LANGAY-LANGAYAN
[sa Heb., derohrʹ; sa Ingles, swallow].
Ang anyo ng salitang Hebreo na derohrʹ ay kapareho ng anyo ng isang salitang Hebreo na isinalin bilang “paglaya” (Lev 25:10; Isa 61:1), at ipinapalagay ng ilang komentarista na inilalarawan ng pangalang ito ang magandang langay-langayan at ang malayang paglipad nito.
Ang mga langay-langayan ay kalimitang gumagawa ng kanilang tulad-kopang mga pugad (na yari sa binilug-bilog na putik) sa mga bahay o iba pang mga gusali, kadalasa’y sa ilalim ng mga medya-agwa. May panahong namugad sila sa gusali ng templo sa Jerusalem, gaya ng ginagawa nila ngayon sa katulad na mga gusali sa buong Israel. Nang maglaon, ang taluktok ng templo ni Herodes ay nilagyan ng nakausling matutulis na ginintuang pako para huwag pamugaran ng mga ibon ang gusali.—The Jewish War, ni F. Josephus, V, 224 (v, 6).
Nang ipahayag ng salmista ang kaniyang pananabik sa mga looban ng bahay ni Jehova, binanggit niya ang langay-langayan na nakasumpong ng pugad na mapaglalagyan nito ng kaniyang mga inakáy—oo, sa mismong templo, maliwanag na sa isang dako sa palibot ng “maringal na altar” ni Jehova. (Aw 84:1-3) Bilang isang di-saserdoteng Levita, ang salmista ay naglilingkod lamang sa templo nang isang linggo sa bawat anim na buwan, ngunit alam niya na mas permanente ang paninirahan doon ng langay-langayan. Sa gayo’y ipinahayag niya ang kaniyang pananabik na mapasa mga looban ng tabernakulo ni Jehova hangga’t maaari.
Ang isa pang pagtukoy sa langay-langayan ay nasa Kawikaan 26:2, na nagsasabing “gaya ng ibong may dahilan sa pagtakas at gaya ng langay-langayan sa paglipad, ang sumpa ay hindi rin dumarating nang walang tunay na dahilan.” (NW) Isinalin ng ilang bersiyon ang tekstong Hebreo bilang isang “sumpa na walang dahilan [at] hindi lumalapag” (RS; tingnan din ang AS, Ro) at sa gayon, ipinapalagay nila na ang teksto ay nangangahulugan na ang gayong walang-dahilang sumpa ay hindi natutupad o “lumalapag” kundi sa halip ay tulad ng walang-tigil na paglipad ng langay-langayan habang walang-kapaguran itong lumilipad para tugisin ang insektong bibiktimahin nito. Sa nakapalibot na mga talata, tinatalakay ng manunulat ang taong mangmang at ang mga lakad nito. Kung gayon, sa salin na unang binanggit (NW), maaaring ang diwa ay, kung paanong ang paglipad ng mga ibon kapag tumatakas sila sa panganib o naghahanap ng pagkain ay may tunay na dahilan, gayundin naman, kung ang landasin ng mangmang ay magdulot sa kaniya ng sumpa, hindi iyon nangyari nang walang tunay na dahilan; ito’y dahil sa kaniyang kamangmangan.—Ihambing ang Kaw 26:3; gayundin ang 1:22-32.
Naglipana ang common swallow o barn swallow (Hirundo rustica) sa Palestina. May isang uri ng ganitong langay-langayan na namamalagi roon nang buong taon, samantalang ang iba naman ay dumarating doon mula sa timugang Aprika kapag Marso at umaalis kapag malapit nang magtaglamig. Marami ang dumaraan doon habang nandarayuhan sila kapag tagsibol at taglagas. Ang maliit na langay-langayang may mahahaba at malalakas na pakpak at, kadalasan, magkasangang buntot, ay may pambihirang ganda at mabilis lumipad, anupat nakapandarayuhan sa malalayong distansiya. Kadalasan, ang balahibo nito’y may iba’t ibang makikisap na kulay. Ang awit nito ay kaayaayang kombinasyon ng banayad na paghuni at pagkatal.