BALAT
Ang panlabas na balot ng katawan ng tao o hayop. Ang balat ay itinuturing na isang sangkap ng katawan, at talagang marami itong nagagawa para sa ikabubuti ng katawan, kasama na rito ang pagbibigay ng proteksiyon, pagkontrol sa temperatura ng katawan, at pag-aalis ng ilang dumi ng katawan.
Bumabanggit ang Bibliya ng mga sakit sa balat (Lev 13:1-46; 21:20; Deu 28:27) at ng ilang nakasisirang epekto sa balat na dulot ng karamdaman at gutom.—Job 7:5; 30:30; Pan 4:8; 5:10.
Ayon sa Kautusan, ang mga balat ng mga hayop na ginamit para sa ilang handog ukol sa kasalanan ay sinusunog sa labas ng kampo ng Israel, o sa labas ng pintuang-daan ng Jerusalem. (Exo 29:14; Lev 4:11, 12; 8:17; 9:11; 16:27; Heb 13:11) Sa saserdote napupunta ang balat ng isang hayop na dinala ng isang Israelita bilang handog na sinusunog.—Lev 7:8.
Matapos magkasala sina Adan at Eva, pinaglaanan sila ni Jehova ng mga kasuutang balat upang matakpan ang kanilang kahubaran. (Gen 3:21) Ang mga balat na hindi naalisan ng balahibo ay ginawang kasuutan ng ilan, partikular na ng ilan sa mga propeta (2Ha 1:8), pati ng ilang bulaang propeta. (Zac 13:4) Ginamit din ang mga balat ng hayop bilang mga sandalyas (Eze 16:3, 10); upang gumawa ng mga supot (1Sa 17:40) at mga sisidlang balat para sa tubig, gatas, at alak (Gen 21:14; Jos 9:13; Huk 4:19; Mat 9:17); bilang mga tambol; at posibleng ginamit bilang pampalakas ng tunog para sa neʹvel o “panugtog na de-kuwerdas.” (Isa 5:12) Ginamit ang mga balat bilang mga pantakip para sa tabernakulo.—Exo 25:2, 5; 26:14; 35:7, 23; 36:19.
Ginamit din ang balat ng mga tupa, mga kambing, o mga guya bilang materyales na mapagsusulatan.—Tingnan ang PERGAMINO.
Makasagisag na Paggamit. May kinalaman kay Job, sinabi ni Satanas kay Jehova: “Balat kung balat, at ang lahat ng pag-aari ng isang tao ay ibibigay niya alang-alang sa kaniyang kaluluwa.” (Job 2:4) Sa gayon ay hinamon ng Diyablo ang katapatan ng tao, anupat inangkin niya na susumpain ni Job ang Diyos kapag naapektuhan ang sarili nitong pisikal na kapakanan.
Si Job mismo ang nagsabi: “Ako ay bahagya nang nakatakas na gabalat ng aking mga ngipin.” (Job 19:20) Nagmungkahi ang ilang tagapagsalin ng ibang mga interpretasyon para sa tekstong nabanggit, ngunit nangangailangan ang mga ito ng mga pagbabago sa tekstong Hebreo. Waring hindi naman kailangang bigyang-kahulugan ang pananalita ni Job sa liwanag ng mga natuklasan kamakailan ng mga siyentipiko sa tulong ng mga mikroskopyo. Waring ang sinasabi lamang ni Job ay na nakatakas siya nang walang dala o halos walang dala. Bahagya na siyang nakatakas na gabalat ng kaniyang mga ngipin, samakatuwid nga, “gabalat” niyaong sa tingin ay wala namang balat.