SIDON, MGA SIDONIO
Ang panganay na anak ni Canaan na si Sidon ang pinagmulan ng mga Sidonio. Ang daungang bayan ng Sidon ay ipinangalan sa kanilang ninuno, at sa loob ng maraming taon ay ito ang pangunahing lunsod ng mga taga-Fenicia, na siyang tawag ng mga Griego sa mga Sidonio. Sa ngayon ay kilala ang lunsod bilang Saida.
Isang kolonya ng mga Sidonio ang namayan din mga 35 km (22 mi) sa T ng Sidon at tinawag nilang Tiro ang lugar na iyon. Sa kalaunan ay nahigitan ng Tiro ang Sidon sa maraming aspekto, ngunit hindi nito kailanman lubos na naiwala ang pagkakakilanlan nito bilang isang pamayanang Sidonio. Kung minsan, ang hari ng Tiro ay tinatawag na “hari ng mga Sidonio” (1Ha 16:31), at kadalasan ang Tiro at Sidon ay magkasamang binabanggit sa hula. (Jer 25:22; 27:3; 47:4; Joe 3:4; Zac 9:2) Sa pagitan ng dalawang lunsod ay naroon ang Zarepat, “na sakop ng Sidon” at kung saan pinakain si Elias ng isang babaing balo noong panahon ng isang mahabang taggutom.—1Ha 17:9; Luc 4:25, 26.
Ang Sidon ay dating itinuturing na H hangganan ng mga bansang Canaanita. (Gen 10:19) Pagkatapos na malupig ni Josue ang mga hari ng hilagang Canaan (na tinugis hanggang sa “mataong Sidon” sa H), ang lupain ay hinati-hati sa siyam at kalahating tribo na hindi pa tumatanggap ng takdang bahagi. Nang panahong iyon, ang lupain sa ilalim ng kontrol ng Sidon ay hindi pa nakukuha. (Jos 11:8; 13:2, 6, 7; Bil 32:33) Tinanggap ng Aser ang mga baybaying kapatagan sa mismong T ng Sidon, at gaya ng inihula, ang teritoryo ng Zebulon ay nakalatag na ang ‘kaniyang dulong bahagi ay sa dakong Sidon,’ samakatuwid nga, sa H bahagi ng Lupang Pangako. (Jos 19:24, 28; Gen 49:13) Gayunman, sa halip na palayasin ng mga Aserita ang mga Sidonio mula sa kanilang teritoryong iniatas ng Diyos, naging kontento sila na mamayang kasama ng mga ito. (Huk 1:31, 32; 3:1, 3) Noong kapanahunan ng mga Hukom, kinuha ng tribo ni Dan ang Lais, posibleng isang kolonyang Sidonio, at binago ang pangalan nito at ginawang Dan. Maliwanag na madaling naisagawa ang pananakop, sapagkat ang bayan ay “tahimik at walang pangamba,” sa gayon ay hindi sila nakahanda laban sa pagsalakay. (Huk 18:7, 27-29) Binabanggit din ang Sidon may kaugnayan sa sensus na kinuha noong mga araw ni David.—2Sa 24:6.
Palibhasa’y isang daungang lunsod na kinaroroonan ng dalawa sa iilang daungan sa baybayin ng Fenicia, ang Sidon ay naging isang bantog na sentro ng kalakalan kung saan nagtatagpo ang mga pulutong na naglalakbay sa katihan at ipinakikipagpalit ang kanilang mga paninda sa mga produktong lulan ng mga sasakyang paroo’t parito sa mga ruta ng barko sa Mediteraneo. Kabilang sa mga Sidonio ang mayayamang mangangalakal, mga dalubhasang magdaragat, at matitipunong tagapagsagwan. (Isa 23:2; ihambing ang Eze 27:8, 9.) Ang mga Sidonio ay bantog din sa kanilang kasanayan sa paggawa ng kristal at sa kanilang paghahabi at pagtitina ng tela. Kilalá rin sila sa kanilang kakayahan bilang mga mamumutol ng kahoy at mga magtotroso.—1Ha 5:6; 1Cr 22:4; Ezr 3:7.
