ARAW, I
[sa Ingles, sun].
Ang mas malaki sa dalawang tanglaw sa langit ng planetang Lupa; ang pangunahing pinagmumulan ng enerhiya na nilalang para sa lupa, anupat kung wala ito ay imposible ang buhay sa lupa. Ang araw (sa Heb., sheʹmesh; sa Gr., heʹli·os), kasama ang buwan, ay nagsisilbi ring orasan ng tao upang masukat niya ang mga kapanahunan, mga araw, at mga taon. (Gen 1:14-18) Ang araw ay isang kaloob mula sa “Ama ng makalangit na mga liwanag,” na nagpapasikat nito sa lahat, kapuwa sa balakyot at sa mabuti. (San 1:17; Jer 31:35; Mat 5:45) Masasabi nga natin na pinapupurihan ng araw ang maringal na Maylalang nito.—Aw 148:3.
Ang araw ay isang bituin na mga 1,392,000 km (865,000 mi) ang diyametro, mahigit sa sandaang ulit ng diyametro ng lupa, at mahigit sa isang milyong ulit ng volume ng lupa. Ang katamtamang distansiya nito mula sa lupa ay mahigit sa 149,600,000 km (93,000,000 mi). Ang temperatura ng araw sa pinakaibabaw nito ay sinasabing mga 6,000° C. (11,000° F.). Ngunit dahil napakalayo nito mula sa lupa, wala pang isang bahagi ng isang bilyon ng enerhiyang inilalabas nito ang nakararating sa lupa, gayunma’y sapat na sapat ito upang maglaan ng angkop na mga klima para mabuhay sa lupa ang mga halaman at mga hayop.—Deu 33:14; 2Sa 23:4.
Higit na Maningning si Jehova at si Kristo. Ipinakita ng binuhay-muling si Jesus na si Jehova, ang Maylalang ng araw, ay may kaningningan at kaluwalhatiang higit sa taglay ng araw. Sa kaniyang bahagyang pagsisiwalat kay Saul, ipinakita niya rito ang isang liwanag na “higit sa kaningningan ng araw.” (Gaw 26:13) Sa banal na lunsod, ang Bagong Jerusalem, hindi na kailangan ang liwanag ng araw, sapagkat liliwanagan ito ng “kaluwalhatian ng Diyos” at ang magiging “lampara nito” ay ang Kordero.—Apo 21:2, 23; 22:5.
Ang Kapangyarihan ng Diyos sa Liwanag ng Araw. Noong araw na ipako si Jesus sa pahirapang tulos, mula sa ikaanim na oras (11:00 n.u. hanggang alas 12 ng tanghali) hanggang sa ikasiyam na oras (2:00 n.h. hanggang 3:00 n.h.), isang kadiliman ang sumapit sa buong lupain. (Mat 27:45; Mar 15:33) Binanggit ng ulat ni Lucas na sumapit ang kadiliman “sapagkat naglaho ang liwanag ng araw.” (Luc 23:44, 45) Hindi ito isang eklipse ng araw sa pamamagitan ng buwan, gaya ng ipinapalagay ng ilan, sapagkat naganap ang kadiliman sa panahon ng Paskuwa, na laging panahon ng kabilugan ng buwan. Mga dalawang linggo pa pagkatapos nito nang lumitaw ang bagong buwan, samakatuwid nga, kapag kapareho na ng araw ang direksiyon nito mula sa lupa (ang panahon kung kailan nagaganap ang mga eklipseng solar).
Matagal na panahon na bago ang pangyayaring ito, itinanghal na ni Jehova ang kaniyang kakayahang harangan ang liwanag ng araw. Ito ay noong nasa Ehipto ang mga Israelita. Noong ikasiyam na salot, binalot ng makapal na kadiliman ang mga Ehipsiyo, isang kadilimang ‘nadarama.’ Tumagal ito nang tatlong araw, mas matagal kaysa sa anumang eklipse ng araw sa pamamagitan ng buwan. Gayunman, sa kalapit na lupain ng Gosen, noong pagkakataon ding iyon ay may liwanag para sa mga Israelita.—Exo 10:21-23.
Bilang sagot sa tanong ng kaniyang mga alagad tungkol sa kaniyang pagkanaririto at sa katapusan ng sistema ng mga bagay, inihula ni Jesus ang di-pangkaraniwang pagdidilim ng araw.—Mat 24:3, 29; Mar 13:24; Luc 21:25; ihambing ang Isa 13:10; Joe 2:10, 31; 3:15; Gaw 2:20; tingnan ang LANGIT (Pagdidilim ng Langit).
Panahon at Direksiyon. Ang panahon ay kadalasang tinutukoy sa pamamagitan ng pagbanggit sa posisyon ng araw. (Gen 15:12, 17; 32:31; Deu 16:6; Jos 8:29; Huk 9:33; 1Sa 11:9) Ang direksiyon ay ipinahihiwatig din sa katulad na paraan. (Deu 11:30; Jos 12:1) Ang pananalitang “sa ilalim ng araw” ay ginamit upang mangahulugan ng “saanman (o sa lahat ng dako) sa lupa.” (Ec 5:18; 9:11) Ang “sa paningin” ng araw o “sa harap ng araw” ay nangangahulugang “sa hantad na dako, nakikita ng lahat.”—2Sa 12:11, 12.
