SUPOT NG SALAPI
[sa Ingles, purse].
Isang supot na ginagamit kapuwa ng mga lalaki at mga babae upang paglagyan ng ginto, pilak, tanso, barya, o iba pang mga bagay. Noon, kung minsan, ang mga babae ay may mga pampalamuting supot, o mga handbag, na posibleng pahaba at pabilog ang hugis. (Isa 3:16, 22; 46:6; Mat 10:9) Ang sinaunang mga supot ng salapi ay gawa sa katad, sa hinabing mga halamang hungko, o sa algudon. Yamang nasa anyong bag o supot, binibigkis ang mga ito at isinasakbat sa leeg sa pamamagitan ng mga strap na katad o iba pang panali.—Tingnan ang SUPOT.
Ginagamit din noon ang pamigkis na supot (sa literal, ‘pamigkis’; sa Gr., zoʹne; Mat 10:9; Mar 6:8), marahil ay isang uri ng sinturong sisidlan ng salapi. Maaaring may hungkag na espasyo ang pamigkis na ito kung saan mailalagay ang salapi, o kung gawa naman sa tela at isinusuot na may mga tupi, isinusuksok sa mga tupi nito ang salapi.
Noong isugo ni Jesus ang kaniyang 70 alagad upang mangaral, maliwanag na sa Judea, sinabihan niya sila na huwag magdala ng mga supot ng salapi para sa kanilang sarili, anupat ipinahihiwatig niya na paglalaanan sila ng Diyos na Jehova sa pamamagitan ng kanilang mga kapuwa Israelita, yamang kaugalian ng mga ito ang maging mapagpatuloy. (Luc 10:1, 4, 7) Gayunman, nang malapit na siyang mamatay, pinayuhan ni Jesus ang mga apostol na magdala ng mga supot ng salapi, dahil alam niyang di-magtatagal at ang kaniyang mga alagad ay mangangalat at pag-uusigin. Dahil sa pagsalansang ng mga may kapangyarihan, maaaring matakot na tumulong sa kanila maging ang mga taong pabor sa mensahe nila. Bukod diyan, noon ay malapit na rin nilang dalhin sa mga lupaing Gentil ang mensahe ng Kaharian. Dahil sa lahat ng ito, kakailanganin ng mga tagasunod ni Jesus na maging handang tustusan ang kanilang sarili sa materyal na paraan.—Luc 22:35, 36.
Upang patingkarin ang nakahihigit na halaga ng espirituwal na mga bagay, hinimok ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na gumawa para sa kanilang sarili ng mga supot na hindi nasisira, anupat nagtatamo ng kayamanan sa langit.—Luc 12:33.