SIHOR
[mula sa Ehipsiyo, nangangahulugang “Maliit na Lawa ni Horus”].
Maliwanag na ang pinakasilangang sanga ng Ilog Nilo sa rehiyon ng Delta. Sa apat na paglitaw nito sa tekstong Hebreo, ang Sihor ay laging iniuugnay sa Ehipto. (Jos 13:3, “sanga ng Nilo”; 1Cr 13:5, “ilog”; Isa 23:3; Jer 2:18) Samantalang itinuturing ito ng ilang komentarista na katumbas ng “agusang libis ng Ehipto” (Bil 34:5), na kadalasang iniuugnay sa Wadi el-ʽArish, TK ng Gaza, lumilitaw na mas iniuugnay ito ng Jeremias 2:18 at Isaias 23:3 sa Ehipto at sa Nilo kaysa sa nabanggit na agusang libis, o wadi. Ang teksto sa Isaias na tumutukoy sa “binhi ng Sihor” ay waring partikular na kumakapit sa isang batis na tuluy-tuloy ang agos (na·harʹ) sa halip na sa isa na umaagos nang pana-panahon lamang (naʹchal). Dahil dito ang Sihor, kahit man lamang sa dalawang tekstong ito, ay mas madalas na iniuugnay sa pinakasilangang sanga ng Nilo (matapos itong mahati-hati tungo sa ilang sanga pagdating sa rehiyon ng Delta). Ang lokasyong ito ang maaaring dahilan kung bakit tinutukoy ito bilang “nasa tapat ng [samakatuwid nga, nasa S ng o sa gawing S ng] Ehipto,” gaya ng nasa Josue 13:3.
Gayunman, ang huling tekstong nabanggit ay bahagi ng paglalarawan sa lupaing sasakupin pa lamang ng mga Israelita pagkatapos ng unang mga kampanya sa ilalim ng pangunguna ni Josue, na sumasaklaw hanggang sa H sa “pagpasok sa Hamat.” (Jos 13:1-6) Yaong mga sang-ayong iugnay ito sa Wadi el-ʽArish ay nagsasabi na sa ibang bahagi ng Kasulatan, ang mga hangganan ng mana ng Israel ay binanggit na mula sa “agusang libis ng Ehipto” hanggang sa “pagpasok sa Hamat.” (Bil 34:2, 5, 7, 8) Gayunman, sa Josue 13:3, itinuturing sa ilang salin (RS, NW) na ang pagtukoy sa Sihor (“sanga ng Nilo,” NW) ay bahagi ng karagdagang pananalita na nagbibigay ng makasaysayang impormasyon hinggil sa kung hanggang saan umabot sa TK ang lupain ng mga Canaanita. Salig sa bagay na ito, sa halip na ilarawan ang teritoryong lulupigin, maaaring ipinakikita lamang ng teksto na ang mga Canaanita ay minsang nanirahan hanggang sa pinakasilangang hanggahan ng mismong Ehipto.
Sa katulad na paraan, mapapansin ang isang pagkakatulad sa pagitan ng pagtukoy sa pagtitipon ni David sa bayan ng Israel mula sa Sihor (“sa ilog ng Ehipto,” NW) hanggang sa Hamat (nang sinisikap niyang iahon ang kaban ng tipan sa Jerusalem) at ng pagtitipon ng bayan noong mga araw ni Solomon mula sa “pagpasok sa Hamat hanggang sa agusang libis ng Ehipto.” (1Cr 13:5; 1Ha 8:65) Maaaring ang paliwanag dito ay na sa huling nabanggit na kalagayan (panahon ni Solomon), inilalahad ng ulat ang aktuwal na mga hangganan ng mga tirahan ng mga Israelita. Ang pook sa pagitan ng Wadi el-ʽArish at ng silangang sanga ng Nilo ay pangunahin nang disyertong teritoryo at lupain ng mabababang pananim, kaya ang wadi na ito, o agusang libis, ay wastong palatandaan ng hangganan ng teritoryong angkop panahanan ng mga Israelita, samantalang sa unang nabanggit na kalagayan (kay David), maaaring ang inilalarawan ay ang buong pook na pinamumuhayan ng mga Israelita, ang pook na aktuwal na pinamumunuan ni David, na talagang umabot sa hanggahan ng Ehipto.
Bago pa man si David, tinugis na ni Haring Saul ang mga Amalekita hanggang sa Sur, “na nasa tapat ng Ehipto” (1Sa 15:7), at ang lupaing nasasakupan na tinanggap ni Solomon sa pamamagitan ni David ay sinasabing umabot sa “hangganan ng Ehipto.” (1Ha 4:21) Kaya, bagaman ang teritoryong aktuwal na ipinamahagi sa mga tribo ng mga Israelita ay hindi umabot hanggang sa ibayo pa ng “agusang libis ng Ehipto,” waring hindi ito salungat sa pag-uugnay ng Sihor sa isang “sanga ng Nilo” sa Josue 13:3 at sa “ilog ng Ehipto” sa 1 Cronica 13:5.
Ang salitang “Sihor” ay hindi lumilitaw sa Genesis 15:18, kung saan ipinangako ni Jehova kay Abraham ang lupaing mula sa “ilog ng Ehipto hanggang sa malaking ilog, na ilog ng Eufrates.” Kaya, dito rin ay may tanong kung “ang ilog [isang anyo ng na·harʹ] ng Ehipto” ay tumutukoy sa isang bahagi ng Nilo o sa “agusang libis [naʹchal] ng Ehipto” (ang Wadi el-ʽArish). Ang kasagutan ay nakasalalay sa kung ang inilarawan ni Jehova rito ay ang aktuwal na lugar na ipinamahagi bilang mana ng tribo o kung ang tinukoy niya ay ang buong rehiyon na pinamunuan ng kahariang Israelita sa pinakamalawak na sakop nito. Kung ang tinutukoy ay ang unang nabanggit, ang tekstong ito ay malamang na kumakapit sa Wadi el-ʽArish; kung ang huling nabanggit naman, sa Sihor.—Tingnan ang EHIPTO, AGUSANG LIBIS NG.