RAQUEL
[Babaing Tupa].
Isang anak ni Laban, nakababatang kapatid ni Lea, at pinsang buo at paboritong asawa ni Jacob. (Gen 29:10, 16, 30) Tumakas si Jacob mula sa kaniyang mapamaslang na kapatid na si Esau noong 1781 B.C.E., anupat naglakbay patungong Haran sa Padan-aram, sa “lupain ng mga taga-Silangan.” (Gen 28:5; 29:1) Si Raquel, isang babaing “maganda ang anyo at maganda ang mukha,” ay naglilingkod noon bilang isang babaing pastol para sa kaniyang ama; nakilala niya si Jacob sa tabi ng isang balon malapit sa Haran. Si Jacob ay tinanggap sa sambahayan ng kaniyang tiyo at pagkaraan ng isang buwan ay sumang-ayon siyang maglingkod kay Laban nang pitong taon upang mapangasawa si Raquel, na noon ay iniibig na niya. Hindi lumamig ang kaniyang pag-ibig sa loob ng pitong taóng iyon, anupat iyon ay ‘naging tulad ng ilang araw lamang’ sa kaniya. Ngunit noong gabi ng kasal, inihalili ng kaniyang tiyo ang nakatatandang anak nito na si Lea, na maliwanag na nakipagtulungan sa pandarayang iyon. Kinaumagahan, nang akusahan ni Jacob si Laban ng panlilinlang, itinawag-pansin ni Laban ang lokal na kaugalian upang ipagdahilan ang kaniyang ginawa. Sumang-ayon si Jacob na tuparin ang isang buong sanlinggo ng kasal sa piling ni Lea bago niya tanggapin si Raquel at pagkatapos nito ay magtatrabaho siya ng pitong taon pa para kay Laban.—Gen 29:4-28.
Hindi binigo ni Raquel si Jacob bilang asawa nito, at higit siyang inibig ni Jacob kaysa kay Lea. Nilingap naman ni Jehova si Lea sa kaniyang di-kaayaayang kalagayan, anupat pinagpala siyang magkaroon ng apat na anak na lalaki, samantalang si Raquel ay nanatiling baog. (Gen 29:29-35) Nanibugho si Raquel sa kaniyang kapatid at napighati rin dahil sa kaniyang pagkabaog, isang kalagayan na itinuturing noon na malaking kadustaan para sa mga babae. Ang kaniyang pagiging mayayamutin at mainipin ay ikinagalit maging ng kaniyang mapagmahal na asawa. Upang mapunan ang kaniyang pagiging baog, ibinigay niya kay Jacob ang kaniyang alilang babae upang magkaanak ito (gaya ng ginawa noon ni Sara sa kaniyang aliping si Hagar), at ang dalawang anak na isinilang nito ay itinuring na kay Raquel. Ang utusang babae ni Lea at si Lea mismo ay nagluwal ng may kabuuang apat pang anak bago natupad ang inaasam ni Raquel at magluwal siya ng kaniyang unang anak, si Jose.—Gen 30:1-24.
Noon ay handa na si Jacob na lisanin ang Haran, ngunit hinikayat siya ng kaniyang biyenang lalaki na manatili pa nang ilang panahon, at pagkaraan pa ng anim na taon, sa utos ng Diyos, saka umalis si Jacob. Dahil sa mapandayang mga pamamaraan ni Laban, hindi ito sinabihan ni Jacob tungkol sa kaniyang pag-alis, at kapuwa sina Lea at Raquel ay sang-ayon sa kanilang asawa sa bagay na ito. Bago umalis, ninakaw ni Raquel ang “terapim” ng kaniyang ama, maliwanag na isang uri ng mga imaheng idolo. Nang maabutan ni Laban ang pangkat at ihayag ang pagnanakaw (maliwanag na ang pangunahin niyang ikinababahala), ipinakita ni Jacob, na walang alam sa pagkakasala ni Raquel, na hindi siya sang-ayon sa gayong pagkilos at itinalaga sa kamatayan ang nagkasala kung ang isang iyon ay masusumpungan sa kaniyang pangkat. Umabot ang paghahanap ni Laban sa tolda ni Raquel, ngunit hindi niya ito nakita, sapagkat si Raquel ay nanatiling nakaupo sa pansiyang basket na kinaroroonan ng terapim at sinabing may dinaramdam siya dahil sa kaniyang pagreregla.—Gen 30:25-30; 31:4-35, 38.