Ang Relihiyong Sidonio at ang Resulta Nito. Kung tungkol sa relihiyon, ang mga Sidonio ay balakyot; ang mahahalay na pagpapakasasa sa sekso may kaugnayan sa diyosang si Astoret ay prominenteng bahagi ng kanilang pagsamba. Ang mga Israelita, palibhasa’y pinahintulutan ang mga Sidonio na manatiling kasama nila, nang maglaon ay nasilong sumamba sa kanilang huwad na mga diyos. (Huk 10:6, 7, 11-13) Ang ilan sa mga babaing banyaga na napangasawa ni Solomon ay mga Sidonio, at ang mga ito ang gumanyak sa hari na sumunod sa kasuklam-suklam na diyosa ng pag-aanak na si Astoret. (1Ha 11:1, 4-6; 2Ha 23:13) Ginawa rin ni Haring Ahab ang masama sa paningin ni Jehova sa pamamagitan ng pag-aasawa kay Jezebel, ang anak ng isang Sidoniong hari. Buong-sigasig namang itinaguyod ni Jezebel ang huwad na pagsamba sa Israel.—1Ha 16:29-33; 18:18, 19.
Ipinainom sa mga Sidonio ang poot ni Jehova, una ay sa pamamagitan ng pakikinig sa mga kapahayagan ng kaniyang mga propeta, at nang maglaon ay sa pamamagitan ng pagkapuksa na inilapat ng mga kamay ng mga Babilonyo at ng iba pa. (Isa 23:4, 12; Jer 25:17, 22; 27:1-8; 47:4; Eze 28:20-24; 32:30; Joe 3:4-8; Zac 9:1-4) Iniuulat ng sekular na kasaysayan na ang mga imperyo ng Babilonya, Persia, Gresya, at Roma ay halinhinang nagpuno sa Sidon.
Kasaysayan ng Sidon Noong Unang Siglo C.E. Ngunit sa kabila ng tiwaling paraan ng pagsamba ng mga Sidonio, ang kasalanan nila ay hindi kasimbigat niyaong sa suwail na Israel. Kaya naman sinabi ni Jesus na higit na matitiis ng mga tao ng Sidon ang Araw ng Paghuhukom kaysa sa mga Judiong iyon ng Corazin at Betsaida na nagtakwil kay Jesus bilang Mesiyas. (Mat 11:20-22; Luc 10:13, 14) Pagkalipas ng ilang panahon, nang naglalakbay si Jesus sa distrito sa palibot ng Sidon, isang babaing taga-Fenicia ang nagpakita ng pananampalataya sa kaniya. (Mat 15:21-28; Mar 7:24-31) Gayunman, ang karamihan sa ‘mga pulutong’ na pinagaling ni Jesus noong una, kabilang na ang ilan mula sa palibot ng Tiro at Sidon, ay tiyak na mga Judio o mga proselita. (Mar 3:7, 8; Luc 6:17) Sa kaniyang unang paglalakbay patungong Roma bilang isang bilanggo, pinahintulutan si Pablo na dumalaw sa mga kapatid sa Sidon.—Gaw 27:1, 3.
Sa mga kadahilanang hindi binanggit sa kasaysayan, ‘ibig makipag-away’ ni Herodes Agripa I sa mga Sidonio, na tinutustusan noon ng pagkaing nagmumula sa hari. Nang magtakda ng isang araw upang isaayos ang mga bagay-bagay at nang pinupuri ng mga Sidonio si Herodes sa pagsasalita sa “tinig ng isang diyos, at hindi ng tao,” sinaktan siya ng anghel ni Jehova anupat kaagad siyang kinain ng mga uod.—Gaw 12:20-23.