TUNGKOD, PAMALO, BASTON
Ang mga salitang Hebreo na sheʹvet at mat·tehʹ ay malimit isalin bilang “tungkod,” “pamalo,” at “baston.” Ang sheʹvet ay nangangahulugang isang baston o tungkod (na pansuporta) at maaaring tumukoy sa tungkod o baston ng pastol. (Lev 27:32) Posibleng dahil may dalang tungkod o setro, ang mga pinuno ng tribo, kapuwa ang sheʹvet at ang mat·tehʹ ay tumutukoy rin sa “tribo” at isinalin din nang gayon. (Exo 31:2; Deu 18:1; 29:18) Ang tagdan ng sibat o ang sandatang katulad nito ay tinukoy rin ng mga salitang Hebreo na sheʹvet o ʽets (sa literal, punungkahoy).—2Sa 18:14; 21:19.
Ang iba pang mga termino ay maq·qelʹ, isinalin bilang “baston” (Gen 30:37; 1Sa 17:43), at mish·ʽeʹneth, isinalin bilang “baston” o “pagsuhay.”—Huk 6:21; 2Ha 18:21.
Ang salitang Griego para sa “tungkod” ay rhaʹbdos, na kung minsa’y isinasalin bilang “baston.” (Apo 19:15; Mat 10:10) May isa pang salita, xyʹlon, na isinasalin din bilang “baston” sa ilang bersiyon. Sa literal, ito’y nangangahulugang “kahoy” o isang bagay na yari sa kahoy. Ang salitang ito ay isinalin bilang “mga pamalo” sa Mateo 26:47, 55 at sa katulad na mga ulat.
Mga Pinaggagamitan. Noon, ang tungkod, pamalo, o baston ay ginagamit bilang pansuporta (Exo 12:11; Zac 8:4; Heb 11:21); pandepensa o pananggalang (2Sa 23:21; Mat 10:10); sa pagpaparusa sa mga bata, mga alipin, o iba pa (Exo 21:20; Kaw 10:13; 23:13, 14; Gaw 16:22); sa paggigiik (Isa 28:27 [parehong lumilitaw sa talatang ito ang mat·tehʹ at sheʹvet, na isinalin bilang “tungkod” at “baston,” NW]; ihambing ang Huk 6:11; Ru 2:17); at sa pag-aani ng mga olibo (Deu 24:20; Isa 24:13). Ginagamit din ng mga pastol ang tungkod upang akayin, supilin at tulungan ang kawan. Hinggil sa pagpili ng mga hayop na ibibigay sa santuwaryo bilang ikapu, sinasabi ng Kautusan, “Kung tungkol sa lahat ng ikasampung bahagi ng bakahan at ng kawan, lahat ng dumaraan sa ilalim ng tungkod [anumang sumasailalim sa pangangalaga ng pastol], ang ikasampung ulo ay magiging banal kay Jehova. Huwag niyang susuriin kung ito ay mabuti o masama, ni papalitan man niya ito.” (Lev 27:32, 33) Diumano, habang lumalabas ang mga tupa mula sa kulungan, nakatayo ang pastol sa may pasukan at sa dulo ng kaniyang baston ay may nakataling piraso ng tela na binasâ ng tina. Idinadampi niya ito sa bawat ikasampung tupa at ibinubukod niya ang mga namarkahan bilang ang ikapu.—Ihambing ang Jer 33:13.
