PANGMADLANG PAGBABASA
Malakas na pagbasa upang marinig ng isang grupo ng mga tao. Sa mga sinagogang Judio noon, may pangmadlang pagbabasa ng isang bahagi ng Kautusan tuwing Sabbath. Sa katulad na paraan, nagkaroon din ng pangmadlang pagbabasa ng kinasihang Kasulatan sa mga pulong ng kongregasyong Kristiyano.
Ang salitang Griego na a·na·gi·noʹsko, na may saligang kahulugan na “malaman nang lubos” (2Co 1:13), ay isinasalin bilang “bumasa” o “bumasa nang malakas” at ginagamit upang tumukoy kapuwa sa pribado at pangmadlang pagbabasa ng Kasulatan. (Mat 12:3; Luc 4:16; Gaw 8:28; 13:27) Ang anyong pangngalan na a·naʹgno·sis ay isinasalin bilang “pangmadlang pagbabasa.”—Gaw 13:15; 1Ti 4:13.
Ang pangmadlang pagbabasa ay isang mahalagang paraan na ginagamit noon ni Jehova upang turuan ang kaniyang katipang bayan may kinalaman sa kaniyang mga layunin at mga kahilingan. Unang binanggit ang gayong pagbabasa sa Exodo 24:7, na nagsasabing bumasa si Moises mula sa “aklat ng tipan” sa pandinig ng buong bayan. Sa gayon, ang mga Israelita ay may-katalinuhang nakapagpasiya na makipagkasundo kay Jehova anupat nangakong susundin nila ang Kautusan. Kakaunti lamang ang mga kopya ng Kasulatan noong mga araw ng sinaunang Israel; kaya naman inutusan ang mga saserdoteng Levita: “Babasahin [ninyo] ang kautusang ito sa harap ng buong Israel sa kanilang pandinig.” Inutusan sila ni Moises na basahin ang Kautusan sa buong bayan, bata at matanda, lalaki at babae, Israelita at naninirahang dayuhan, tuwing taon ng Sabbath kapag Kapistahan ng mga Kubol.—Deu 31:9-12.
Nang makapasok na ang Israel sa Lupang Pangako, binasa nang malakas ni Josue sa bayan ang “lahat ng mga salita ng kautusan, ang pagpapala at ang sumpa.” (Jos 8:33-35) Nagsugo si Haring Jehosapat ng mga prinsipe, mga Levita, at mga saserdote upang magturo sa mga lunsod ng Juda (2Cr 17:7-9), anupat walang alinlangang kasama sa pagtuturong iyon ang pangmadlang pagbabasa. Pagkaraan ng ilang siglo, binasa ni Josias sa pandinig ng buong bayan “ang aklat ng kautusan ni Jehova sa pamamagitan ng kamay ni Moises” na nasumpungan ni Hilkias na saserdote noong panahon ng gawaing pagkukumpuni sa templo; walang alinlangang iyon ang orihinal na aklat ng Kautusan na isinulat ni Moises. (2Ha 23:2; 2Cr 34:14) Nagbunga ito ng pambuong-bansang paglipol sa pagsamba sa demonyo. Pagkabalik mula sa pagkatapon, taglay ang suporta ni Gobernador Nehemias, binasa ni Ezra sa bayan ang Kautusan mula sa pagbubukang-liwayway hanggang tanghali. Kalakip sa pagbabasa ang pagpapaliwanag sa binasa o pagbibigay ng diwa nito.—Ne 8:3, 8; tingnan ang HEBREO, II (Kailan Nagsimulang Humina ang Wikang Hebreo?).
Sa mga Sinagoga. Naging kaugalian ni Jesus ang magsagawa ng pangmadlang pagbabasa sa sinagoga tuwing Sabbath; pagkatapos ay tinutulungan niya ang kaniyang mga tagapakinig sa pamamagitan ng pagpapaliwanag sa kaniyang binasa. (Luc 4:16) Ginagawa na ito noon sa loob ng maraming taon. “Sapagkat mula noong sinaunang mga panahon, si Moises ay mayroon sa lunsod at lunsod niyaong mga nangangaral tungkol sa kaniya, sapagkat binabasa siya nang malakas sa mga sinagoga sa bawat sabbath.” (Gaw 15:21) Kaugalian sa mga sinagoga ang gayong pagbabasa ng Kautusan at mga Propeta at, ayon sa mga impormasyong rabiniko, ganitong programa ang sinusunod: Una, binabasa ang Shema, na katumbas ng Judiong kapahayagan ng pananampalataya at hinango sa Deuteronomio 6:4-9; 11:13-21 at Bilang 15:37-41. Kasunod nito ang pagbasa sa isang bahagi ng Torah o Kautusan, ang Pentateuch, na karaniwan nang sinasaklaw sa loob ng isang taon. Bilang panghuli, binabasa ang ilang halaw sa mga Propeta o mga haftarah, kalakip ang angkop na pagpapaliwanag dito. Pagkatapos ng pangmadlang pagbabasa, isang diskurso o pagpapayo ang ibinibigay. Nang matapos na ang gayong pangmadlang pagbabasa sa isang sinagoga sa Antioquia sa Pisidia, inanyayahan si Pablo na magsalita at magbigay ng isang diskurso o pagpapayo at pagpapatibay-loob sa mga nagkakatipon doon.—Gaw 13:15.
Sa Kongregasyong Kristiyano. Noong unang siglo, iilan lamang ang may mga kopya ng maraming balumbon ng Bibliya, anupat kinailangan ang pangmadlang pagbabasa. Ipinag-utos ng apostol na si Pablo na basahin sa madla ang kaniyang mga liham sa panahon ng mga pulong ng mga kongregasyong Kristiyano at iniutos din niyang ipakipagpalit ang mga ito sa kaniyang mga liham sa ibang mga kongregasyon upang mabasa rin ang mga iyon. (Col 4:16; 1Te 5:27) Pinayuhan ni Pablo ang kabataang tagapangasiwang Kristiyano na si Timoteo na magsikap “sa pangmadlang pagbabasa, sa pagpapayo, sa pagtuturo.”—1Ti 4:13.
Ang pangmadlang pagbabasa ay dapat gawin nang may katatasan. (Hab 2:2) Yamang ang layunin ng pangmadlang pagbabasa ay ang magturo sa iba, dapat na lubusang nauunawaan ng pangmadlang tagabasa kung ano ang kaniyang binabasa at dapat na malinaw niyang naiintindihan ang intensiyon ng manunulat, anupat nag-iingat siya sa pagbasa upang maiwasan niyang magtawid ng maling ideya o impresyon sa mga tagapakinig. Ayon sa Apocalipsis 1:3, magiging maligaya yaong mga bumabasa nang malakas sa hulang iyon, gayundin yaong mga nakikinig sa mga salitang iyon at tumutupad sa mga iyon.