TALITA KUMI
Ang Semitikong pananalita na ginamit ni Jesu-Kristo noong panahong buhayin niyang muli ang anak na babae ni Jairo. Ito ay nangangahulugang, “Dalagita, sinasabi ko sa iyo, Bumangon ka!” (Mar 5:41) Nagkakaiba-iba ang mga transliterasyon ng pananalitang ito sa mga manuskritong Griego. Bagaman kadalasan ay tinutukoy ito bilang Aramaiko, ang huling bahagi ng pariralang ito (“kumi”) sa paanuman ay maaaring Hebreo o kaya’y Aramaiko, ayon sa Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words (1981, Tomo 4, p. 109). Sinasabi ng leksikograpong si Gesenius na ang “talita” ay hinalaw sa salitang Hebreo para sa kordero (ta·lehʹ).—A Hebrew and English Lexicon of the Old Testament, nina Brown, Driver, at Briggs, 1980, p. 378.