Makasagisag na Paggamit. Ang Diyos na Jehova ay tinatawag na “araw at kalasag,” hindi dahil isa siyang diyos ng kalikasan, kundi dahil siya ang Bukal ng liwanag, buhay, at enerhiya. (Aw 84:11) Tinutukoy rin siya bilang isang lilim sa kaniyang bayan, anupat ‘hindi sila sinasaktan ng araw.’ Dito ay inihahalintulad sa init ng araw yaong nagdadala ng kapahamakan. (Aw 121:6, 7) Kung minsan, ang nakapapasong init ng araw ay sumasagisag sa pag-uusig (Mat 13:5, 6, 20, 21) at sa galit ng Diyos.—Apo 7:16.
Inihalintulad ni Jehova ang mapaghimagsik na Jerusalem sa isang babae na nagsilang ng pitong anak, anupat inilalarawan ang kahatulang sasapit sa kaniya sa pamamagitan ng makasagisag na kapahayagang, “Ang kaniyang araw ay lumubog habang araw pa,” samakatuwid nga, bago dumating ang gabi ng kaniyang buhay ay daranas siya ng kapahamakan. Natupad ito nang wasakin ng Babilonya ang Jerusalem. (Jer 15:9) Sa gayunding paraan, humula si Mikas laban sa mga propetang nagliligaw sa Israel: “Lulubugan ng araw ang mga propeta, at ang araw ay magdidilim sa kanila.” (Mik 3:6; ihambing ang Am 8:9.) Ang pamamahala ng Kaharian ni Jehova ay inilalarawan na napakaningning anupat bilang paghahambing ay masasabi: “Ang buwan na nasa kabilugan ay nalito, at ang sumisinag na araw ay napahiya.” (Isa 24:23) Sinabi ni Jesus na sa katapusan ng sistema ng mga bagay, “ang mga matuwid ay sisikat nang maliwanag na gaya ng araw sa kaharian ng kanilang Ama.”—Mat 13:39, 43; ihambing ang Dan 12:3; tingnan ang LIWANAG, TANGLAW.
Pagsamba sa Araw. Noong panahon ng paglilinis ni Haring Josias, “inalisan niya ng trabaho ang mga saserdote ng mga banyagang diyos, na inilagay ng mga hari ng Juda upang gumawa sila ng haing usok . . . sa araw at sa buwan.” “Higit pa rito, ang mga kabayo na ibinigay ng mga hari ng Juda sa araw ay pinatigil niya sa pagpasok sa bahay ni Jehova . . . at ang mga karo ng araw ay sinunog niya sa apoy.” (2Ha 23:5, 11) Nang maglaon, ang propetang si Ezekiel, na nasa Babilonya noon, ay binigyan ng isang pangitain ng templo ni Jehova sa Jerusalem. Doon ay nakakita siya ng mga 25 lalaki sa pagitan ng beranda at ng altar, na ‘yumuyukod sa dakong silangan, sa araw.’ (Eze 8:16) Ang gayong kasuklam-suklam na mga gawain ang naging sanhi ng pagkawasak ng Jerusalem noong 607 B.C.E., nang ang lunsod at ang templo ay gibain ng instrumento ni Jehova na si Nabucodonosor.—Jer 52:12-14.
Anino na Umatras Nang Sampung Baytang. Bago pa man ang ikawalong siglo B.C.E., ang mga sundial ay ginagamit na sa Babilonya at sa Ehipto. Gayunman, ang salitang Hebreo na ma·ʽalohthʹ, isinaling “dial” sa 2 Hari 20:11 at sa Isaias 38:8 sa King James Version, ay literal na nangangahulugang “mga baytang” (NW) o “mga digri,” gaya ng ipinakikita sa panggilid na impormasyon ng King James Version para sa mga talatang ito. Ginamit din ang salitang ito sa mga superskripsiyon ng 15 ‘Awit ng mga Pagsampa,’ ang Awit 120 hanggang 134.
Sa binanggit na mga kasulatan, sa 2 Hari 20:8-11 at Isaias 38:4-8, inilalahad ng ulat ang tungkol sa palatandaang ibinigay ng Diyos sa may-sakit na si Haring Hezekias bilang sagot sa panalangin ni Isaias. Kabilang dito ang pagpapangyari niya sa anino, na noon ay unti-unti nang nakababa, na bumalik at umatras nang sampung baytang. Maaari itong tumukoy sa mga baytang, o mga digri, ng isang dial na panukat ng panahon, at hindi imposible na may gayong sundial ang ama ni Hezekias, na maaaring nakuha pa nga nito sa Babilonya. Gayunman, nang talakayin ng Judiong istoryador na si Josephus ang ulat na ito, binanggit niya na ang mga baytang na ito ni Ahaz ay “nasa bahay,” nagpapahiwatig na ang mga ito ay bahagi ng isang hagdan. (Jewish Antiquities, X, 29 [ii, 1]) Malamang na may isang haligi sa tabi ng hagdan na tinatamaan ng sinag ng araw at lumilikha ng anino na unti-unting humahaba sa mga baytang at nagsisilbing panukat ng panahon.
Maaaring nasangkot sa isinagawang himala ang kaugnayan ng lupa sa araw, at kung gayon nga, maaaring katulad ito ng himalang nakaulat sa Josue 10:12-14. (Tingnan ang KAPANGYARIHAN, MAKAPANGYARIHANG MGA GAWA [Tumigil ang araw at buwan].) Waring nakarating sa malayo ang epekto ng palatandaang ito, yamang ipinakikita sa 2 Cronica 32:24, 31 na may mga mensaherong isinugo sa Jerusalem mula sa Babilonya upang mag-usisa tungkol doon.