Sagisag ng Awtoridad. Ang baston ay itinuturing na mahalagang personal na pag-aari ng isang tao, at walang alinlangan na may mga baston na nakilalang pag-aari ng partikular na mga indibiduwal. Ibinigay ni Juda kay Tamar ang kaniyang baston at singsing na panlagda bilang paniguro hangga’t hindi pa siya nakapagpapadala ng batang kambing na kabayaran sa pagsiping niya kay Tamar. (Gen 38:18, 25) Ang mga pinuno ay nagdadala ng tungkod bilang sagisag ng kanilang awtoridad. Kaya naman madalas gamitin ng Bibliya ang tungkod upang sumagisag sa awtoridad ng isa o sa awtoridad na ipinagkaloob sa kaniya ng iba. Ang tungkod ni Moises ay nagsilbing sagisag ng kaniyang awtoridad at atas mula sa Diyos nang humarap siya sa matatandang lalaki ng Israel at kahit noong humarap siya kay Paraon at sa mga mahikong saserdote ng Ehipto. (Exo 4:17, 29-31; 7:9-12) Sa huling nabanggit na pangyayari, sinasabing ang tungkod ay kay Aaron, ngunit maliwanag na tungkod iyon ni Moises na ginamit ni Aaron bilang tagapagsalita ni Moises, gaya ng makikita kung ihahambing ang Exodo 7:15, 17.
Pagkatapos nito, ang tungkod ni Moises ay maraming ulit na ginamit bilang sagisag na siya’y inatasan ni Jehova at pinagkalooban ng awtoridad bilang lider ng bansa. (Exo 8:5; 9:23; 10:13; Bil 20:11) Nang kuwestiyunin ang awtoridad nina Moises at Aaron, sa lahat ng tungkod ng mga lider ng 12 tribo, ang tungkod ni Aaron, na kumakatawan sa sambahayan ni Levi, ang pinangyari ng Diyos na umusbong at magbunga ng hinog na mga almendras. Lubos na pinatunayan nito na si Aaron, samakatuwid nga, pati ang kaniyang sambahayan, ang itinalaga ng Diyos na humawak ng katungkulan at awtoridad ng pagkasaserdote. Pagkatapos, ang tungkod na iyon ay iningatan sa kaban ng tipan sa loob ng ilang panahon.—Bil 17:1-11; Exo 29:9; Heb 9:4.
Sumulat ang salmista: “Ang sinabi ni Jehova sa aking Panginoon ay: ‘Umupo ka sa aking kanan hanggang sa ilagay ko ang iyong mga kaaway bilang tuntungan ng iyong mga paa.’ Ang tungkod ng iyong lakas ay isusugo ni Jehova mula sa Sion, na nagsasabi: ‘Manupil ka sa gitna ng iyong mga kaaway.’” (Aw 110:1, 2) Ikinapit ng apostol na si Pablo ang tekstong ito kay Jesu-Kristo, na may hawak, wika nga, ng ‘tungkod ng lakas ni Jehova,’ anupat humahayo bilang kinatawan ni Jehova taglay ang lubos na awtoridad na maglapat ng kahatulan sa kaniyang mga kaaway. (Heb 10:12, 13) Si Jesu-Kristo ang “maliit na sanga mula sa tuod ni Jesse,” at “sasaktan niya ang lupa sa pamamagitan ng tungkod ng kaniyang bibig; at sa pamamagitan ng espiritu ng kaniyang mga labi ay papatayin niya ang balakyot.” (Isa 11:1, 4) Siya’y nagsasalita taglay ang awtoridad at ginagamit niya ang kapangyarihang ibinigay sa kaniya ni Jehova upang parusahan ang balakyot. Sinasabing pamamahalaan niya ang mga bansa, hindi bilang isang pastol na mapayapang umaakay sa kawan sa pamamagitan ng kaniyang baston, kundi sa pamamagitan ng isang tungkod na bakal.—Apo 2:27; 12:5; 19:15.
