QUIRINIO
Romanong gobernador ng Sirya noong panahon ng “pagpaparehistrong” ipinag-utos ni Cesar Augusto na naging dahilan ng pagkakapanganak kay Jesus sa Betlehem. (Luc 2:1, 2) Ang kaniyang buong pangalan ay Publio Sulpicio Quirinio.
Sa Chronographus Anni CCCLIIII, isang talaan ng mga Romanong konsul, ay lumilitaw ang pangalan ni Quirinio sa 12 B.C.E. kasama niyaong kay Messala. (Chronica Minora, inedit ni T. Mommsen, Munich, 1981, Tomo I, p. 56) Isinasalaysay sa maikli ng Romanong istoryador na si Tacitus ang kasaysayan ni Quirinio na sinasabi: “[Siya ay] nagmula sa munisipalidad ng Lanuvium—walang mga koneksiyon; ngunit bilang isang matapang na kawal at isang aktibong lingkod ay nawagi niya ang isang konsulada sa ilalim ng pamumuno ng ginawang-diyos na si Augusto, at hindi nagtagal, sa pamamagitan ng pagbihag sa mga moog ng mga Homonadensiano sa ibayo ng hanggahan ng Cilicia, natamo niya ang sagisag ng tagumpay . . . , tagapayo ni Gayo Cesar noong panahon ng pangunguna nito sa Armenia.” (The Annals, III, XLVIII) Namatay siya noong 21 C.E.
Hindi nabanggit ni Tacitus ang kaugnayan ni Quirinio sa Sirya. Inilalahad ng Judiong istoryador na si Josephus ang atas ni Quirinio sa Sirya bilang gobernador kaugnay ng kasabay na pagkakaatas kay Coponius bilang tagapamahalang Romano ng Judea. Ang sabi niya: “Si Quirinio, isang Romanong senador na dumaan sa lahat ng pagiging mahistrado hanggang sa pagiging isang konsul at isang lalaki na lubhang tanyag sa iba pang mga bagay, ay dumating sa Sirya, ipinadala ni Cesar upang maging gobernador ng bansa at upang gumawa ng pagtasa sa kanilang ari-arian. Si Coponius, isang lalaki na may ranggo ng kabalyero, ay isinugong kasama niya upang mamahala sa mga Judio taglay ang lubos na awtoridad.” Nagpatuloy si Josephus sa paglalahad na dumating si Quirinio sa Judea, kung saan pinaabot ang kaniyang awtoridad, at nag-utos ng pagbubuwis doon. Nagdulot ito ng labis na hinanakit at isang di-matagumpay na paghihimagsik na pinangunahan ni “Hudas, isang Gaulanita.” (Jewish Antiquities, XVIII, 1, 2, 3, 4 [i, 1]) Maliwanag na ito ang paghihimagsik na tinukoy ni Lucas sa Gawa 5:37. Ayon sa ulat ni Josephus, naganap ito noong “ikatatlumpu’t pitong taon pagkaraang talunin ni Cesar si Antony sa Actium.” (Jewish Antiquities, XVIII, 26 [ii, 1]) Ipinahihiwatig nito na si Quirinio ang gobernador ng Sirya noong 6 C.E.
Sa loob ng mahabang panahon, ito lamang ang pagkagobernador sa Sirya ni Quirinio na binigyang-katiyakan ng sekular na kasaysayan. Gayunman, noong taóng 1764, nasumpungan sa Roma ang isang inskripsiyon na nakilala bilang ang Lapis Tiburtinus, na bagaman hindi nagbibigay ng pangalan, ay naglalaman ng impormasyon na kinikilala ng karamihan sa mga iskolar na maaaring kumapit lamang kay Quirinio. (Corpus Inscriptionum Latinarum, inedit ni H. Dessau, Berlin, 1887, Tomo 14, p. 397, Blg. 3613) Naglalaman ito ng kapahayagan na nang patungo siya sa Sirya, siya ay naging gobernador (o, emisaryo) sa ‘ikalawang pagkakataon.’ Salig sa mga inskripsiyong natagpuan sa Antioquia na naglalaman ng pangalan ni Quirinio, kinikilala ng maraming istoryador na si Quirinio ay gobernador din ng Sirya noong yugtong B.C.E.
Gayunman, hindi nila matiyak kung kanino tutugma si Quirinio sa mga gobernador ng Sirya na sekular na nakaulat. Itinatala ni Josephus si Quintilius Varus bilang gobernador ng Sirya noong panahon ng, at pagkatapos ng, kamatayan ni Herodes na Dakila. (Jewish Antiquities, XVII, 89 [v, 2]; XVII, 221 [ix, 3]) Tinutukoy rin ni Tacitus si Varus bilang gobernador noong panahon ng kamatayan ni Herodes. (The Histories, V, IX) Sinasabi ni Josephus na ang hinalinhan ni Varus ay si Saturninus (C. Sentius Saturninus).