Noong salubungin siya ng kaniyang kapatid na si Esau, ipinakita ni Jacob na paborito pa rin niya si Raquel nang ilagay niya ito at ang kaisa-isang anak nito sa pinakahulihan ng pangkat, yamang tiyak na inisip niya na ito ang pinakaligtas na posisyon sakaling sumalakay si Esau. (Gen 33:1-3, 7) Matapos tumahan nang ilang panahon sa Sucot, pagkatapos ay sa Sikem, at nang bandang huli ay sa Bethel, si Jacob ay patuloy na naglakbay nang patimog. Sa isang lugar sa pagitan ng Bethel at Betlehem, isinilang ni Raquel ang kaniyang ikalawang anak, si Benjamin, ngunit namatay siya sa panganganak at inilibing siya roon, anupat nagtayo si Jacob ng isang haligi bilang palatandaan ng libingan.—Gen 33:17, 18; 35:1, 16-20.
Isang di-kumpletong larawan ng personalidad ni Raquel ang ibinibigay ng iilang detalye na iniulat. Siya ay mananamba ni Jehova (Gen 30:22-24), ngunit mayroon din siyang mga pagkakamali, bagaman ang pagnanakaw niya ng terapim at ang katusuhan niya upang hindi siya mahuli ay masasabing dahil sa pamilya na kaniyang pinagmulan. Anuman ang kaniyang mga kahinaan, lubha siyang minahal ni Jacob, na maging sa katandaan nito ay itinuring si Raquel bilang ang kaniyang tunay na asawa at itinangi ang mga anak ni Raquel nang higit sa lahat ng iba pa niyang anak. (Gen 44:20, 27-29) Ang mga salita ni Jacob kay Jose bago siya mamatay, bagaman simple lamang, ay nagpahayag ng sidhi ng pagmamahal niya kay Raquel. (Gen 48:1-7) Sinasabing sila ni Lea ang “nagtayo ng sambahayan ni Israel [Jacob].”—Ru 4:11.
Ipinahihiwatig ng mga tuklas sa arkeolohiya kung bakit kinuha ni Raquel ang “terapim” ng kaniyang ama. (Gen 31:19) Isinisiwalat ng mga tapyas na cuneiform na natagpuan sa Nuzi sa H Mesopotamia, na ipinapalagay na mula pa noong kalagitnaan ng ikalawang milenyo B.C.E., na itinuring ng ilang sinaunang mga tao na ang pagmamay-ari ng mga diyos ng sambahayan ay nagsisilbing legal na titulo sa pagmamana ng ari-arian ng pamilya. (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. Pritchard, 1974, p. 219, 220) Iminumungkahi ng ilan na maaaring inisip ni Raquel na may karapatan si Jacob na manahin ang isang bahagi ng ari-arian ni Laban bilang anak na inampon at maaaring kinuha niya ang terapim upang tiyaking matatamo ito ni Jacob o upang malamangan pa nga ang mga anak na lalaki ni Laban. O maaaring inisip niya na ang pagmamay-ari nito ay isang paraan upang mahadlangan ang anumang legal na pagtatangka ng kaniyang ama na angkinin ang ilang bahagi ng kayamanang natamo ni Jacob samantalang naglilingkod kay Laban. (Ihambing ang Gen 30:43; 31:1, 2, 14-16.) Siyempre pa, ang mga posibilidad na ito ay nakadepende sa kung mayroon ngang gayong kaugalian sa bayan ni Laban at kung ang terapim ay talagang mga diyos ng sambahayan.