Sa Isaias 9:4 at 14:5, binabanggit ang mapaniil na tungkod, o baston ng pamamahala o awtoridad, na ginamit ng mga kaaway ng Israel sa kaniya. Ginamit ng Diyos ang mga bansa sa palibot ng Israel, gaya ng Asirya, upang maglapat ng kaparusahan sa Israel dahil sa kaniyang mga kasalanan, at sa paggawa nila nito, ang mga bansang iyon ay nagsilbing tungkod ng kaparusahan sa ilalim ng awtoridad o pahintulot ng Diyos. Gayunman, kumilos ang mga bansang ito hindi dahil sa pag-ibig kay Jehova o sa pagkapoot sa mga kasalanan ng Israel, kundi dahil sa kanilang matinding poot kapuwa sa Diyos at sa Israel. Lumampas pa nga sila sa kanilang atas at labis-labis na pinighati ang Israel. Bukod diyan, ang mga kapangyarihang ito, lalo na ang Asirya at ang Babilonya, ay nagpalalo laban mismo sa Diyos na Jehova. Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Isaias, sinabi ng Diyos tungkol sa Asirya: “Aha, ang Asiryano, ang tungkod ng aking galit,” ngunit inilarawan din niya ang kapalaluan ng Asirya, sa pagsasabing: “Magmamagaling ba ang palakol sa nagsisibak sa pamamagitan nito, o dadakilain ba ng lagari ang sarili nito sa nagpapagalaw niyaon nang paroo’t parito, na para bang ang baston ang siyang nagpapagalaw nang paroo’t parito sa mga nagtataas niyaon, na para bang ang tungkod ang siyang nagtataas sa isa na hindi kahoy?” Pagkatapos ay inihula Niya ang kaparusahang sasapit sa bansang Asirya dahil inisip nito na mas dakila siya kaysa sa Isa na gumagamit sa kaniya at dahil itinaas nito ang kaniyang sarili laban sa Diyos.—Isa 10:5, 15.
Nang makipagtipan si Jehova kay David ukol sa kaharian, sinabi niya tungkol sa linya ng mga haring mula sa dinastiya ni David: “Ako ang magiging kaniyang ama, at siya ang magiging aking anak. Kapag gumawa siya ng mali, sasawayin ko rin siya ng pamalo ng mga tao at ng mga hampas ng mga anak ni Adan.” (2Sa 7:14) Dito, ang pamalong pandisiplina na gagamitin ni Jehova bilang isang Ama ay ang awtoridad ng mga pamahalaan ng sanlibutan, gaya ng Babilonya. Ang bansang ito’y ginamit upang ibagsak ang kaharian ng Diyos na nasa mga kamay ng mga haring mula sa linya ni David, hanggang sa “dumating siya na may legal na karapatan.” (Eze 21:27) Noong 70 C.E., ang mga hukbong Romano sa ilalim ni Heneral Tito ay nagsilbing “pamalo” na naglapat ng kaparusahan sa di-tapat na Jerusalem.—Dan 9:26, 27.
Maling paggamit ng tungkod. Kadalasan, ginagamit ng mga pamahalaan at mga hukom ng mga bansa ang kanilang tungkod ng awtoridad sa di-matuwid na paraan, anupat lumalaban pa nga sa Diyos at sa kaniyang bayan. Nang iharap si Jesu-Kristo sa mataas na hukumang Judio at sa Romanong gobernador na si Pilato, siya’y pinighati, nilibak, dinuraan, binugbog, at nang dakong huli ay pinatay. Ginamit ng mga lider na Judio ang kanilang awtoridad laban kay Jesus at pagkatapos ay pinabigat pa nila ang “tungkod” na iyon nang ibigay nila siya sa pamahalaang Romano upang patayin. Inihula ng propetang si Mikas ang pagpighating ito sa ganitong pananalita: “Sa pamamagitan ng tungkod ay hahampasin nila sa pisngi ang hukom ng Israel.” (Mik 5:1) Pagkatapos mamatay at buhaying-muli si Jesus, ginamit naman ng mga tagapamahalang Judio ang kanilang awtoridad upang pag-usigin ang mga tagasunod ni Jesus. Sa maraming pagkakataon, ginamit din ng Roma at ng iba pang mga pamahalaan sa lupa ang kanilang tungkod ng awtoridad sa maling paraan. Pagsusulitin sila ng Diyos dahil dito.—Ju 19:8-11; 2Te 1:6-9.