Dahil sa katibayan ng isang mas naunang pagkagobernador ni Quirinio, iminumungkahi ng maraming iskolar ang mga taóng 3-2 B.C.E. para sa kaniyang pagkagobernador. Bagaman ang mga petsang ito ay angkop na tutugma sa ulat ng Bibliya, ang batayan ng mga iskolar sa pagpili sa mga iyon ay mali. Samakatuwid nga, itinala nila si Quirinio bilang gobernador noong mga taóng iyon dahil inilagay nila ang kaniyang pamamahala pagkaraan niyaong kay Varus at sa gayon ay pagkaraan ng kamatayan ni Herodes na Dakila, na para rito ay ginagamit nila ang popular ngunit maling petsa na 4 B.C.E. (Tingnan ang HERODES Blg. 1 [Petsa ng Kaniyang Kamatayan]; KRONOLOHIYA.) (Sa dahilan ding ito, samakatuwid nga, ang paggamit nila ng di-napatunayang petsa na 4 B.C.E. para sa kamatayan ni Herodes, inilalagay nila ang pagkagobernador ni Varus mula noong 6 hanggang 4 B.C.E.; gayunman, ang haba ng kaniyang pamamahala ay pala-palagay lamang, yamang hindi binanggit ni Josephus ang petsa ng pagsisimula o ng pagtatapos nito.) Ang pinakamatibay na ebidensiya ay tumutukoy sa 2 B.C.E. bilang kapanganakan ni Jesus. Kaya malamang na ang taóng ito o bahagi nito ay saklaw ng panahon ng pagkagobernador ni Quirinio.
Itinatawag-pansin ng ilang iskolar ang bagay na ang terminong ginamit ni Lucas, at kadalasang isinasaling “gobernador,” ay he·ge·monʹ. Ang terminong Griegong ito ay ginagamit upang ilarawan ang Romanong mga emisaryo, mga prokurador, at mga proconsul, at may saligang kahulugan na isang “lider” o “mataas na opisyal na tagapagpatupad.” Samakatuwid, iminumungkahi ng ilan na noong panahong tinutukoy ni Lucas bilang ang ‘unang pagpaparehistro,’ naglingkod si Quirinio sa Sirya bilang isang pantanging emisaryo ng emperador anupat may pambihirang mga kapangyarihan. Ang isang salik na maaaring tumulong sa pag-unawa sa bagay na ito ay ang malinaw na pagtukoy ni Josephus sa tambalang pamamahala ng Sirya, yamang sa kaniyang ulat ay binabanggit niya ang dalawang tao, sina Saturninus at Volumnius, na magkasabay na naglilingkod bilang “mga gobernador ng Sirya.” (Jewish Antiquities, XVI, 277, 280 [ix, 1]; XVI, 344 [x, 8]) Kaya, kung tama si Josephus sa kaniyang pagtatala kina Saturninus at Varus bilang magkasunod na mga pangulo ng Sirya, posibleng naglingkod si Quirinio na kasabay alinman ni Saturninus (gaya ng ginawa ni Volumnius) o ni Varus bago mamatay si Herodes (na malamang na nangyari noong 1 B.C.E.). Inihaharap ng The New Schaff-Herzog Encyclopedia of Religious Knowledge ang pangmalas na ito: “Tumayo si Quirinio sa eksaktong kinatatayuan ni Varus, ang gobernador ng Sirya, gaya ng ginawa ni Vespasian kay Mucianus nang maglaon. Pinangasiwaan ni Vespasian ang digmaan sa Palestina habang si Mucianus ang gobernador ng Sirya; at si Vespasian ang legatus Augusti, anupat hawak ang gayundin mismong titulo at teknikal na ranggo na gaya ng kay Mucianus.”—1957, Tomo IX, p. 375, 376.
Isang inskripsiyong natagpuan sa Venice (Lapis Venetus) ang tumutukoy sa isang sensus na pinangasiwaan ni Quirinio sa Sirya. Gayunman, walang paraan upang matiyak kung ito ay noong kaniyang nauna o kaya ay huling pagkagobernador.—Corpus Inscriptionum Latinarum, inedit nina T. Mommsen, O. Hirschfeld, at A. Domaszewski, 1902, Tomo 3, p. 1222, Blg. 6687.
Ang napatunayang katumpakan ni Lucas sa makasaysayang mga bagay ay naglalaan ng matibay na dahilan upang tanggapin na makatotohanan ang kaniyang pagtukoy kay Quirinio bilang gobernador ng Sirya noong panahon ng kapanganakan ni Jesus. Maaalaala natin na si Josephus, halos ang tanging mapagkukunan ng impormasyon maliban sa Bibliya, ay ipinanganak lamang noong 37 C.E., samakatuwid ay halos apat na dekada pagkaraan ng kapanganakan ni Jesus. Sa kabilang dako naman, si Lucas ay isa nang manggagamot na naglalakbay kasama ng apostol na si Pablo pagsapit ng mga 49 C.E. nang si Josephus ay isa pa lamang bata na 12 taóng gulang. Sa kanilang dalawa, si Lucas, maging sa pangkaraniwang mga kadahilanan, ang mas malamang na pagmumulan ng maaasahang impormasyon tungkol sa pagkagobernador ng Sirya bago ang kapanganakan ni Jesus. Itinawag-pansin ni Justin Martyr, isang Palestino na nabuhay noong ikalawang siglo C.E., ang mga rekord ng Roma bilang patotoo ng katumpakan ni Lucas may kinalaman sa pagkagobernador ni Quirinio noong panahon ng kapanganakan ni Jesus. (A Catholic Commentary on Holy Scripture, inedit ni B. Orchard, 1953, p. 943) Walang katibayan na hinamon ng sinaunang mga istoryador, maging ng sinaunang mga kritiko gaya ni Celsus, ang ulat ni Lucas.