TAMUZ, II
Ang pangalang ibinigay sa ikaapat na buwang lunar sa sagradong kalendaryo ng mga Judio pagkaraan ng pagkatapon, ngunit ikasampung buwan naman sa sekular na kalendaryo. Kaya sa Targum ni Jonathan, ang pananalitang “ikasampung buwan” sa Genesis 8:5 ay isinaling “buwan ng Tamuz.” Tamuz ang pangalan ng isang bathala ng Babilonya. (Eze 8:14) Hindi ikinakapit ng rekord ng Bibliya ang pangalang ito sa ikaapat na buwan kundi tinutukoy lamang ang buwan sa puwesto nito ayon sa pagbilang. (Eze 1:1) Gayunman, ang pangalan ay lumilitaw sa Judiong Mishnah (Taʽanit 4:6) at sa iba pang mga akda pagkaraan ng pagkatapon. Ang paggamit ng paganong pangalan na Tamuz upang tumukoy sa ikaapat na buwan, gayundin ang paggamit ng iba pang mga pangalan pagkaraan ng pagkatapon, ay maaaring ginawa lamang ng mga Judio para sa kaalwanan. Dapat tandaan na sila noon ay isang sinupil na bayan, anupat obligadong makitungo at mag-ulat sa mga banyagang kapangyarihan na namumuno sa kanila, kaya hindi nakapagtataka kung gamitin nila ang pangalan ng mga buwan na ginagamit ng mga banyagang kapangyarihang ito. Ang kalendaryong Gregorian na ginagamit ngayon ay may mga buwan na isinunod sa pangalan ng mga diyos na sina Janus at Mars, at ng diyosang si Juno, gayundin nina Julio at Augusto Cesar, subalit ito ay patuloy na ginagamit ng mga Kristiyanong nagpapasakop sa “nakatataas na mga awtoridad.”—Ro 13:1.
Ang buwan ng Tamuz ay katumbas ng huling bahagi ng Hunyo at unang bahagi ng Hulyo at samakatuwid ay sumasapit sa panahong papatindi ang init ng tag-araw. Sa panahong ito ay nagsisimula nang lumitaw ang unang hinog na bunga ng mga puno ng ubas.—Bil 13:20.
Ikasiyam na araw noon ng ikaapat na buwang ito (Tamuz) nang butasin ni Nabucodonosor ang mga pader ng Jerusalem noong 607 B.C.E. pagkatapos ng 18-buwang pagkubkob. (2Ha 25:3, 4; Jer 39:2; 52:6, 7) Sa sumunod na 70 taon ng pagkatapon, nakaugalian nang mag-ayuno ng mga Judio sa ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan bilang pag-alaala sa dagok na ito sa Jerusalem. (Zac 8:19) Gayunman, pagkatapos ng ikalawang pagkawasak ng Jerusalem, noong taóng 70 C.E., ang pag-aayuno ay ginaganap na sa ika-17 araw ng ikaapat na buwan, ang araw nang butasin ng Romanong si Heneral Tito ang mga pader ng templo. Walang mga kapistahang itinakda si Jehova para sa buwang ito.