Ang dakong pinaglibingan kay Raquel “sa teritoryo ng Benjamin sa Zelza” ay alam pa noong panahon ni Samuel, pagkaraan ng mga anim na siglo. (1Sa 10:2) Ang tradisyonal na lokasyon ng libingan ay mga 1.5 km (1 mi) sa H ng Betlehem. Subalit nasa teritoryo ito ng Juda, hindi ng Benjamin. Dahil dito, iminumungkahi ng iba ang isang lokasyon na mas dako pang H, ngunit ang anumang pagsisikap na matukoy ito nang eksakto ay hindi na mahalaga sa ngayon.
Maraming siglo pagkamatay ni Raquel, bakit binanggit ng Bibliya ang pagtangis niya sa hinaharap dahil sa kaniyang mga anak?
Sa Jeremias 31:15 ay binabanggit na tumatangis si Raquel dahil sa kaniyang mga anak na dinala sa lupain ng kaaway, anupat ang pagtaghoy niya ay narinig sa Rama (sa H ng Jerusalem sa teritoryo ng Benjamin). (Tingnan ang RAMA Blg. 1.) Yamang ang Efraim, na ang mga inapo ng tribo ay kadalasang ginagamit upang kumatawan sa hilagang kaharian ng Israel, ay binabanggit nang ilang beses sa konteksto (Jer 31:6, 9, 18, 20), naniniwala ang ilang iskolar na ang hulang ito ay tumutukoy sa pagtatapon ng mga Asiryano sa mga tao ng hilagang kaharian. (2Ha 17:1-6; 18:9-11) Sa kabilang dako naman, maaaring tumutukoy ito sa pagtatapon nang bandang huli kapuwa sa mga tao sa Israel at sa Juda (ang huling nabanggit ay itinapon ng mga Babilonyo). Sa unang kaso, angkop na angkop gamitin si Raquel bilang sagisag yamang siya ang babaing ninuno ng Efraim (sa pamamagitan ni Jose), ang pinakaprominenteng tribo ng hilagang kaharian. Sa ikalawang kaso, dahil si Raquel ay ina hindi lamang ni Jose kundi pati ni Benjamin, na ang tribo ay bahagi ng timugang kaharian ng Juda, siya ay angkop na sagisag ng mga ina sa buong Israel, anupat ang pagluluwal nila ng mga anak ay waring nawalan ng kabuluhan. Gayunman, nakaaaliw na ipinangako ni Jehova na “tiyak na babalik [ang mga tapon] mula sa lupain ng kaaway.”—Jer 31:16.
Ang tekstong ito ay sinipi ni Mateo may kaugnayan sa utos ni Herodes na patayin ang mga sanggol sa Betlehem. (Mat 2:16-18) Yamang ang libingan ni Raquel ay itinuturing na malapit sa Betlehem (bagaman maliwanag na hindi sa ipinapalagay na lokasyon nito), ang pagtangis ni Raquel ay angkop na sumagisag sa pamimighati ng mga ina ng mga batang pinatay. Ngunit mas lalo pang angkop ang pagsipi na ito sa hula ni Jeremias dahil sa pagkakatulad ng situwasyon. Ang mga Israelita noon ay sakop ng isang banyagang kapangyarihan. Ang kanilang mga anak ay muling kinuha. Ngunit sa pagkakataong ito, ang “lupain ng kaaway” na pinaroonan nila ay maliwanag na hindi isang pulitikal na rehiyon gaya ng sa naunang kaso. Iyon ay ang libingan, ang rehiyon na pinamamahalaan ni ‘Haring Kamatayan’ (ihambing ang Aw 49:14; Apo 6:8), anupat ang kamatayan ay tinatawag na ang “huling kaaway” na papawiin. (Ro 5:14, 21; 1Co 15:26) Sabihin pa, ang anumang pagbabalik mula sa gayong “pagkatapon” ay sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli mula sa mga patay.