito ay kasuwato ng maikling paglalarawan ng Bibliya. Ang Ras es-Siyaghah ay mas mababa nang mga 100 m (330 piye) kaysa sa Jebel en-Neba at ang mga ito ay pinaghihiwalay ng isang mababang dako, o tagaytay. Bagaman mababa nang kaunti kaysa sa kalapit na taluktok, ang Ras es-Siyaghah ay mas malapit sa Jerico. Mula rito’y kitang-kita ang tanawin ng Dagat na Patay na mga 1,000 m (3,300 piye) sa ibaba, at gayundin ang kahanga-hangang tanawin ng Libis ng Jordan, ng gitnang kabundukan kung saan naroroon ang Hebron, Betlehem at Jerusalem, at ng Bundok Hermon na mahigit sa 160 km (100 mi) sa dakong H.
Unang binanggit ang lugar na ito may kaugnayan sa mga dakong pinagkampuhan ng Israel noong humahayo sila patungo sa Lupang Pangako. (Bil 21:20) Ito’y nasa timugang bahagi ng teritoryong iyon na kinuha nang lupigin ang mga Amorita matapos tumanggi ang kanilang haring si Sihon na paraanin sa lupain ang mga Israelita. (Deu 4:46, 49; Jos 12:1-3) Nang maglaon, dinala ni Balak na hari ng Moab si Balaam “sa parang ng Zopim, sa taluktok ng Pisga,” sa isang nabigong pagsisikap na ipasumpa ang mga Israelita.—Bil 23:14.
Gayunman, higit na naaalaala ang Pisga may kaugnayan sa malawak na tanawin ng Lupang Pangako na nakita ni Moises nang malapit na siyang mamatay. (Deu 3:27; 34:1-3) Ang Pisga ay itinalaga bilang bahagi ng teritoryo ng tribo ni Ruben.—Deu 3:16, 17; Jos 13:15, 20.
Kapag lumilitaw ang pangalang Pisga sa Bibliya, lagi itong inilalarawan ng mga pananalitang “pinakaulo ng,” “taluktok ng,” o “mga dalisdis ng” Pisga. Dahil dito, malimit itong tukuyin bilang Bundok Pisga, bagaman hindi iyon ginagawa sa Kasulatan.