PANGAWAN, MGA
Isang sinaunang instrumentong pampiit at pamparusa, isang kayariang kahoy na kung saan iniipit ang mga paa ng isang tao samantalang siya’y nakaupo (2Cr 16:10; Jer 20:2, 3), at kadalasan, samantalang nakalantad siya sa paningin at panunuya ng madla. Ang mga pangawan ng mga Romano ay may ilang butas anupat kung gugustuhin ay maibubuka nang husto ang mga binti, sa gayon ay pinatitindi ang pagpapahirap. Sa Hebreo, ang mga pangawang pampiit ng mga paa ay tinatawag na sadh (Job 13:27; 33:11), at yamang ang mga ito ay yari sa kahoy, tinutukoy ang mga ito sa pamamagitan ng terminong Griego na xyʹlon (kahoy). Habang nakabilanggo sila sa Filipos, ipiniit sina Pablo at Silas sa mga pangawan na umipit sa kanilang mga paa.—Gaw 16:24.
Sa ibang bahagi ng Hebreong Kasulatan, may isa pang salita, mah·peʹkheth, na isinasalin din bilang “mga pangawan.” Yamang mayroon itong diwa ng pagpihit, waring puwersahang binabaluktot o pinipilipit ang katawan ng taong ipinipiit dito. Maaaring ipinipiit sa kagamitang ito ang mga paa, mga kamay, at leeg o marahil ay ginagamit ito kasama ng iba pang kasangkapan na pampiit sa leeg at mga bisig. Posibleng pinagtatambal ang mga pangawan at ang pikota upang ipitin ang mga binti at pati ang leeg at mga bisig. (Jer 29:26, NE, NW) Ang paggamit ng ganitong mga instrumento ay hindi iniutos ng Kautusang ibinigay ng Diyos sa Israel, ni may probisyon man sa Kautusan para sa mga bilangguan.