Awtoridad ng mga magulang. Ang “pamalo” ay ginagamit upang sumagisag sa awtoridad ng mga magulang sa kanilang mga anak. Maraming ulit na binabanggit ng aklat ng Mga Kawikaan ang awtoridad na ito, anupat ang terminong iyon ay sumasagisag sa lahat ng anyo ng disiplina, kasama na ang literal na pamalong ginagamit sa pagpaparusa. Talagang may pananagutan ang magulang sa harap ng Diyos na gamitin ang pamalong ito upang masuheto ang kaniyang anak. Kung hindi ito gagawin ng magulang, dudulutan niya ng kapahamakan at kamatayan ang kaniyang anak at magbubunga ito ng kahihiyan at di-pagsang-ayon ng Diyos para sa kaniyang sarili. (Kaw 10:1; 15:20; 17:25; 19:13) “Ang kamangmangan ay nakatali sa puso ng bata; ang pamalong pandisiplina ang maglalayo nito sa kaniya.” “Huwag mong ipagkait sa bata ang disiplina. Kung hahampasin mo siya ng pamalo, hindi siya mamamatay. Dapat mo siyang hampasin ng pamalo, upang mailigtas mo ang kaniyang kaluluwa mula sa Sheol.” (Kaw 22:15; 23:13, 14) Sa katunayan, “ang nag-uurong ng kaniyang pamalo ay napopoot sa kaniyang anak, ngunit ang umiibig sa kaniya ay yaong humahanap sa kaniya taglay ang disiplina.”—Kaw 13:24; 19:18; 29:15; 1Sa 2:27-36.
Bilang ‘Ama ng mga espirituwal na buhay’ ng mga Kristiyano, hindi ipinagkakait ng Diyos na Jehova sa kaniyang mga anak ang “pamalo.” Ang kinasihang Kristiyanong manunulat ng liham sa mga Hebreo ay nagsabi: “Ang Diyos ay nakikitungo sa inyo gaya ng sa mga anak. Sapagkat anong anak siya na hindi dinidisiplina ng ama? . . . Ngunit ginagawa niya ang gayon para sa kapakinabangan natin upang makabahagi tayo sa kaniyang kabanalan.” (Heb 12:7, 9, 10) Sa kongregasyong Kristiyano, ang awtoridad na maglaan ng disiplina ay inilagay ni Jehova sa mga kamay ng mga taong tapat, partikular na ng mga apostol. Ang awtoridad na ito ay ‘upang patibayin ang mga kapatid at hindi upang gibain sila.’ (2Co 10:1-11) Kalakip dito ang karapatang dumisiplina sa mga manggagawa ng kamalian. Nang ang kongregasyon sa Corinto ay lumihis sa katuwiran at tumingin sa mga tao sa halip na kay Kristo, sumulat si Pablo upang ituwid sila at nagsabi: “Ano ang nais ninyo? Paririyan ba ako sa inyo na may pamalo, o may pag-ibig at kahinahunan ng espiritu?”—1Co 4:21.
Ang baston ng pangunguna, pagpapastol. Ginagamit ng pastol ang kaniyang baston o tungkod upang akayin, ipagtanggol, at tulungan ang kaniyang kawan. Sa katulad na paraan, pinapastulan din ni Jehova at ng kaniyang Anak na si Jesu-Kristo ang kawan ng bayan ng Diyos. Palibhasa’y may pakikipagtipan sa kaniya, ang Israel ay madalas tukuyin ni Jehova bilang kaniyang kawan. Sumulat si David: “Si Jehova ang aking Pastol. . . . Inaakay niya ako sa mga landas ng katuwiran alang-alang sa kaniyang pangalan. Bagaman lumalakad ako sa libis ng matinding karimlan, wala akong kinatatakutang masama, sapagkat ikaw ay kasama ko; ang iyong tungkod at ang iyong baston ang siyang umaaliw sa akin.” (Aw 23:1-4) Nanalangin si Mikas: “Pastulan mo ang iyong bayan sa pamamagitan ng iyong baston, ang kawan na iyong mana.”—Mik 7:14; ihambing ang Ju 10:11, 14; Heb 13:20; 1Pe 2:25; 5:4.
Tingnan din ang BASTON NG KUMANDANTE.